"Miss? Diba hinahanap niyo po si Mr. Lu? Dito po." Magalang na paalala ng
staff noong nakita niyang nakatulala lang si Qiao Anhao sa kinatatayuan nito.
Kung hindi nagbigay ng paalala ang staff, malamang hindi pa
mahihimasmasan si Qiao Anhao. Mabagal siyang tumungo at kahit
namumutla't sobrang wala na siya sa sarili, pinilit niya pa ring sundan ang
direksyong ibinibigay ng lalaki papunta sa elevator.
Ang staff na rin mismo ang nag'swipe ng card at pumindot ng button papunta
sa pinaka mataas na palapag para sakanya. Bago ito umalis, magalang itong
ngumiti at pinaalala sakanya ang room number na kailangan niyang
puntahan.
Habang nakatayo sa loob ng elevator, nakatulala lang siya sa paiba-ibang
numero na nagkukulay pula. Hindi niya maipaliwag kung bakit pero habang
papalapit siya ng papalapit sa pinaka taas na palapag, pabilis rin ng pabilis
ang tibok ng kanyang puso.
Tatlong minuto lang ang kailangan para makarating sa pinaka taas kung
manggaling sa unang palapag, pero para kay Qiao Anhao, parang ilang
dekada na ang lumipas. Hanggang ngayon ay wala pa rin siya sa sarili kaya
nang magbukas ang elevator, nanatili lang siya sakanyang kinatatayuan kahit
pa tumunog na ang alarm. Nahimasmasan lang siya noong nakita niyang
nagsasara na ito kaya bigla niyang pinindot ang button para muli itong
magbukas at dahan-dahang naglakad palabas.
Bumungad sakanya ang napaka tahimik na corridor at bago siya magpatuloy,
huminga muna siya ng malalim. Para makarating siya sa hinahanap niya,
kailangan niyang kumaliwa at may ilang kwarto siyang lalampasan bago siya
kumanan. Pagkaliko niya, muli siyang maglalakad hanggang sa makarating
siya sa pinaka dulo, ang room 1002
Nakatitig lang siya sa nakasaradong pintuan at ilang beses niyang itinaas ang
kanyang kamay sa pagbabakasakaling kakayanin niyang kumatok, pero sa
mga oras na 'to, tuluyan na siyang nalamon ng takot.
Nasa loob si Lu Jinnian… At ang sabi sakanya ay may kasama raw itong
foreigner na babae... Nauna itong umalis at matagal bago niya nakumbinsi
ang sarili niya na sumunod…Sa mga oras na 'to, ano na kayang ginagawa ng
kanyang asawa at ng kasama nitong babae?
Hangga't maari ayaw niyang maging tipo ng misis na mang'eeskandalo ng
asawa, pero sa dami ng mga nakumpirma niya, hindi na siya tinatantanan ng
isip niya sa mga posibilidad. Sobrang naguguluhan na siya dahil naglalaban
sa loob niya ang prinsipyong dapat magtiwala siya sa asawa niya at ang
kutob na b ka may nangyari na dito at sa kasama nitong foreigner.
Sa apat na buwan silang magkahiwalay, nagtago ito sa America. Sino naman
kaya ang nakilala nito?
Tandang-tanda niya ang bawat detalye ng sulat ni Lu Jinnian na itinago nito
sa porcelain doll. Malinaw na nakasaad dito kung gaano katindi ang
pagmamahal nito sakanya. At ngayong kasal na sila…
Sobrang tigas ng ulo ni Qiao Anhao. Harap-harapan na siyang hinahabol ng
katotohanan pero nagpupumilit pa rin siyang makita ito gamit ang dalawa
niyang mga mata.
Oo. Dapat lang na makita niya ito gamit ang sarili niyang mga mata dahil
hangga't hindi ito nangyayari, hinding hindi siya maniniwala na pagtataksilan
siya ng lalaking pinakamamahal niya.
Kahit na… kahit na niloloko na siya ni Lu Jinnian… Wala siyang ibang
gustong mangyari kundi ang maiuwi ito… asawa niya ito, legal na asawa!
Ipinikit ni Qiao Anhao ang kanyang mga mata at huminga ng malalim habang
bumibilang hanggang tatlo sakanyang isip. Sa pagkakataong ito, buo na ang
loob niya kaya nanggigigil siyang kumatok sa pintuang nasa harapan niya.
Hindi niya alam kung gaano katagal na siyang kumakatok pero nagpatuloy
lang siya kahit nararamdaman niya ng sumasakit na ang kanyang kamay.
Hindi nagtagal, may narinig siyang isang pamilyar na boses mula sa loob…
Ang boses ni Lu Jinnian.
"Sino yan?"
Imbes na sumagot, nagpatuloy lang si Qiao Anhao sa pagkatok kaya nang
magbukas ang pintuan, naiwan ang kamay niya sa hangin. Halos kalahating
minuto siyang nakayuko bago niya muling iangat ang kanyang ulo. Tumambad
sakanya ang Lu Jinnian na nakabihis ng maayos at nakakunot ang noo na
para bang nagtataka kung paano niya ito nasundan.
Medyo matagal din siyang nakatitig sa mga mata ni Lu Jinnian bago niya
dahan-dahang ibaling ang kanyang tingin sa balikat nito at sa paligid ng
kwarto na nasa harapan niya. May nakita siyang dalawang baso ng red wine
na nakalapag sa lamesa, isang kaha ng sigarilyo at ang jacket ni Lu Jinnian
na nakakalat sa sofa.
Makailang beses siyang kumurap bago niya muling tignan ang mga mata ni
Lu Jinnian.