Hindi napaghandaan ni Lu Jinnian na makikita niyang nakaupo si Qiao Anhao
sa loob ng kanyang kwarto. Natigilan siya na para bang bigla siyang nanghina
habang nagtatanggal ng kanyang butones.
Ito ang unang pagkakataon na pumasok si Qiao Anhao sa kwarto ng ibang tao
na walang paalam. Kinakabahan siya at hindi mapakali. Ilang sandali ring
nakakatitig kay Lu Jinnian ang kanyang dilat na dilat na mga mata bago siya
maglakad papalapit rito. "Lu Jinnian, pasensya na kung naistorbo kita."
Hindi umiimik si Lu Jinnian at nakatitig lang siya kay Qiao Anhao habang
papalapit ito ng papalapit sakanya. Hindi niya maintindihan ang nangyayari
dahil para siyang nasa isang panaginip.
Noong halos kalahating metro nalang ang layo ni Qiao Anhao kay Lu Jinnian,
muli niyang inangat ang kanyang ulo. Sobrang bilis ng tibok ng kanyang puso
na parang bigla nalang itong lalabas sa lalamunan niya sa oras na magsalita
siya. "Lu Jinnian, pwede ba tayong magusap?"
Ang mga salita ni Qiao Anhao ay parang isang matulis na kutsilyong sumaksak
sa puso ni Lu Jinnian. Bigla nalang itong namutla.
Noon, tinext niya rin ito ng may halos kaparehong ibig sabihin. [Pagusapan
natin ito ng mahinahon mamaya sa dinner natin.]
Pero noong araw na 'yun, buong magdamag siyang naghintay. Ibinaba niya ang
kanyang buong pagkatao pero wala pa ring nangyari.
Magusap tayo…Noong hindi siya binigyan ni Qiao Anhao ng pagkakataon na
magpaliwanag, para na rin siyang nasintensyahan ng kamatayan.
Nanginginig ang kanyang mga kamay at sa sobrang bigat ng kanyang
pagkakahawak, hindi niya namalayan na natanggal niya na ang isa niyang
butones at gumawa ito ng matining na ingay nang sandaling malaglag ito sa
sahig, "ding." Biglang siyang nahimasmasan at napuno ng galit ang kanyang
mga mata, na siyang nagpainit ng pakiramdam sa buong kwarto. Pagkalipas ng
halos kalahating minuto, walang emosyon siyang nagsalita, "Sa tingin ko, wala
na tayong dapat pagusapan."
Walang emosyon niyang inalis ang kanyang tingin kay Qiao Anhao at
nagpatuloy siya sa pagtanggal ng kanyang butones at naglakad papuntang CR.
Bago siya pumasok, muli siyang tumingin kay Qiao Anhao. Ilang sandali siyang
natigilan bago siya magsalita, "Wala akong pakielam kung paano ka nakapasok
dito, pero sana hindi na kita makita pag labas ko dahil hindi ako
magdadalawang isip na tumawag ng pulis."
Pagkatapos niyang magsalita ay muli siyang tumalikod at pumasok ng CR.
Pero biglang hinila ni Qiao Anhao ang kanyang damit.
Noong mga sandaling iyon, hindi niya alam kung anong gagawin niya kaya
itinikom niya lang ang kanyang mga labi. Yumuko siya at tinitigan ang maputi at
mahaba nitong kamay. Halo halo ang kanyang mga naramdaman pero pinili
niyang huwag magpahalatang apektado kaya pagalit niyang sinabi, "Bitawan
mo!"
Biglang napayuko si Qiao Anhao at nanginginig ang kanyang mga daliri.
Halatang natatakot siya sa tono ng boses ni Lu Jinnian pero imbes na bitawan
niya ito ay lalo niya pang hinigpitan ang kanyang paghawak. Habang tumatagal,
namamawis na ang kanyang mga kamay sa sobrang kaba. "Lu Jinnian, alam ko
namang galit ka, pero pwede bang bigyan mo lang ako ng kahit konting oras?
Patapusin mo naman ako sa gusto kong sabihin…"
"Hindi ako interesado!" Naiiritang sagot ni Lu Jinnian. Gamit ang isa niyang
kamay, hinawakan niya ang kamay nito at tinanggal mula sakanyang damit.