Parang bumalik sa pagkabata ang matandang babae na kailangan ng maya't
mayang lambing. Naging pasensyosa naman si Qiao Anhao at palagi niya itong
kinakausap kaya nalaman tungkol kay Lu Jinnian.
Noong hapon na nagpakita si Lu Jinnian, inulit ng matanda ang paboritong
alamat ni Lu Jinnian noong bata pa ito. Kunuwento rin nito ang pangungutsa ng
mga kapitbahay nila noong nalaman ng mga ito na nagtatrabaho ang nanay ni
Lu Jinnian sa isang night club. Walang katulad ang kagandahan ng nanay nito
kaya maraming lalaki ang sumisilip dito na bandang huli ay kinainisan ng ibang
mga kababaihan. Nang lumaon, ang mga babaeng 'yun ay pinagbintangan ang
nanay nito na nang'aagaw ng asawa at hindi lang 'yun dahil pinagsabihan rin
ng mga ito ang mga bata na huwag lalapit sa batang Lu Jinnian.
Masyado pang bata si Lu Jinnian noong mga panahong iyon at wala pa siyang
kamuwang muwang na ayaw siyang makalaro ng ibang bata kaya kapag may
nakikita siyang naglalaro ay nakikisali pa rin siya. Pero sa tuwing lalapit siya
ay titigan siya ng mga ito na punong puno ng pandidiri at nang lumaon, ayaw
niya ng makipaglaro. Natutulog ang kanyang nanay sa umaga at nagtatrabaho
sa gabi kaya maraming pagkakataon na makikita ang batang Lu Jinnian na
magisang naglalaro sa isang sulok.
Pero may isang beses na may isang napaka salbaheng batang lalaki ang
naghanap ng gulo. Kung anu anong sinabi nitong masasama tungkol sa nanay
ni Lu Jinnian at bilang anak, nasaktan ito kaya kumuha siya ng isang batong
gawa sa putik at binasag sa ulo ng bata. Dahil doon, sinugod ng mga tao ang
nanay ni Lu Jinnian at sinisi silang dalawa nang hindi man lang inaalam ang
tunay na nangyari.
Mula noon, bihira ng makitang lumabas si Lu Jinnian tuwing umaga.
Nagbuntong hininga ang matandang babae.
Noong mga oras na 'yun, pakiramdam ni Qiao Anhao ay parang may
nakadagan sa puso niya.
Ngayon niya lang nalaman na may ganun palang kadilim na nakaraan si Lu
Jinnian.
Wala pala talagang taong ipinanganak na takot makisalamuha…. Dahil lang
'yun sa pang'aapi ng mga tao noong pa bata siya. Malamang, yun nalang din
ang paraan ni Lu Jinnian para panghawakan ang dignidad nito.
Bago pa makapagkwento ng ibang bagay ang matanda, biglang tumunog ang
doorbell kaya ang babaeng nagaalaga sa matanda ay dali daling pumunta sa
pintuan. Halatang gulat na gulat itong makita si Lu Jinnian. "Mr. Lu, nandito ka
na?"
Nang sandaling marinig ni Qiao Anhao ang pangalan ni 'Lu Jinnian',
nagmamadali siyang lumabas ng kwarto at nakita niya nga ito na naglalakad na
may hawak na ilang malalaking plastic.
Sa pagkakataong ito, mas malinaw niya na itong nakikita.
Bukod sa malaki nitong ipinayat, wala ng ibang pinagbago ang itsura nito.
Napakagwapo at suplado pa rin nitong tignan.
Hindi napansin ni Lu Jinnian si Qiao Anhao noong una. Ibinigay niya ang mga
plastic sa tagapag alaga para makapagpalit ng sapatos habang mahinahon na
nagtatanong, "Nasaan si nanay?"
"Nasa kwarto." Sagot ng babae.
Tumungo lang si Lu Jinnian bilang tugon pero noong sandaling maglalakad na
siya papunta sa kwarto, hindi niya inaasahang makita si Qiao Anhao na
nakatayo sa pintuan.
Biglang kumunot ang kanyang noo at hindi niya maintindihan kung paano
nangyari, pero bandang huli, pinilit niyang huwag magpahalatang apektado at
nagsalita na parang hindi niya kilala ang taong nasa harapan niya. "Anong
ginagawa mo dito?"