Sa wakas, magaling na si Lara. Ang saya ko nang makita ko siya ulit sa opisina, abala sa trabaho, gaya ng nakasanayan. Pero alam ko na kahit okay na siya, hindi siya tumitigil sa pagpapagod. Kahit sino pa ang magsabi sa kanya na magpahinga, tila wala siyang naririnig.
"Lara, sigurado ka bang okay ka na?" tanong ko habang nakatayo sa gilid ng mesa niya, hawak ang tasa ng kape.
Ngumiti siya, bahagyang nagbiro, "Damian, ilang beses ko na bang sinabing ayos na ako? Baka ikaw ang kailangan kong alagaan sa sobrang pag-aalala mo sa akin."
Napangiti na lang ako, pero alam kong hindi ko mapigilang mag-alala.
Habang abala siya sa trabaho, biglang dumating si Brian at Leo, parehong may dalang pagkain. Ang timing nila, parang sinadya.
"Lara," bungad ni Brian, hawak ang isang supot ng donuts, "nagdala ako ng paborito mo. Para makabawi kami sa mga araw na wala ka."
Kasabay naman nito, inabot ni Leo ang isang kape. "Para hindi ka antukin, Lara. Alam kong mahirap bumalik sa ritmo pagkatapos ng pahinga."
Kitang-kita ko kung paano nagliwanag ang mukha ni Lara. Tuwang-tuwa siyang tinanggap ang mga binigay ng dalawa, sabay sabing, "Naku, salamat! Hindi niyo na sana kailangan pang mag-abala."
Hindi ko alam kung ano ang mas nakakainis: ang pagpapapansin ng dalawang ito o ang pagiging sobrang sweet ni Lara sa kanila.
---
Sa buong araw, hindi ko maiwasang bantayan ang bawat galaw ni Brian at Leo. Lagi silang nasa paligid ni Lara, nakangiti, nagpapatawa, at minsan pa nga'y pasimpleng hinahawakan ang braso niya.
*Talaga ba? Ganyan na ba talaga sila ka-kapal ngayon?* Napapailing na lang ako sa sarili ko habang sinusubukang huwag patulan ang inis.
Pero nang mag-break time, doon na talaga ako muntik sumabog.
Habang pauwi na si Lara mula pantry, biglang lumapit si Brian, bitbit ang jacket niya.
"Lara, baka giniginaw ka. Gamitin mo muna 'to," sabi niya habang iniaabot ang jacket.
At si Leo naman, biglang may ps eksena. "Ako na ang magdadala ng mga papeles mo pabalik sa desk mo. Relax ka na lang."
Tumigil ako sa ginagawa ko at tumayo mula sa mesa. Lumapit ako sa kanila bago pa tuluyang makaporma ang dalawa.
"Lara," sabi ko, walang pakialam sa mga titig ni Brian at Leo, "tapos ka na bang mag-break? May kailangan tayong pag-usapan tungkol sa project."
Napatingin siya sa akin, tila nagulat sa bigla kong seryosong tono. "Ah, oo. Tara na."
Ngumisi lang ako kay Brian at Leo, isang ngising nagpapakita na wala silang laban sa akin. Alam kong hindi dapat ako magpadala sa inis, pero kung lagi na lang ganito, baka hindi ko mapigilan ang sarili kong magsalita nang mas direkta.
*Humanda kayo. Bibingo rin kayo sa akin, basta wag niyo lang masyadong subukang agawin si Lara.*
---
Habang naglalakad kami ni Lara pabalik sa desk niya, hindi ko maiwasang mapansin ang maaliwalas niyang mukha. Masaya siya, pero tila wala siyang kamalay-malay sa tensyon na dulot ng mga nagpapapansin sa kanya. Ako lang yata ang hindi nakakaya ang presensiya nina Brian at Leo.
"Damian, anong project ang sinasabi mo?" tanong niya nang makarating kami sa desk niya.
Napakamot ako sa ulo, naghanap ng mabilis na dahilan. "Ah, tungkol sa proposal na kailangang isubmit bukas. Gusto ko lang siguruhin na maayos na lahat."
"Pero tapos na ako doon, di ba?" tanong niya habang inaabot ang folder mula sa mesa.
Tumikhim ako, pilit na hinahabol ang mga salitang sasabihin. "Oo, pero gusto ko lang siguraduhin. Baka may adjustments pa tayo na kailangan."
Tumingin siya sa akin nang may bahagyang pagtataka pero ngumiti rin sa huli. "Okay. Sabihin mo lang kung may kailangan kang ipabago."
Habang inaayos niya ang mga papeles sa mesa niya, hindi ko maiwasang titigan siya. Gusto kong sabihin sa kanya ang lahat ng nasa isip ko, pero tulad ng dati, wala akong lakas ng loob.
---
Makalipas ang ilang oras, halos tapos na ang araw. Nakita ko si Brian at Leo na muling lumapit kay Lara. Ang dalawa, tila hindi nauubusan ng dahilan para makipag-usap sa kanya.
Napansin kong may hawak na flowers si Brian. "Lara, nakita ko ito kanina sa shop malapit sa opisina. Naalala kita, kaya binili ko."
"Ang ganda naman, Brian. Salamat," sabi ni Lara habang tinanggap ang bulaklak.
Hindi pa natatapos si Brian nang biglang magsalita si Leo. "Lara, may bago akong alam na coffee shop malapit dito. Gusto mo bang sumama mamaya pagkatapos ng trabaho?"
Halos gusto ko nang lapitan sila at sabihing, *Pwedeng tumigil na kayo?* Pero pinigil ko ang sarili ko.
---
Nang matapos na ang trabaho, lumapit ako kay Lara habang inaayos niya ang gamit niya.
"Lara, ihahatid na kita pauwi," sabi ko nang walang pag-aalinlangan.
Nagulat siya. "Ha? Damian, hindi mo naman kailangang gawin 'yun. Malapit lang naman ang apartment ko."
"Huwag na, hindi na ako papayag. Nandito na ako. Tara na," sagot ko, hindi na siya binibigyan ng pagkakataong tumanggi.
Napabuntong-hininga siya pero ngumiti rin. "Okay, pero saglit lang. Kunin ko lang ang bag ko."
Habang naglalakad kami palabas ng opisina, nakita ko ang masalimuot na reaksyon nina Brian at Leo mula sa malayo. Alam kong hindi na nila magagawa ang plano nila ngayong gabi.
---
Habang naglalakad kami ni Lara, masarap ang pakiramdam na siya lang ang kasama ko. Hindi ko man masabi ang nararamdaman ko, ang importante ngayon ay nasa tabi niya ako.
Pero alam kong hindi ito magtatagal. Kailangang harapin ko na ang katotohanan. *Kailangan ko nang umamin kay Lara bago maunahan ng iba.*