App herunterladen
62.5% BACHELOR'S PAD / Chapter 65: Chapter 28

Kapitel 65: Chapter 28

KINABUKASAN, nagising si Bianca na balot na balot ng comforter at nakahiga sa malambot na kama. Napabangon siya at napagtantong walang kahit anong saplot sa katawan sa ilalim ng comforter. Nasa loob siya ng malaking silid na sa isang panig ay may malalaking salaming bintana na halos masakop ang pader.

Natatandaan ni Bianca na kagabi ay binuhat siya ni Ross patungo sa silid. Katulad ng ilang beses na nangyari, napagtanto niya na malayo si Ross sa una niyang impresyon. For someone who claimed to be a womanizer, he was careful and sweet in his lovemaking.

Napatingin siya sa espasyo sa kama sa kanyang tabi. Hinaplos niya iyon. Medyo mainit-init pa. Wala si Ross sa silid subalit pakiramdam niya ay binabalot siya ng pamilyar na amoy ng binata. Para bang kahit wala roon ang pisikal na katawan ni Ross, naroon pa rin ang presensiya nito, nakadikit sa kanyang balat.

Nag-inat si Bianca at binale-wala ang bahagyang pananakit ng katawan. Bumaba siya mula sa kama at akmang tutungo sa banyo nang mapaigtad sa pagtunog ng kanyang cell phone. Napalingon siya sa nakapinid na cabinet sa isang panig ng silid. Lumapit siya sa cabinet at binuksan. Naroon na ang mga gamit nila ni Ross. Kinuha niya ang cell phone na nakapatong sa mga damit na binili ng binata para sa kanya. Sumikdo ang kanyang puso nang makita ang pangalan ni Mrs. Charito sa screen. Huminga siya nang malalim bago sinagot ang tawag.

"Bianca? Pabalik ka na ba ng Maynila? Nandito ako sa ospital. Hinahanap ka ng nanay mo. May problema…" nag-aalalang sabi ng ginang mula sa kabilang linya.

Na-tense si Bianca at napaderetso ng tayo. "A-ano ho `yon? May nangyari bang… m-masama kay nanay?" natatarantang tanong niya.

"No, hindi `yan ang problema. Ang sabi ng nurse, kagabi raw ay nagmatigas na lumabas ang nanay mo ng kuwarto dahil naiinip na. Sinamahan siya ng nurse. Nagkataon na pagpunta nila sa lobby, nakita ng nanay mo ang balita sa telebisyon. At nakita ka niya sa TV kasama ang tatay mo."

Umawang ang mga labi ni Bianca at bigla siyang nanghina. Oo nga pala. Kahit hindi siya makilala ng mga tao sa kanyang transpormasyon, imposibleng hindi siya makilala ng kanyang ina. "A-ano ho'ng sabi niya?"

Narinig niya ang pagbuntong-hininga ni Mrs. Charito. "She was devastated. Umiiyak siya at hinahanap ka sa akin. Bumalik ka na, Bianca. Hindi ko pa napapanood ang balitang nakita niya dahil hindi naman ako mahilig magbukas ng TV pero matindi ang naging epekto niyon sa nanay mo."

Humigpit ang pagkakahawak niya sa cell phone. "Sige ho. Pabalik na ako." Mabilis niyang tinapos ang tawag, pahagis na ibinalik sa cabinet ang cell phone, at halos takbuhin ang banyo. Saglit lamang ay tapos na siyang maligo. Nakatapi ng tuwalya na muli siyang nagtungo sa silid upang magbihis.

Noon bumukas ang pinto. Napaigtad si Bianca nang pumasok si Ross sa kuwarto.

"Hey, good morning," bati ng binata at akmang ngingiti subalit natigilan nang marahil ay makita ang panic sa kanyang mukha. Ilang hakbang lamang at nasa harap na niya ito. "Ano��ng problema?"

Kumapit siya sa mga braso ng binata. "R-Ross, kailangan kong bumalik ng Maynila. Ngayon na."

Na-tense si Ross. "Bakit?"

"Kailangan ako ng nanay ko. Please, Ross, ibalik mo na ako ng Maynila. Kailangan kong magpunta ng ospital," pakiusap ni Bianca.

Tumiim ang mga bagang ng binata na parang nakikipagtalo sa sarili.

Sinalubong niya ang mga mata nito. "Ross, please."

Humugot ng malalim na hininga si Ross. "Sige. Magbihis ka na. Babalik na tayo ng Maynila."

Nakahinga nang maluwag si Bianca at hindi napigilan ang sariling yakapin ang binata. "Thank you," usal niya.

Gumanti ng mahigpit na yakap si Ross bago siya marahang pinakawalan upang makapagbihis.

Ilang sandal pa ay nasa biyahe na sila pabalik sa Maynila. Parehong walang nagsasalita sa kanila. Tensiyonado si Bianca, hindi niya alam kung paano haharapin ang nanay niya. Si Ross naman ay seryoso ang ekspresyon sa mukha na tila may malalim na iniisip.

"Nagugutom ka ba?" basag ni Ross sa katahimikan nang halos isang oras na silang bumibiyahe. Umiling si Bianca at humalukipkip. "Ano ba ang nangyari, Bianca?"

Huminga siya nang malalim. "Nalaman na raw ni Nanay na nakipagkita ako sa tatay ko. Umiiyak daw siya at hinahanap ako."

Napabuntong-hininga ang binata. "`Sounds like my mom, noong bagong divorce pa lang sila ng papa ko. Sa tingin ko, hindi lang dahil sa kanyang physical condition kaya nasa ospital ang nanay mo, Bianca. Maybe she has a lot of emotional baggage kaya mahina ang katawan niya. Ganoon din ang mama ko noon. She was always depressed at minsan, may violent streak. Nitong mga nakaraang taon lang bumuti ang lagay niya. Although minsan, tinotopak pa rin."

Napatingin si Bianca kay Ross. "Hindi mo kasama sa bahay ang mama mo?"

Umiling ang binata. "Nakatira ako ngayon sa isang building na puro lalaki lang ang tinatanggap na residente. Bawal ang babae. Isa pa, noon pa ay hindi na kami magkasama ni Mama sa bahay. Dinadalaw-dalaw ko lang siya, inilalabas, at tinatawagan araw-araw. Suhestiyon ng therapist niya noon na huwag kong masyadong i-pamper si Mama. Kapag daw ginawa ko `yon, hindi bubuti ang lagay niya dahil palagi siyang aasa sa akin." Sumulyap si Ross kay Bianca. "Maybe you should do what I did. Hindi mo pababayaan ang nanay mo, Bianca. You will help her get better kapag natutunan niyang alagaan ang sarili niya."

Nakagat niya ang ibabang labi at nag-iwas ng tingin. "Siguro nga. Pero siya lang ang kasama ko sa buhay mula pa noong bata ako. Siguro, ang totoo ay ako ang hindi makakakaya na wala siya, not the other way around."

"Naiintindihan ko," sabi ng binata.

Naramdaman ni Bianca ang paggagap ni Ross sa isa niyang kamay. Muli siyang napalingon sa binata na sumulyap sa kanya at ngumiti.

"We will think of another way to help your mother get better."

We. Ang sarap pakinggan. Buong buhay ni Bianca, kapag may problema, ang palagi niyang linya ay, "ako ang bahala." Ngayon lang may nagboluntaryong damayan siya. Napahugot tuloy siya ng malalim na hininga. Parang lumobo ang kanyang puso at hindi na magkasya sa kanyang dibdib.

Sa pagkakataong iyon, hindi siya nahirapan na maging tapat sa sarili. Mahal ko talaga ang lalaking ito. Parang hindi ko makakayang lumayo at iwan siya. Paano na naman ang mga plano ko?

PAGDATING nila sa ospital ay halos takbuhin ni Bianca ang papunta sa hospital room ng kanyang ina. Hinayaan siya ni Ross at sinabing hihintayin siya nito sa lobby. Gusto raw ng binata na bigyan siya ng privacy kasama ang kanyang ina.

Ilang hakbang na lamang mula sa silid ng nanay niya nang mapansing may mga nurse na sumisilip sa pinto. Magkahalong kuryosidad at pag-aalala ang nasa mga mukha ng mga nurse. Pagkatapos ay narinig ni Bianca ang galit na boses ni Mrs. Charito.

"Bakit ka nandito? You are upsetting her!"

Kumabog ang dibdib ni Bianca at napabilis ang kanyang paglapit sa pinto. "Ano'ng nangyayari?" tanong niya sa mga nurse.

Napalayo sa pinto ang mga nurse.

"May dumating hong bisita ang pasyente. `Yong matandang lalaki na palaging nasa TV," sabi ng isang nurse.

Nakumpirma ang kutob ni Bianca. Mabilis na binuksan niya ang pinto. Napatingin sa kanya ang tatlong tao na nasa loob—ang kanyang ina na lumuluha, si Mrs. Charito na nakaakbay sa kanyang ina, at ang nakatayo sa gitna ng silid ay si Ferdinand Salvador.

"Ano'ng ginagawa mo rito?" manghang tanong ni Bianca.

Kumunot ang noo ni Ferdinand at lumampas ang tingin sa kanya na para bang inaasahan nitong may kasunod siya bago muling tumingin sa kanya. "What are you doing here?" balik-tanong ng kanyang ama.

Nagtagis ang mga bagang ni Bianca at lumapit sa kanyang ina. "Nandito ang nanay ko kaya nandito ako. Bakit ka nagpunta rito kung tumanggi ka namang tulungan ako sa pagpapaospital ng nanay ko?"

Sa halip na sumagot, tumingin si Ferdinand sa kanyang ina. "Talagang iba ang mga sinabi mo sa anak mo tungkol sa ating dalawa, Jackie?"

Nang humikbi ang ina ay parang may lumamutak sa puso ni Bianca.

"I-I'm sorry. Hindi ko alam na lalapitan ka niya. I'm sorry…" paulit-ulit na usal ng kanyang ina.

"Bakit ka humihingi ng tawad, `Nay?" manghang tanong niya.

Humikbi lang uli ang kanyang ina.

Marahas na lumingon sa kanya si Ferdinand. "Dahil hindi totoo ang mga sinabi niya sa `yo tungkol sa amin, Bianca." Deretso ang tingin ng ama sa kanya. "Hindi totoong iniwan ko kayo para sa ibang babae. I already had a fiancée when I met your mother. She is now my wife. Jackie was one of the women my friends invited to my bachelor party."

Napasinghap si Mrs. Charito. Si Bianca naman ay parang binuhusan ng malamig na tubig. Napalingon siya sa kanyang ina. "`N-Nay…" garalgal ang tinig na usal niya.

Umiiyak pa rin na tumingala ang nanay niya. "P-paano ko sasabihin sa iyo ang totoo? Wala akong mukhang ihaharap sa iyo kapag sinabi kong… i-ipinilit ko ang sarili ko sa tatay mo kaya ako nabuntis. D-dahil gusto kong magkaroon ng magandang buhay. Akala ko, kapag nabuntis niya ako ay… iiwan niya ang fiancée niya at pipiliin ako."

Pakiramdam ni Bianca ay tinakasan siya ng lakas. Napaupo siya sa gilid ng kama. Kahit si Mrs. Charito ay hindi nakahuma.

"Hindi ko iniwan ang fiancée ko dahil mahal ko ang asawa ko. Sinabi ko kay Jackie na hindi `yon magbabago kahit ipanganak ka niya. Inalok ko siya ng malaking pera para makapagsimula siya kapag ipinanganak ka pero tumanggi siya. Ang gusto niya ay magpunta ako isang beses isang linggo para makita ka. Kapag hindi ko raw ginawa iyon ay mag-eeskandalo siya. I was young and a coward. Kaya sa loob ng ilang taon ay ginawa ko ang gusto niya. Until she got greedy. Gusto niyang hiwalayan ko ang asawa ko para sa inyo. So I left and never came back," seryosong pahayag ni Ferdinand.

Nag-init ang mga mata ni Bianca. Kaya pala sinabi ng kanyang ama na mukhang pera ang nanay niya. Kaya pala galit ito sa kanyang ina. Buong buhay niya, kasinungalingan pala ang alam niya. Hindi niya naiwasang pukulin ng nanunumbat na tingin ang kanyang ina. Mabilis siyang tumayo at paatras na lumayo sa kama.

"B-Bianca…" tawag ng nanay niya.

Napailing siya. Pagkatapos ay bumaling siya sa kanyang ama na seryoso pa rin ang ekspresyon ng mukha. "Bakit umpisa pa lang ay hindi mo na sinabi sa akin ang tungkol diyan? Bakit hinayaan mo akong gawin ang mga ginawa ko? Bakit hinayaan mong sirain ko ang reputasyon mo? Bakit hindi mo ako idinemanda o gumawa ng hakbang laban sa akin?"

Ilang segundo ang lumipas bago sumagot si Ferdinand. "Dahil anak pa rin kita, Bianca. Hindi ba una pa lang ay sinabi ko na sa iyong hindi ako tutulong kung para sa iyong ina? Pero kung lumapit ka sa akin para sa sarili mo, ibang kaso `yon. Gusto kong itigil mo na ang mga plano mo laban sa akin dahil ayokong masira, hindi lang ang pangalan ko kundi ang pangalan mo rin. Don't waste your future taking useless revenge, Bianca."

Muli ay napahakbang si Bianca palapit sa pinto. Pakiramdam niya ay gumagalaw ang sahig na inaapakan niya. These revelations were too much for her. Hindi na niya alam kung ano ang mararamdaman. Napatingin siya sa kanyang ina na lumuluha at paulit-ulit na humihingi ng tawad. Sa isang bahagi ng kanyang isip, alam ni Bianca na may punto kung bakit hindi sinabi sa kanya ng nanay niya ang tunay na nangyari. Pero ang isang bahagi ng kanyang pagkatao ay masama ang loob dahil nagsinungaling ito sa kanya.

At si Ferdinand, kaya naman pala wala itong pakialam sa kanya dahil simula pa lang ay hindi naman nito ginustong maging anak siya. Kung tutuusin, dapat pa nga na magpasalamat si Bianca na kahit paano, sa sariling paraan ni Ferdinand ay nagpakita ito ng malasakit para sa kanya. Napasandal siya sa nakapinid na pinto.

"B-bago pa ako dumating dito ay nagdesisyon na akong tigilan na ang mga plano ko. Hindi na kita guguluhin. Puwede ka na uling mamuhay na parang hindi kami dumaan ni Nanay sa buhay mo," garalgal ang tinig na usal ni Bianca. Bagaman hindi niya alam kung babalik pa ba sa normal ang kanyang buhay matapos ang lahat ng kanyang nalaman.

Marahang umiling si Ferdinand. "`Too late." Pagkatapos ay humarap ito sa nanay ni Bianca. "Nagpunta ako rito upang sabihin sa `yo na kinilala kong anak si Bianca. Alam na `yon ngayon ng buong Pilipinas. Pero gusto kong hindi makalabas ang tunay na nangyari sa pagitan nating dalawa. Only my wife knows the truth. She was upset but I know she will learn to forgive me and accept Bianca eventually. Hindi ako magiging mabuting ama sa kanya pero kung ano man ang suporta na kailangan ni Bianca para sa hinaharap, gusto kong ipaalam mo sa akin, Jackie." Pagkatapos ay tumingin uli si Ferdinand kay Bianca. "You can stop doing two jobs. Puwede ka na ring mag-aral uli. Hindi mo tinanggap ang perang ibinibigay ko sa `yo noon pero sana ay tanggapin mo ang tulong na gusto kong ibigay sa `yo ngayon, Bianca."

Hindi alam ni Bianca kung paano nalaman ng kanyang ama ang tungkol sa dalawang trabaho niya. Pero hindi iyon ang mahalaga nang mga sandaling iyon. "At ano ang kapalit?" tanong niya. Imposibleng walang kapalit ang alok na iyon ng kanyang ama.

"Gusto kong lumipat kayo sa lugar na malayo sa Maynila. Hindi ito para sa akin kundi para sa inyo, Bianca. Pagkatapos ng mga sinabi ko sa press conference kahapon, sigurado akong guguluhin ka ng press kung mananatili ka rito. Start a new life away from the chaos you created, Bianca. Hanggang sa makalimutan nila ang mga nangyari," seryosong sabi ni Ferdinand.

Sumulyap si Bianca sa kanyang ina na tila nakikiusap na nakatingin sa kanya. Gusto ng nanay niya na tanggapin niya ang alok ng kanyang ama. Napadako ang tingin niya kay Mrs. Charito na puno ng simpatya ang ekspresyon sa mukha. Nababasa niya sa tingin ng ginang na mas makabubuting tanggapin niya ang alok ng kanyang ama. Isa pa, plano naman talaga niyang magpakalayo silang mag-ina, hindi ba? Nagdalawang-isip lang siya nang mapagtanto na mahal niya si Ross.

Si Ross. Naghihintay sa kanya ang binata sa lobby. Kailangan niyang iwan ang lalaking mahal niya para pagbayaran ang ginawang panggugulo sa kanyang ama. Iyon lang ang paraan upang kahit paano ay bumalik sa normal ang buhay nilang lahat.

Masakit man sa puso ay nakapagdesisyon si Bianca. Bumaling siya sa kanyang ama. "Fine. Tinatanggap ko ang alok mo."


next chapter
Load failed, please RETRY

Wöchentlicher Energiestatus

Rank -- Power- Rangliste
Stone -- Power- Stein

Stapelfreischaltung von Kapiteln

Inhaltsverzeichnis

Anzeigeoptionen

Hintergrund

Schriftart

Größe

Kapitel-Kommentare

Schreiben Sie eine Rezension Lese-Status: C65
Fehler beim Posten. Bitte versuchen Sie es erneut
  • Qualität des Schreibens
  • Veröffentlichungsstabilität
  • Geschichtenentwicklung
  • Charakter-Design
  • Welthintergrund

Die Gesamtpunktzahl 0.0

Rezension erfolgreich gepostet! Lesen Sie mehr Rezensionen
Stimmen Sie mit Powerstein ab
Rank NR.-- Macht-Rangliste
Stone -- Power-Stein
Unangemessene Inhalte melden
error Tipp

Missbrauch melden

Kommentare zu Absätzen

Einloggen