Nagwawalis sa may tapat ng gate si Alfa nang may maramdaman siya na nagmamasid mula sa likuran niya.
Paglingon niya ay sumalubong sa kanya ang isang bouquet ng mga pulang rosas. Masaya siyang binati ng ex-fiance na si Sean.
"Good morning, my princess!"
"Sean?" gulat na napabulalas ang kausap. "Hindi ka na dapat dumalaw pa rito!"
"Huwag kang mag-alala." pagpapakalma niya rito. "Gusto lang kitang kumustahin. Kailangan mo ng tulong?"
"Hindi na. Patapos na naman ako." malamig na tugon niya sa alok ng dating kasintahan. Iniiwasan na kasi niyang makausap ito. Nakukunsensya man siya dahil sa pakikitungong pinapakita sa binata, ito ang paraan na naisip niya upang matanggap na ni Sean na wala na silang pag-asang magkabalikan pa.
"Baka naman, mapagbigyan mo ako." pakikiusap pa rin nito. "May malapit na kainan, sabayan mo akong mag-almusal. Gaya ng dati..."
"Sean..." pagsingit na niya bago pa man nito ituloy ang sasabihin. Pinagmasdan niya ang magkahalong ngiti ngunit malungkot na ekspresyon nito. Gusto na sana niyang pumayag ngunit ayaw niya na itong bigyan ng katiting na pag-asa. "Hindi na tayo maibabalik sa dati. Malaya na tayong dalawa. Sana matanggap mo na iyon."
"Bakit ba ang bilis mong itapon ang lahat ng pinagsamahan natin?" paninimula ng manumbat ni Sean. Napakabigat ng kalooban niya dahil umaasa pa rin siya na sana ay mabalikan pa. "Hindi mo ba ako minahal kahit kaunti?"
"Mahal kita...pero kaibigan lang..."
Tila ba nabiyak ng pira-piraso ang kanyang puso dahil sa narinig. Ang kinikimkim na sama ng loob ay hindi na niya napigilan pa.
"Si Uno ba ang dahilan kung bakit napakadali mo akong kalimutan?" puno ng galit na sinisi niya. "Marahil ay sinasabihan ka niya na lumayo sa akin! Sino ba siya? Ilang buwan pa lang kayo magkakilala!"
"Huninahon ka, Sean!"
"Tama ako, hindi ba? He's been manipulating you! At, nagpapadala ka naman sa mga gusto niya! I expected more from an educated woman like you!"
Nabigla si Alfa sa binibintang ng binata kaya nasampal niya ito ng malakas, dahilan upang dumugo ang gilid ng bibig nito.
"Don't you dare speak to me that way!" maluha-luhang pinagtanggol niya ang sarili. "Katulad ka rin ng magulang mo! Ang dali niyo akong husgahan!"
Natauhan bigla si Sean at nagsisi sa mga nasabing masasakit na salita. Mas lumapit siya rito upang humingi ng paumanhin.
"I'm sorry. Hindi ko sinasadya." Akmang hahawakan sana niya ang kamay ng dalaga ngunit umiwas na ito.
"Stay away!" pagsigaw niya rito.
"Sorry talaga..."
"Ginugulo ka ba niya?" paggambala ni Uno sa usapan nila. Kaagad niyang napansin ang namumugtong mga mata ni Alfa kaya mas nainis siya sa presensya ng katunggali sa pag-ibig. "Narinig mo si Alfa, hindi ba? Umalis ka na!"
Lumabas na rin ang mga kasamang pinsan mula sa bahay upang umawat kung may away na mangyari.
"Ate, pumasok na tayo sa loob." pag-aya ni Mike kay Alfa na nanginginig pa rin sa galit dahil sa tinuran sa kanya ni Sean. Marahan niyang hinawakan ito sa may balikat at sinamahang pumasok sa loob.
"Alfa!" pagtawag ni Sean sa dating nobya.
"Bingi ka ba?" mapaghamon na tinanong ni Uno. "Ang sabi ko, umalis ka na!"
"Wala kang karapatan na paalisin ako!" nanlilisik ang mga matang tugon niya rito. "Kasalanan mo kung bakit umiiwas si Alfa sa akin. Inagaw mo lang siya sa akin!"
Nagpantig ang tainga ni Uno sa narinig. Hindi niya nagustuhan ang pinahiwatig nito na siya pa ang dahilan ng paghihiwalay ng dalawa. Dahil sa biglang pagbugso ng damdamin ay dinuro niya ito.
"Wala akong inaagaw sa 'yo!"
"Tama na!" pag-awat na ni Wiz nang mapansin na mag-aaway na naman sila. Hinarang na niya ang pinsan upang huminto sa pagsugod. "Kakakulong niyo lang noong isang linggo. Huminahon kayo!"
"Gusto ko lang kumustahin ang fiancee ko." pagmamatigas ni Sean. "Pero heto kayo, ginulo niyo lalo ang usapan namin!"
"Ang fiancee mo, ay nobya ko na." panunuya lalo ni Uno habang kumakalas sa pagkakahawak ni Wiz. "Umuwi ka na sa planeta mo!"
Sa inis ng prinsipe ay naitulak muli niya si Uno. Lumapit na sina Francis at Mike upang umawat at dumepensa kung kinakailangan.
Mula sa magarang kotse ay lumabas din ang mga bodyguard ni Sean upang sumaklolo. Nagsisilakihan ang mga katawan nito at di hamak na higit ang enerhiya nila kumpara sa mga lalaking taga-Earth.
Gayunpaman ay hindi nagpatinag ang apat sa mga kaharap kahit na batid nila na mapapalaban sila sa taglay na lakas ng mga ito.
"Kalma na." pakiusap ni Wiz sa isa pang pagkakataon. "Huwag tayong magpadala sa init ng ulo."
Pinaglayo na sila ng mga kasamahan upang hindi na magkasakitan pa. Gayunpaman ay hindi pa rin kayang isuko ni Sean ang laban.
"Nalaman ko na race car driver ka pala." paninimula ni Sean habang nakangisi kay Uno. Siya rin kasi ay na-train sa pakikipagkarera at may mga naipanalo rin siya sa kanilang bansa. Napanood niya ang mga laban ng karibal at alam niya na hindi nagkakalayo ang galing nila sa larong ito.
"Ano naman ngayon?"
"Magkarera tayo." minungkahi niya. "Pustahan. Kapag nanalo ako, iuuwi ko na si Alfa sa amin. Kung matalo ako, hindi ko na kayo gagambalahin pa."
"Hindi ko ipupusta ang kalagayan ni Alfa! Hayaan natin siya na magpasya!" tugon ni Uno sa hamon.
"Natatakot ka bang matalo?" pagmamayabang ni Sean.
"Wala pa akong karera na natalo pero tao lamang ako at aminado na hindi isang daang pursyentong kontrolado ko ang manibela. Inuulit ko, hindi ako makikipagsapalaran ng ganoon kung ang resulta ay sapilitan mong pakakasalan si Alfa kung ako man ay matalo. Hindi ko maatim na ipagawa sa kanya ang labag sa kalooban niya."
"Wais ka masyado." Napahanga din siya sa prinsipyong mayroon ang katunggali sa pag-ibig. "Dahil sa desisyon mo, hindi pa rin ako titigil hangga't hindi ko naibabalik si Alfa sa amin."
Tinalikuran na niya si Uno pero may gumugulo pa rin sa kanyang isipan. Batid niya na palaban ang kausap at mahihirapan na siyang mabawi pa si Alfa mula rito.
Bago siya sumakay sa kotse ay naramdaman niya ang mataimtim na pagtitig ng ex-fiancee kaya napalingon siya kung saan ito nakasilip sa may bintana. Nalungkot siya nang pinagtaguan pa siya nito. Nais man niya itong puntahan at makiusap na papasukin at kausapin muli ay pinigilan na niya ang sarili.
Bilang prinsipe, may "pride" siya na dapat pangalagaan at hindi dapat makita ng mga Semira at ng mga tauhan niya ang kahinaan.
Mabigat sa loob siyang lumisan. Nag-message na lang siya kay Alfa upang iparamdam ang nilalaman ng kanyang puso.
"I will never stop loving you, Alfa."
Naghintay siya ng ilang sandali ngunit na-seen lang ang kanyang mensahe at hindi na sinagot pa. Napapikit na lang siya ng mga mata dahil sa sakit na nararamdaman. Mas lalong naging malalim ang galit niya kay Uno sapagkat pakiramdam niya ay inagaw nito sa kanya ang fiancee. Dahil sa matinding selos, napahigpit ang hawak niya sa cellphone at nabasag iyon. Tumagos ang ilang bubog at bakal sa kanyang mga palad, dahilan upang tumulo ang dugo sa kanyang kamay. Pinanood lamang niya ang pagdaloy ng likido at hiniling na sana ay tangayin na rin noon ang sama ng loob na nararamdaman.
"May pagbabanta ang tono niya, mga kuya." may pagkabahalang obserbasyon ni Mike habang papalayo ang sasakyan ni Sean.
"Huwag kang mag-alala. Basta stick together lang tayo, kayang-kaya natin ang mga iyan, hindi ba, Uno?" pagpapakalma ni Wiz sa mga pinsan. Napansin niya na masama pa rin ang tingin nito sa papalayong kotse ng karibal. Tinapik nito ang balikat ng kausap upang makuha muli ang atensyon. "Tol."
"Mamili na tayo ng mga babaunin sa biyahe bukas." pag-iiba na ni Uno sa usapan. "I-enjoy natin ang bakasyon. Alisin muna natin sila sa ating isipan."
"Oo naman." nakangiting pagsang-ayon ni Wiz. Mas naningkit ang mga mata niya dahil sa magandang balita na narinig kanina lamang. "Ano itong narinig namin ha? Nobya mo na si Alfa?"
"Sinabi ko ba iyon?" bahagyang nanlaki ang mga mata niya nang mapagtanto na nadulas pala siya at nabulgar na sila na nga ng dalaga.
"Ang fiancee mo ay nobya ko na." panggagaya niya sa pananalita nito. "Tunog "kabit" ka! Iskandaloso! Hahaha!"
Inakbayan na siya ng mga pinsan at kinantyawan. Ginulo rin nila ang buhok nito at binuhat na tila ba nanalo ito sa karera. "Mga kapitbahay, si Uno may girlfriend na!"
"Ibaba niyo ako!" pagpupumiglas niya. Hindi siya pinakinggan ng mga pinsan at patuloy lamang siyang kinarga patungo sa loob ng garahe.
"Ano ba? Babangga na ako sa bubong, mga adik kayo!" pagsusungit na naman niya.