MAHIGIT dalawang oras ang dumaan bago tumila ang ulan. Lumabas sila sa k'weba at pinagpatuloy ang paglalakad.
'Sana may makita na kaming village para makahingi ng tulong at makauwi na. Namimiss ko na ang malambot na kama, ang toothbrush at make ups ko. At juice colored! Paano 'pag datnan ako ng menstruation, saan ako kukuha ng napkin?'
Huminto si Juda sa paglalakad. Nasa ganoong pag-iisip si Lily kaya hindi niya napansin iyon at bumangga sa likod ng lalaki.
"Aray!" napansin ni Lily na diretso ang tingin ni Juda kaya tiningnan niya din iyon. Namilog ang mga mata ng dalaga sa nakita. Sa wakas ay may nakita na silang kabahayan!
Sumunod siya nang naglakad si Juda papuntang village. Siniguro ni Lily na nakadikit siya sa tabi ng lalaki dahil hindi pa niya alam kung ano ang naghihintay sa kanila doon.
May dalawang batang anyong daga ang naglalaro sa damuhan. Kumaripas ang mga iyon ng takbo nang makita silang dalawa. Ilang sandali pay may kasama na ang mga itong dalawang adult na daga.
"Anong maipaglilingkod namin sa inyo, ginoong Sauro?"
"Naliligaw kami. Kailangan naming pumunta sa tanggapan ng namamahala sa lugar na ito para makipag-usap sa Sauros." sagot ni Juda.
"Malayo ang pinakamalapit na lungsod. Nasa likod ng pang-anim na bundok mula dito." turo nito sa bulubundukin na nasa unahan.
"Kung gayon, maaari bang manatili muna kami ng kahit tatlong araw lang dito? Naglakbay kami ng malayu-layo, kailangan naming ihanda ang sarili para sa susunod na paglalakbay." sabi ni Juda
Nagkatinginan ang dalawang daga bago sumagot ang isa, "Ikinalulungkot namin ngunit wala kaming sapat na tulugan, gamit at pagkain para sa mga panauhin." Halata sa anyo ng mga iyon ang paghihinala sa kanila.
May nakikita si Lily na mga dagang balingkinitan ang katawan at nakasuot ng saya. Sa hula niya ay mga babae iyon. May dalang basket na may lamang mga tela o damit siguro. Sa di kalayuan ay mayroon ding may kargang baby na daga. Ang hitsura ng village ay kapareha lang sa nakikita niyang kabahayan sa probinsiya sa Pilipinas. May sampayan, may taniman ng halaman at mangilan-ngilang alagang hayop. Iyon nga lang ay weird ang hitsura ng mga hayop doon.
"Tutulong kami sa paghahanap ng pagkain." saad ni Juda
"Pasensiya na ginoo, ngunit hindi namin kayo mapagbibigyan." iling ng kausap
Tumango-tango si Juda pero nakatiim-bagang. Tumalikod ito nang hindi man lang nag-iwan ng isang salita.
"Ahm, pasensiya napo sa abala, misters. Maraming Salamat po, aalis napo kami." nakangiting sabi ni Lily
"Hindi ka taga Sauros, babae. Saang planeta ka nanggaling at bakit kasama mo ang isang mandirigmang Sauro?"
"Ahh..." paano niya ba ipapaliwanag dito ang nanyari. "... taga Earth po ako. At ahm, bale bayaw po siya ng kapamilya ko."
"Bayaw?" nalilitong tanong ng daga. Tumango si Lily. "Hindi ko maintindihan."
'Huwag n'yo na pong intindihin kasi kahit ako nababaliw na rin.'
"Pero sige mag-iingat kayo at gumagabi na. May mga fera bestia na gumagala dito."
"Fera bestia? Ano po iyon?"
"Iyong mga hayop na kulay itim, may nakakatakot na pulang mata at mahahabang sungay sa ulo. Lumalapa iyon. Ilang beses na kaming namatayan ng kauri namin dahil sa mga hayop na iyon. Lumalabas iyon sa gabi kaya gaya ng nakikita mo, sinasarhan na namin ang kabahayan kapag sumapit na ang kadiliman."
Naalala ni Lily ang hayop na mukhang wolf na napatay ni Juda. "Marami po bang ganun dito, mister?"
"Hindi naman, nadiskobre naming tatlo lang pero mahirap gapiin dahil sadyang malalakas. Kaya ulit, mag-iingat kayo."
"Ahh, sige po. Maraming salamat sa paalala." nagpaalam na si Lily at sinundan ang nakasimangot na si Juda.
"Juda! Teka, may ichichika ako sa'yo." saad niyang pilit hinahabol ang lakad ng lalaki. "Parang takot sila dun sa hayop na nakalaban mo. Every night yatang pumupunta sa village nila para maghanap ng malalapa. Ayun, nakakandado na lahat ng bahay nila."
Tumigil sa paghakbang si Juda at tiningnan siya.
"Naiisip mo bang naiisip ko B1?" saad ni Lily na kumendeng-kendeng. Mukhang nagets ng kausap ang ibig niyang sabihin.
MALAKAS na katok ang ginawa ni Juda sa pintuan ng bahay ng nakausap na daga. Halos magiba na iyon sa bigat ng kamay ng lalaki. Ilang sandali ay tumunog ang knob niyon at bahagyang bumukas ang pintuan. Sumilip ang lalaking daga sa likod. Itinaas ni Juda ang gulagulanit nang ulo ng fera bestia para ipakita. May tumutulo pang dugo sa putol na leeg.
Tila namangha ang daga sa nakita at binuksan ang pintuan ng malaki. Nagsilabasan naman ang mga kasama nito sa bahay at gaya ng nauna ay hindi makapaniwala, nagbulungan.
"Uubusin ko ang lahat ng hayop na ito, kapalit ng tatlong araw na pamamalagi namin dito." saad ni Juda
Nagtinginan ang mga daga, saka tumango. "Sige."
Kommentar absatzweise anzeigen
Die Absatzkommentarfunktion ist jetzt im Web! Bewegen Sie den Mauszeiger über einen beliebigen Absatz und klicken Sie auf das Symbol, um Ihren Kommentar hinzuzufügen.
Außerdem können Sie es jederzeit in den Einstellungen aus- und einschalten.
ICH HAB ES