Ang kalungkutan ni Utoy at pagnanais na makita ang nahiwalay niyang ina ay hindi pa matutuldukan.
Muling dumalaw ang mayamang mag-asawa sa ospital, kasama si aling Carmen ang ina ni Utoy.
Habang papunta sila sa kuwarto ni lola Ingga may kakaibang nararamdaman si aling Carmen sa sarili niya na hindi niya maipaliwanag.
Naunang pumasok ang mag-asawang mayaman kasunod si aling Carmen. Naroon si Utoy binabantayan ang lola Ingga. Nakaupo si Utoy ng nakaharap sa lola niya kaya hindi masyadong kita ang kanyang mukha. Si aling Carmen naman ay nakatayo sa bungad ng pinto at pinanonood ang mag-asawa. Nakikita ni aling Carmen ang batang nakatalikod na hindi niya alam ay ang nawawala niyang anak.
"Kumusta na Utoy ang lola mo? Binabantayan mo bang mabuti ang lola?"
"Opo"
Narinig ni aling Carmen ang pangalang Utoy kaya napakislot siya subalit inisip lang niya na kapangalan lang ng anak niyang si Utoy kasi wala namang lola si Utoy. Subalit nagtataka pa rin siya dahil parang iba ang pakiramdam niya na hindi niya maintindihan.
"Puwede na pong lumabas si lola magaling na po siya" ang sabi ng doktor habang minomonitor ang blood pressure ni lola Ingga.
Sa pagdating ng dalawang doktor na matataba ay lalong hindi makita ni aling Carmen ang batang nakatalikod kaya ng umalis ang mag-asawa para bayaran ang hospital bill ay kasunod na rin si aling Carmen.
"Carmen mauna ka na sa sasakyan at pupunta lang kami sa cashier para bayaran itong bill" ang utos ng amo ni aling Carmen.
"Opo ma'am" ang sagot ni aling Carmen na parang wala sa sarili at lumakad na siya.
Nabayaran na ang hospital bill ni lola Ingga at muli silang bumalik sa kuwarto ni lola.
"Utoy puwede na raw kayong lumabas at ang bilin ko huwag mong pababayaan ang lola ha?" ang bilin kay Utoy ng mayamang mag-asawa.
"Opo"
"Eto ang kaunting pera panggastos ninyo ng lola mo" ang sabi ng mayamang babae habang iniaabot kay Utoy ang pera.
"Sobrang bait nyo po hindi po namin kayo malilimutan marami pong salamat" ang nasabi ni Utoy na sa kanyang edad na sampung taong gulang ay para siyang matured na dahil siguro sa dami ng dinanas niyang hirap sa buhay.
Muling nakauwi ang maglola sa kanilang bahay at ang dating ginagawa nila tuloy sila sa pagpapalimos sa harap ng simbahan sa Baclaran.
Sa bahay ng mayamang amo ni aling Carmen.
"Carmen sumama ka kaya sa amin sa linggo upang makapagsimba ka rin" ang sabi ng mayamang babae.
"Sige po sasama po ako marami pong salamat".ang tugon ni aling Carmen na hangga ngayon ay parang tulala dahil sa kaiisip sa anak at dahil sa narinig niya sa ospital ang pangalang 'Utoy'.
Dumating ang araw ng linggo at muling nagsimba ang mag-asawa kasama si aling Carmen.
Paglabas nila ng pinto ay nasa isang tabi sa gilid ng simbahan sina lola Ingga at Utoy.
"Carmen mauna ka na sa sasakyan at pupuntahan lang namin ang mag-lola" ang utos ng mayamang babae.
Sadya yatang pinagkakaitan pa ng paqkakataon na magkita ang mag-ina.
Nakauwi na ang mag-asawang mayaman.
"Carmen wala ka pa rin bang balita sa anak mo?" tanong ng amo ni aling Carmen.
"Wala pa po ma'am" ang malungkot na tugon ni aling Carmen.
"Ilang taon na ba ang nawawala mong anak?"
"Nasa labing isang taon na po siya ngayon" ang maluhaluhang tugon ni aling Carmen.
"Huwag kang mawalan ng pag-asa makikita mo rin siya" ang sabi ng mayamang babae na dama niya ang sakit ng mawalay sa anak.
Sadyang mailap pa ang kapalaran na magkita ang mag-ina dahil pupunta ang mag-asawa sa Davao at mamamalagi sila doon ng anim na buwan dahil sa isang project na dapat harapin. Ibig sabihin nito matatagalan uli bago sila magsimba sa Baclaran.
Sa kabilang dako kina lola Ingga.
"Lola gusto ko pong mag-aral uli kasi grade two lang po ang natapos ko kasi po naglayas kami ng inay ko" ang sabi ni Utoy sa lola niya na hindi naman tiyak kung makapag-aaral pa siya.
"Bayaan mo may kakilala akong teacher at ipakikiusap ko na tulungan ka sa susunod na pagbubukas ng klase sa susunod na taon" ang pangako ni lola Ingga kay Utoy.
"Talaga po lola?" ang natutuwang sinabi ni Utoy na hindi siya makapaniwala na makapapasok siyang muli sa eskwela.
Lumipas ang anim na buwan at muling nakabalik ang mag-asawa galing Davao.
"Carmen sumama ka uli sa linggo sa Baclaran" ang sabi ng mayamang babae.
"Opo ma'am"
Dumating ang araw ng linggo at maagang gumayak ang mag-asawang mayaman kasama si aling Carmen upang pumunta ng Baclaran.
Pagkatapos nilang magsimba at paglabas ng simbahah ay inutusan si aling Carmen sa mag-lola.
"Carmen ikaw na ang magbigay nitong limos sa maglola maghintay na lamang kami sa sasakyan.
Tumalima naman si aling Carmen.
"Lola pinabibigay po ng amo ko hindi na sila makapunta sa inyo kasi po nagmamadali po sila" ang sabi ni aling Carmen.
"Pakisabi na lang salamat ha?"
"Opo sasabihin ko po sige po aalis na po ako".
Si Utoy dahil sa pagod ay nakatulog sa likod ng lola niya na nakaupo kaya hindi na naman nagkita ang mag-ina.
"Lola sino po ang kausap ninyo?" ang tanong ni Utoy na nagising sa pag-uusap ni aling Carmen at ng lola niya.
"Katulong ng mayamang babae may ipinabigay sa atin".
"Kasi po kaya ako nagising parang nadinig ko ang boses ng inay ko" ang sabi ng naaalimpungatan pang si Utoy at naghikab ito.
"Utoy sa linggo kapag nagsimba uli sila bumili ka ng bulaklak at ibigay mo sa kanila ha?' ang bilin ni lola Ingga kay Utoy.
"Opo lola"
Sa wakas mukhang dumating na rin ang pagkakataon na magkita ang mag-ina dahil kapag ibinigay ni Utoy ang bulaklak at kasama si aling Carmen ay tiyak magkikita na sila.
Kinalingguhan nga muling nagsimba ang mayamang mag-asawa at kasamang muli si aling Carmen.
Malayo pa ay nakita na sila ni Utoy at mabilis itong tumakbo upang ibigay ang bulaklak. Ng malapit na si Utoy sa sasakyan ay hindi niya napansin ang isang nagbibisikleta at siya ay nabundol. Natumba si Utoy maging ang nagbibisikleta. Kitang kita ng mag-asawa ang pangyayari at inutusan kaagad ng mag-asawa si aling Carmen na tulungan si Utoy. Lumapit si aling Carmen sa nakaupong si Utoy na hirap makatayo. Lumapit si aling Carmen at kinuha ang isang kamay ni Utoy na nakatingin pa sa tuhod niyang nasugatan.
"Bata nasaktan ka ba?" ang sabi ni aling Carmen.
Napakislot si Utoy dahil boses iyon ng inay niya.
Tiningnan ang babaing may hawak sa kamay niya at bigla nagsisigaw si Utoy.
"Inay..inay ako si Utoy" at sabay yakap kay aling Carmen.
Si aling Carmen naman ay nabigla dahil hindi niya nakilala si Utoy..nag-iba na ang anyo nito mula ng sila ay magkahiwalay may tatlong taon na ang nakalilipas.
Tinitigang mabuti ni aling Carmen si Utoy.
"Ikaw nga ba si Utoy?" ang maluha luhang tanong ni aling Carmen na hindi pa rin makapaniwala sa nangyayaring himala sa buhay niya. At niyakap niyang mahigpit si Utoy mahigpit na mahigpit..sabik na sabik siya na sa wakas nayakap din ang anak na nawawala.
Umiyak na rin si Utoy sa sobrang tuwa habang nakayakap sa ina.
"Ako nga po ito si Utoy inay..kung saan saan kita hinanap hindi kita matagpuan..kapag wala akong makain ikaw ang naaalala ko baka wala ka ring makain..baka may sakit ka at gusto kitang alagaan inay kaya lang hindi ko alam kung nasaan ka" at patuloy sa pag-iyak si Utoy habang damang dama niya ang kanyang mga sinasabi.
Kitang kita ng mag-asawang mayaman ang pagkikita ng mag-ina at sila ay nagalak din at sa kagalakan nila ay hindi napigilan ang lumuha sa tagpong iyon.
Sa pagkikitang iyon ng mag-ina..sa pagyakap ng mahigpit sa anak ay parang hindi pa rin makapaniwala si aling Carmen baka ito ay isang panaginip lamang at ayaw na niyang magising baka uli mawala ang anak niyang si Utoy. Lumuha ng lumuha si aling Carmen. Ibinuhos ngayon ang mga luhang naipon mula ng sila ay magkahiwalay na mag-ina.
"Salamat sa Diyos mabait sa atin ang Diyos Utoy muli niya tayong pinagsama"
"Opo inay sabi ni lola mabait ang Diyos" ang sabi ni Utoy na patuloy sa paghikbi.
Nasa ganoon silang tagpo ng lumapit ang mag-asawang mayaman.
"Carmen, ano sabi ko sa iyo na huwag kang malungkot at magkikita din kayo ng anak mo hindi ba?" ang sabi ng mayamang babae.
"Opo..opo kayo po ang naging daan upang magkita kami ng anak ko..salamat po sa inyo" ang nasabi na lang ni aling Carmen na walang pagsidlan sa tuwa.
Bumalik si Utoy sa lola niya kasama ang matagal ng hinahanap na ina ni Utoy, si aling Carmen.
"Lola..lola si inay ko po siya po ang inay ko" ang masayang sabi ni Utoy sa lola Ingga.
"Utoy natutuwa ako dahil nakita mo na rin sa wakas ang inay mo na matagal mo ng hinahanap" ang nasabi ni lola Ingga na hindi napigilan ang lumuha sa pagkikita ng mag-ina.
"Lola puwede po ba akong sumama kay inay?" ang tanong ni Utoy sa lola niya.
"Oo naman at maligaya ako" at napaluha si lola Ingga dahil isipin lang na mawawala na si Utoy sa buhay niya ay totoong napakasakit dahil mahal na mahal na niya ang itinuring niyang tunay na apo.
"Lola huwag po kayong mag-alala dadalawin namin kayo ng madalas dito" ang sabi ng mayamang babae.
"Lola salamat po ng marami sa ginawa ninyong pag-kupkop sa aking anak na si Utoy..habang buhay ko po itong tatanawing utang na loob" at niyakap ni aling Carmen ang matanda...yumakap na rin si Utoy sa lola niya.
Umalis na nga sila patungo sa sasakyan at ng medyo malayo na sila ay biglang tumakbong pabalik si Utoy sa lola niya na hindi alintana ang sugat sa tuhod niya at niyakap ng mahigpit si lola Ingga..mahigpit na mahigpit bilang pagtanaw dito ng malaking utang na loob.
Kinupkop na rin ng mayamang mag-asawa si Utoy. Ngayon mayroon ng magandang tirahan si Utoy.
Isang buwan ding nanirahan si Utoy sa bahay ng mayamang mag-asawa subalit laging napapansin ni aling Carmen ang pagiging malulungkutin ni Utoy.
"Anak bakit ka malungkot?" ang tanong ni aling Carmen.
"Inay masaya ako kasi kasama kita uli pero nalulungkot ako kapag naaalala ko si lola..nag iisa lang siya walang kasama". ang malungkot na sabi ni Utoy sa kanyang ina.
Sa sinabing iyon ni Utoy ay nabagbag ang kalooban ni aling Carmen subalit ano ang magagawa niya.
"Bayaan mo dadalawin natin si lola mo linggo linggo dahil isasama tayo ng mabait kong mga amo".
Naririnig pala ng mayamang mag-asawa ang usapan ng mag-ina at nabagbag ang kanilang kalooban dahil sa pagmamahal na ipinakita ni Utoy na bihirang makita sa mga batang katulad niya.
Kaya napagkasunduan ng mag-asawang mayaman na kupkupin si lola Ingga. Katwiran ng mag-asawa aanhin nga ba nila ang kayamanan kung hindi naman sila makapagbibigay ng kaligayahan sa mga taong nangangailangan ng tulong.
Kaya ang nangyari kinausap nila ang mag-inang Carmen at sinabi ang balak nilang kunin si lola Ingga.
Tuwang tuwa si Utoy sa narinig sa mag-asawang mayaman at tumakbo ito sa mag-asawa at mahigpit na yumakiap sa kanila.
Sa pagyakap ni Utoy sa mag-asawa ay may nadamang kakaibang damdamin sa kanilang kalooban na nagpaligaya sa kanilang mag-asawa.
"Salamat po..salamat po" ang natutuwang nasabi na lang ni Utoy sa mag-asawa.
At nangyari ang kagustuhan ng mag-asawa..kinupkop si lola Ingga at para silang isang pamilya..nagsasaya..nagtatawanan sa kagalakan.
Inari ng mag-asawang mayaman si Utoy na tunay nilang apo at papagaaralin nila si Utoy.
Makaraan ang labing limang taon naging isang matagumpay na engineer si Utoy. Si lola Ingga naman ay sampunng taon ng namayapa dahil sa katandaan kaya hindi na niya nakita ang tagumpay ni Utoy sa tulong ng mabait na mag-asawa.
Subalit kahit nakamtan ni Utoy ang tagumpay niya ay may sandali na malungkot siya dahil naaalala ang ama niya. Mahal pa rin niya ang ama kahit pinagmalupitan sila nito..ang katwiran niya kung hindi sa ama niya ay wala siya sa mundong ito.
Kaya binalak ni Utoy na bumalik sa Bicol, sa kanilang tirahan upang kumustahin ang kanyang ama. Subalit ang hindi alam ni Utoy ay matagal ng patay ang kanyang ama dahil nagkaroon ito ng kanser sa bituka dahil sa labis na pag-inom ng alak.
Ang gawang kabutihan at pagiging mabait ay may katumbas na tagumpay sa kabila ng iba't ibang pagsubok at ito ang nangyari sa buhay ni Utoy.
Sana nagkaroon ito ng inspiration sa mga nakabasa lalo na sa mga kabataan.
Please your comment and rating..thanks.
Rio Alma
"More inspiring short stories are coming, so enjoy reading"