Magandang araw po sa lahat, ang kwento pong ito ay kathang isip pero may bahid nang katotohanan. Kayo na po humusga kung saan ang kathang isip at saan ang katotohanan. Hindi ko nalang po babangitin ang totoong pangalan nang lugar baka magalit sila sa akin.
Ang pamilya ko ay nakatira sa probinsya nang Evos (hindi totoong pangalan). Isa itong maliit na isla na may magagandang baybayin, dinarayo ito nang mga turista buong taon. Marami itong kweba na nagdudugtongdugtong
at may maraming lagusan.
Buwan nang Marso yun, inaya ako nang pinsan ko na manghuli nang mga gagamba. Alas diez nang umaga nang kami ay nag-umpisang pumasok sa kagubatan. Di pa kami nakakalayo at marami na kaming nahuling gagamba, halos mapuno na ang lalagyan kong posporo. Gusto ko na sanang umuwi pero sinabi nang pinsan ko na may mas malalaking gagamba daw sa mas malalim na parte nang kagubatan kaya sumama nalang ako. Tama nga ang pinsan ko, mas malalaki ang nahuhuli naming mga gagamba kaya mas pumasok pa kami gubat.
Abala ako sa paghahanap nang mga sapot nang gagamba nang marinig kong sumigaw ang pinsan ko. May nakita siyang maliit na lagusan papunta sa kweba. Naririnig namin na may dumadaloy na tubig sa loob, ramdam din namin ang malamig na hangin na lumalabas mula rito.
Dahil sa kuryosidad, pinasok namin ito. Sa liit nang butas mga bata lang ang magkakasya kaya malamang wala pang nakakapasok doon maliban sa amin. Nasa isip ko na sana may kayamanan sa loob, ginto at mga mamahaling bato.
Sa loob ay malamig ang hangin, may malamig na tubig na dumadaloy sa paanan namin. Dahan-dahan kaming naglakad papasok dahil matatalas ang mga bato sa loob.
Sampong minuto mula sa pagpasok namin sa kweba ay nakarating kami sa isang parte na may malawak na lugar. Sa lawak nito ay kasya dito ang isang buong simbahan.
Tahimik kaming naglakad habang abala ang mga mata namin sa pagsisiyasat sa lugar. Laking gulat namin nang may nakita kaming kumikinang na bagay sa unahan. Napangisi nalang kami nang makitang ito ay mga gintong kalis (yung ginagamit nang mga pari sa misa). Di ko mawari ang bilang pero alam ko lampas tatlumpo ang mga ito. Nagkalat ang mga ito sa parte nang kweba kung saan nanggagaling ang tubig. Lumapit kami at napansing nakalubog pala ito sa napakalinaw na tubig. Napansin din namin na may mga gintong barya na nagkalat sa ilalim nang tubig.
Nag-unahan kami sa pagkuha nang mga gintong kalis at barya. Pinulot ko ang mga barya at inilagay sa loob nang kalis. Hinubad ko ang damit ko at ginawang lalagyan nang mga makuha naming ginto. Sa sobrang dami nito ay hindi nagkasya sa aming lalagyan kaya naisipan naming balikan nalang ang natitirang ginto.
Palabas na sana kami sa kweba nang napansin naming lumakas ang agus nang tubig. Ang dating malinaw na tubig ay nagkulay putik. Nagtakbuhan kami papunta sa lagusan nang narinig namin ang isang kahindik-hindik na hiyaw. Para itong tili nang babae na sinabayan nang ungol nang mabangis na hayop. Sa takot ko ay nanginig ang tuhod ko at muntik nang madapa. Napansin ko rin na yumayanig ang lupa na para bang may mabigat na bagay ang tumatakbo papunta sa amin. Pinilit kong tumakbo pero nanlalambot ang mga tuhod ko hanggan sa akoy napaupo nalang. Ang pinsan ko naman ay naiwan na ako at nakita kong paakyat na ito papunta sa butas na pinagpasukan namin. Napaiyak nalang ako sa takot habang tinitingnan ang dinaanan namin. Tinawag ko ang pinsan ko ngunit sa takot nya ay hindi na nya ako pinapansin, nagmamadali siyang makaakyat ngunit dahil sa basa ang tsinelas nya ay nadudulas siya at hindi maabot ang butas.
Halos mahimatay ako nang may bumagsak sa aking likuran. Bago pa ako makalingon sa likod ay naamoy ko na agad ang masangsang na baho nang nabubulok na karne. Hindi ako makagalaw nang nakita ko kung ano ang nasa likod ko. Isa itong halimaw na ang balat ay parang balat nang daga na ginagalis, parang balat nang dagang nasa kanal. May malaki itong tenga na sa sobrang laki ay sumasayad ito sa lupa, malapad din ito na nagmistula itong pakpak. Gumagapang ito na palapit sakin habang nakalabas ang mahaba nitong dila. Pinilit kong makatayo ngunit ayaw na sumunod nang paa ko, iyak nalang ako nang iyak. Ang pinsan ko naman ay hindi na rin nakagalaw dahin narin sa takot.
Walang tigil ako sa pag iyak habang dinidilaan ako nang halimaw sa mukha. Nakakasulasok ang amoy nang laway nito, parang pinaghalo-halong bulok na mga karne. Kinuha nito ang damit kong puno nang ginto at tumalon papunta sa pinsan ko at kinuha rin ang gintong nasa kanya at gumapang pabalik sa pinagkuhaan namin nang ginto. Ilang minuto panang lumipas bago kami nakagalaw muli. Nagmadali kaming umakyat nang butas at umiiyak kaming tumakbo pauwi.
Binalikan nang mga kalalakihan ang butas ngunit hindi nila ito makita. Pinipilit nila kaming ituro ang butas pero ayaw na talaga naming bumalik doon. Hanggang ngayon ay may namimilit parin sa akin na ituro ang lagusan sa kweba pero ayoko na talagang bumalik dun. Hanggang ngayon ay binabangungot pa rin ako sa nangyari sa amin nang pinsan ko.