App herunterladen
57.14% Sina Lorena, Pawikana at ang Kaharian ng mga Sirena / Chapter 4: Sina Lorena at Pawikana

Kapitel 4: Sina Lorena at Pawikana

Kabanata IV

"O, Lorena bakit ka naman umiiyak?" awang tanong ni Aling Maria. "Pinagalitan at sinaktan ka na naman ba ng iyong ina?"

"Opo," sagot ni Lorena.

"Hay naku, talaga iyang Nanay mo, oo! Halika pumasok ka muna rito sa loob ng kamalig at mag-almusal ka. Sigurado akong hindi ka pa kumakain. O, ngiti ka naman diyan," sambit ng matanda.

"Salamat po Aling Maria," tipid na sagot ni Lorena at bahagyang ngumiti sa matanda.

Habang kumakain si Lorena ay abalang-abala naman si Aling Maria sa paglalagay ng mga isda sa basket ng bata. Pagkatapos kumain ni Lorena ay tumayo ito at iniligpit ang pinagkainan.

"Salamat po ulit sa almusal niyo. Aling Maria. Ang sarap po ng hotdog!" pasasalamat ni Lorena na halos abot-tenga ang ngiti nito sa matanda.

"Asus nambola ka pa! Walang anuman. Alam mo naman na parang anak na ang turing ko sa iyo. Ayan, nilagyan ko na rin ng limang kilong isda ang basket mo. My bonus pa iyang isang kilo dahil sa ngiti mo," ang sabi ng matanda na hinahagud-hagod pa ang mahabang buhok ni Lorena.

"Salamat po ulit. Sige po aalis na po ako at maglalako pa po ako nitong mga isda," sambit ni Lorena at buong pusong nagpapasalamat sa matanda dahil sa kabaitan nito sa kanya.

Matuling naglalakad si Lorena ng mga ilang hakbang palabas mula sa kamalig ni Aling Maria nang tawagin siya nito.

"Lorena, may singing contest mamayang gabi sa plasa, sponsored ni Kapitan. Sumali ka! Balita ko malaki raw ang papremyo," ang pahabol na sabi ni Aling Maria.

"Sige po. Titingnan ko mamaya," sagot ni Lorena.

Lumakad si Lorena sa karatig-pook at naglako ng mga isda sa bahay-bahay. Madali namang naubos ang kanyang paninda dahil naaawa sa kanya ang kanyang mga suki. Malaki rin ang kanyang kita dahil sa libreng bigay na isang kilo ni Aling Maria. Kaya naman sigurado siyang matutuwa ang kanyang inay dahil bukod sa may pambili na siyang isang kilong bigas ay may pera pang iaabot dito mamaya, para kahit papaano ay maibsan ang galit nito sa kanya.

Sa pag-uwi ng bahay ay madalas siyang dumadaan sa paaralan na pinapasukan ng kanyang kapatid. Gustung-gusto niyang mag-aral kaya lang ay ayaw ng kanyang nanay. At sa tuwing dadaan ay tinutukso siya ng mga batang mag-aaral.

"Lorena, Lorena, prinsesa ng isda!" kantiyaw ng mga batang mag-aaral.

"Kawawa ka naman, Lorena. Hindi ka pa nag-aaral. Imbes na amoy cologne ka, e, nangangamoy isda ka," panlalait na sabi ng isang malditong bata habang nagtatawanan ang mga ito. Kung minsan, tinutulak pa siya ng mga ito at kinukurot.

Minsan nang pinagtri-tripan siya ng mga malditong bata ay nakarinig siya ng boses mula sa likuran na tila pinagtatanggol siya.

"Tigilan niyo 'yan kung ayaw niyong makatikim ng suntok!" sabi ng boses.

Lumingon si Lorena sa likuran at nakita niya ang batang lalaki na sa kabila ng murang gulang ay may magandang pangangatawan at mukha. Sa suot na pulang basketball shorts at puting t-shirt ay masasabing anak ito ng may sinasabi sa lipunan. Sa tingin niya, hindi nalalayo ang kanyang edad sa batang lalaki.

Nagsipagtakbuhan ang mga pasaway na mga batang lalaki nang nakita nilang papalapit na ang kanilang makakabangga. Agad naman itong lumapit kay Lorena sabay sabi.

"Nasaktan ka ba?"

"Hindi naman. Salamat pala sa pagtatanggol mo sa akin kanina," sagot ni Lorena na halatang nahihiya sa kausap lalo na nang malanghap niya ang pabango nito. "Ang bango-bango naman," sa loob-loob niya.

"Walang anuman. Ako pala si Raphael. At ikaw si?"

"S-s-si… L-Lorena," pautal niyang sabi at namumula ang pisngi nang makita niya ang biloy sa magkabilang pisngi ng kausap. "A-a-ah, sige mauna na ako sa iyo baka gabihin pa ako sa daan."

"Sige, ingat ka," sabi ni Raphael. "Saan ka pala nakatira?" pahabol na tanong nito.

Hindi na sinagot ni Lorena ang tanong, nagmamadali itong umalis. Nagmamadali siyang lumisan dahil hindi niya makayanang tumingin nang diretso sa kausap. Habang naglalakad sa daan, naalala niya ang maamong mukha ng batang lalaki.

Ginabi siya nang uwi. Siguradong sampal at sermon ang aabutin niya mula sa kanyang Inay. Gustuhin man niyang umalis ng bahay, wala naman siyang kamag-anak na mapupuntahan. Gustuhin man niyang magtrabaho kay Aling Maria, hindi naman pupuwede dahil tiyak ito naman ang aawayin ng kanyang nanay. Kaya naman ay tinitiis niya na lang ang lahat.

"Hoy, Lorena! Ginabi ka na naman nang uwi! Siguro kung saan-saan ka na naman naglalako ng isda, ano?" galit na tanong ng kanyang inay.

"Hay naku, Nanay, sigurado akong nakikipaglandian na naman iyan," sabat ng nakababatang kapatid.

"Hindi po," malumanay na sagot ni Lorena.

"A, sumasagut-sagot ka pa. Makinig ka. Kumain na kami ng kapatid mo. Nangutang ako kay Aling Bebang ng kalahating kilo ng bigas kanina. Ikaw kainin mo 'yang nangangamoy sunog na pagkain na niluto mo kaninang umaga! Pupunta kami sa plasa dahil manonood kami ng singing contest. Bantayan mo ang bahay natin kung hindi malilintikan ka sa akin. Akin na 'yong kinita mo. Dali!"galit na sabi ni Aling Birang.

"Opo, Nanay," tipid na sagot ni Lorena. "Heto po ang pera."

Inabot ni Lorena ang pera sa kanyang nanay. Matulin itong naglakad pagkatanggap ng pera. Mga ilang minuto pa lang mula nang umalis ang mag-ina ay biglang lumitaw ang kaibigang pawikan ni Lorena mula sa kanyang likuran.

"Hello, friendship! What's up? Bakit tila yata malungkot ang maganda, masipag at mabait kong kaibigan?" sambit ni Pawikana.

"Nakakagulat ka na naman! Bigla ka na lang lumilitaw! At may pa-friendship-friendship ka pa riyan! Para naman tayong si Kris Aquino at Ai-ai de las Alas nito," bulalas ni Lorena.

"Hehehe, korak! 'Yong dalawang magaling na mga artista? Si Kris, 'yong host ng KrisTv at si Ai-Ai 'yong concert comedy queen?" ang nakangiting tanong ni Pawikana na ginagaya pa ang aksyon ni Kris sa tv show nito.

"Hehehe! Bakit mo alam 'yan?" tanong ni Lorena sabay tawa nang malakas.

"Ako pa! Hindi yata ito pahuhuli sa balita. Nanonood ako niyan sa mahiwagang dingding kasama ang isang kaibigan," nakangiting sagot ni Pawikana.

"Mahiwagang dingding? May mga silid ba lugar n'yo at may dingding?"

"Oo, maraming silid sa palasyo."

"May palasyo sa ilalim ng dagat?"

"Naman. At may maraming mga sirena at sireno roon."

"Talaga?" Bahagyang lumaki ang mga mata ng bata sa kanyang narinig. "Totoo pala ang mga sirena at sireno? Akala ko mga kathang-isip lang sila." Napalaki ang kanyang boses.

"Ssssh, hinaan mo lang ang boses mo. Baka isipin nila na baliw ka kasi nagsasalita ka sa pawikan, sa akin." Tumango ang bata at nakita ng lamang-dagat ang pagbabago ng ekspresyon nito.

"Teka, hindi mo pa sinasagot ang tanong ko. Bakit ka malungkot?"

"Kasi gusto kong pumunta sa plasa at manood ng singing contest, kaso lang pinababantayan sa akin ni Nanay itong bahay," malungkot na sagot ni Lorena.

"Gano'n? As if naman na may mawawala sa inyong kayamanan dito, noh! 'Yan talagang nanay mo, kung minsan walang common sense," ang pabirong sabi ni Pawikana.

"Hay, naku. 'Wag kang mag-alala friendship. Go tayo riyan! Hawakan mo lang ang ulo ko at siguradong sa isang iglap lang ay doon na tayo sa plasang sinasabi mo," dagdag ni Pawikana.

Hinawakan ni Lorena ang ulo ni Pawikana at bigla nga silang naglaho. Wala pang dalawang minuto ay narating na nila ang plasa.

Maraming tao na ang nakapuwesto sa iba't ibang mga upuan habang nakatayo naman ang iba. Nagsasalita na ang baklang emcee, hudyat na simula na ng paligsahan.

"Isang kalahok na lang po ang kulang. Kung sinuman ang interesado riyan sa inyo ay umakyat na rito sa entablado," sabi ng baklang emcee na pakengkoy-kengkoy pa ang galaw.

"Lorena, Sali ka na! Go na friendship! Kaya mo iyan," sabi pa ng pawikan kay Lorena.

"Baklang maganda, sasali raw si Lorena!" pasigaw na sabi ni Pawikana sa emcee na kahit hindi pa pumapayag ang kaibigan sa udyok nito ay pinipilit pa rin ang gusto.

"Ano raw, Lorena? May narinig akong boses na nagsasabing Lorena. Nasaan ka iha? Palakpakan po natin si Lorena!" malakas na sabi ng bakla.

Nagpalakpakan ang lahat ng mga tao. Walang nagawa si Lorena kundi umakyat sa entablado. Nagsimula agad ang paligsahan. Panghuli siyang kalahok. Umawit ng magandang kanta ang una, pangalawa, pangatlo at pang-apat. Masigabong na palakpakan ang narinig ni Lorena mula sa mga manonood para sa kanyang mga katunggali. Tuloy kinakabahan siya dahil siya na ang susunod na tatawagin.

"At ngayon, mga kaibigan. Ang ating panghuling kalahok, walang iba kundi si Lorena!" malakas na sabi ng baklang emcee.

Agad na tumayo si Lorena. Kinuha niya agad ang wireless microphone at nagsimula nang umawit.

"O, ina, o ina

Sabik ako sa yakap mo,

Sabik ako sa mga halik mo

Nangungulila sa iyong pagmamahal

Nangungulila sa iyong pagkalinga

Kailan kaya matitikmang muli

Ang init ng iyong pagmamahal

Naalala ko pa ang mga haplos na kay sarap

Banayad, dalisay at wagas

Ang iyong pagmamahal

Sa tuwina ako'y nalulungkot

Ibinubulong ng hangin

Na ako'y iyong mahal

Na ako'y isang anghel

Na bumaba sa lupa

Upang magbigay ng saya at tuwa

Sa iyo habang buhay.

Kay tamis ng una kong nasilayan

Ang iyong mukha

Kay tamis ng iyong mga halik

Kay tamis ng haplos mo

Banayad, dalisay at wagas

Umiiyak ang puso ko ngayon

Naaalala ang kahapon

Nais kong sisirin ang dagat na kay lalim

Nais liparin ang himpapawid,

At tahakin ang landas na nakalaan sa akin.

Nagpalakpakan ang lahat ng mga tao. Napakaganda ng tinig ni Lorena na ang iba ay naiiyak pa sa galing niya sa pag-awit. Ang banayad at malamig niyang boses ay parang anghel na bumaba sa lupa at kayang pawiin ang anumang lungkot na nararamdaman ng sinumang makakarinig ng awitin. Ang iba ay napanganga sa paghanga sa batang mang-aawit dahil tagos sa puso at kaluluwa ang mensahe ng kanta. Pati ang mga hurado ay nadadala at napapaawit din.

Hawak na ng baklang emcee ang resulta sa paligsahan. Tinawag na ang nanalo sa pangatlo at pangalawang puwesto. Kinakabahan na si Lorena dahil pawang magagaling din ang mga natitirang kalahok.

"Ang nakakuha ng unang gantimpala ay si . . . Lorena!" sigaw ng baklang emcee.

Naghihiyawan ang lahat ng mga tao. Tuwang-tuwa naman si Pawikana at nagpatalun-talon pa ito sa pagkapanalo ng kaibigan. Bilang gantimpala, nakatanggap si Lorena ng isang libong piso mula sa kapitan ng baranggay.

Tuwang-tuwa si Lorena sa kanyang pagkapanalo. Walang sisidlan ang tuwang nararamdaman. Nilapitan siya ni Pawikana at sa labis na tuwa ay napayakap ang lamang- dagat sa mababang bahagi ng paa ni Lorena. Naghalakhakan silang dalawa. Sa ganoong sitwasyon sila nadatnan ng kanyang Nanay at kapatid sa likurang bahagi ng entablado.

"Congrats, anak! Masaya ako sa pagkapanalo mo!" sabi ni Aling Birang na niyayakap pa ang anak.

"Asus plastik ang madir," ang pabulong na sabi ni Pawikana sabay pilantik ng kanyang palikpik.Nang gawin n'ya ito, hindi na s'ya nakikita ng mga mortal.

"T-teka anak, saan na ang premyo mong pera? Akin na!" sabi ni Aling Birang.

"Asus, lumabas din ang totoong kulay," pabulong pa ring sabi ni Pawikana.

"Eh, Inay ako na lang po ang magtatago ng pera para may pang-matrikula ako sa susunod na pasukan at pambili ng gamit ng aking kapatid," malumanay na sabi ni Lorena sa kanyang ina.

"A, gano'n! Nagmamarunong ka na ngayon! Akin na ang pera. Akin na!" galit na sabi ni Aling Birang at sapilitang kinuha ang pera ng anak. "Pang-matrikula, ambisyosa! Itong tandaan mo kahit kailan ay hindi kita paaaralin! Iyan ang parusa mo. Dahil sa 'yo ay namatay ang asawa ko!" dagdag ni Aling Birang at dinuduro pa ang mukha ng bata.

Walang nagawa si Lorena. Nakuha ng kanyang nanay ang kanyang pera. Umiiyak at patakbong lumayo si Lorena papunta sa tabing-dagat sa sama ng loob. Hindi naman siya umiiyak dahil nakuha sa kanya ang pera, ang masakit ay ang mga katagang binitiwan nito. Hanggang ngayon pala ay siya ang sinisisi nito sa pagkamatay ng kanyang ama, e,aksidente lang naman ang lahat nang nangyari.

"Bakit gano'n si Inay? Kahit kailan ay hindi ko nararamdaman ang kanyang pagmamahal? Bakit ang lupit niya sa akin?" umiiyak na tanong ni Lorena kay Pawikana na malungkot din ang nararamdaman para sa kaibigan.

"Lorena, may ipagtatapat ako sa iyo. Panahon na para malaman mo ang katotohanan," sabi ni Pawikana.

"Ano ang katotohanan?" umiiyak pa ring tanong ni Lorena.

"Hindi ka tunay na anak ng iyong kinikilalang ina. Isa kang. . . sirena! Ikaw ang nawawalang anak ng reyna ng Dagatlaot. Sanggol ka palang noon nang nakawin ka ni Lawudra at ibinigay kay Haraya, ang babaeng nakagisnan mong ina. Oo, dati rin siyang sirena na kumampi kay Lawudra."

"Mahabang kuwento, Lorena! Malalaman mo rin ang lahat pagdating natin sa Dagatlaot. Kailangan na nating magmadali. Nagkakasakit ngayon ang reyna, at tanging ikaw lamang ang makapagpapagaling sa kanya," buong pagtatapat na sabi ni Pawikana. "Nagmasid ako at nang malaman ko ang tunay na kalagayan ng reyna ay wala na akong sinayang na sandali. Agad kitang pinuntahan dito."

"Ha?" gulat na tanong ni Lorena sa sinabi ng kaibigan at tila naguguluhan pa rin sa lahat.

"O, handa ka na ba? Dahil isinumpa kang sirena, kailangan mong lunukin ang itim na perlas na ibibigay ko sa iyo para maging ganap ka ng sirena. Ito lang ang tanging paraan para manumbalik ang tunay mong anyo. Matagal kang napa'walay sa dagat kaya hindi na epektibo ang pasimpleng pagbasa sa iyo ng tubig-alat. Wala na rin ang mahiwagang kabibe na siyang pag-asa natin. Ninakaw na ito ni Lawudra," sabi ni Pawikana at iniluwa ang perlas mula sa kanyang bibig at inabot kay Lorena.

"Buti pa ngang lisanin ko na ang lugar na ito. Puro hirap din lang naman ang napapala ko rito," sambit ni Lorena sabay lunok sa perlas na bigay ng kaibigan.

Biglang nagbago ang anyo ni Lorena. Biglang nawala ang kanyang mga paa at napalitan ito ng magkahalong kulay na dilaw at dalandan na buntot kagaya ng sa isda, mahaba nga lang ang sa kanya. Humaba din lalo ang kanyang maitim na buhok lampas hanggang beywang. Tila masayang- masaya siya sa kanyang bagong anyo sa kabila ng lahat na nangyari.

"Wow, napakaganda ng aking friendship prinsesa! Handa ka na ba kamahalan?" tanong ni Pawikana.

Hindi sinagot ni Lorena ang kaibigan. Agad itong lumusong sa dagat at sa isang pilantik ng buntot ay bigla itong sumisid sa dagat at masayang pinagmasdan ang mga isda at mga iilang bahayang-isda. Hindi na siya nagtataka kung bakit may kung anong kakaibang puwersa ang humahatak sa kanya sa tuwing lalapit siya sa dagat. Ngayon ay alam na niya na hindi siya ordinaryong nilalang kundi isang sirenang may dugong maharlika. Gustung-gusto na niyang makita ang kaharian ng Dagatlaot— ang lugar na ipinagkait sa kanya ng mga kaaway ng kanyang ina. Gustung-gusto niya na ring mayakap at mahalikan ang kanyang tunay na ina at sabik na sabik na rin siyang maramdaman ang pagmamahal nito.

"Halika na, Pawikana. Pupuntahan na natin ang aking ina. Sabik na akong makita siya," sambit ni Lorena sa kaibigan na agad ding sumunod at nakabuntot sa kanya.

"Yes, friendship. Akala ko wasiwas ka na care sa akin, kasi iniwanan mo lang ako sa tabing dagat at hindi mo pa sinasagot ang tanong ko," ang sambit ni Pawikana na nagkukunwari-warian pang malungkot dahil sa pang-iiwan ng kaibigan sa kanya.

"Asus ikaw pa! Ikaw yata ang nag-iisang friendship ko," sagot ni Lorena at nag-apir pa sabay ngiti sa kaibigan.

"Hehehehe! Thank you friendship," ang pa-Ingles pang sabi ni Pawikana. "Kaya ano pa ang hinihintay natin, tayo nang maglakbay! Go, go sago!" pabirong dagdag nito.

Naglakbay nga sina Lorena at Pawikana patungo sa Dagatlaot. At sa paglalakbay, nasilayan ni Lorena ang kamangha-manghang kagandahan sa ilalim ng dagat. Hindi niya lubos maisip na may nakatagong kayamanan dito. Ang yamang- dagat na higit na mahalaga sa anumang mamahaling ginto, pilak o diyamante. Ang mga makukulay na bahayang-isda, ang iba't ibang klase ng halamang dagat, ang maliliit at malalaking mameng, dilis, alimango, lumba-lumba at ang mga kauri ni Pawikana ay masayang nagtatawanan na tila mga batang masayang nagtatampisaw sa tabing dagat. Mga inosenteng nilalang na nangangailangan ng pagkalinga at pagmamahal ng mga tao. Mga nilalang na unti-unting nauubos dahil sa abuso ng mga iilang ganid na tao.

"Hello, Prinsesa Lorena! Maligayang pamamasyal!" sabi ng maamong lumba-lumba.

"Ang ganda-ganda mo naman prinsesa!" sambit ni alimango.

"Tunay na maganda at kakaiba ang iyong buntot prinsesa! Kulay dilaw at dalandan," sambit naman ng isang mameng.

"Salamat sa inyo mga kaibigan. Hindi ko lubos maisip na kilala niyo pala ako," buong pasasalamat na sagot ni Lorena sa mga lamang- dagat.

"Oo naman. Nakasulat kasi ang pangalan mo sa pamaypay ng mga sirena na dala-dala ni Pawikana," sagot ng dilis.

"Ha?" gulat na tanong ni Lorena at biglang lumingon kay Pawikana na may hawak-hawak ngang pamaypay at may nakasulat niyang pangalan.

"Yes, friendship! Isinulat ko na lang ang pangalan mo para super-dooper welcome nila tayo at nang matakot din ang mababangis na pating na ating masasalubong. Takot lang nila kay Reyna Landaya, noh!" masayang sagot ni Pawikana.

Iiling-iling na lang si Lorena sa kaibigan sabay ngiti rito. Talagang mahal nga siya ni Pawikana. Sa buong buhay niya ay ngayon lang niya nararamdaman ang totoong saya dahil sa pagmamahal at pagpapahalaga ng isang kaibigan.

Habang aliw na aliw si Lorena sa mga nilalang na nakakasalubong, si Pawikana naman, gamit ang kapangyarihan, ay may sinasambit nang pabulong, na tila may kinakausap.

Patuloy silang naglalakbay hanggang sa marating nila ang pusod ng dagat, at sa di-kalayuan, natatanaw ni Lorena ang palasyong kaharian na kumikinang dahil sa kulay nitong ginto. Magara't malaki ang palasyo. Manliliit sa laki nito ang White House ng Amerika at Malacañan Palace ng Pilipinas. Binilisan pa lalo ni Lorena ang kanyang galaw nang biglang may lumitaw na lamang- dagat.

"At saan n'yo naman balak pumunta?" ang tanong ni Lawudra na nanlilisik pa ang mga mata.

"Ayyyy! Ang bruhang sirena!" takot na bulalas ni Pawikana. "Ikaw talaga, bigla-bigla ka na lang lumilitaw, wala ka namang pasabi."

"Pawikana, sino ba siya?" inosenteng tanong ni Lorena.

"Siya si Lawudra, ang masamang sirena. Kaaway siya ng ina mo," pabulong na sagot ni Pawikana.

"Ha, e, ano pang hinihintay natin, umalis na tayo rito," sabi ni Lorena.

"O, sige pagbilang ko nang tatlo, langoy agad tayo. Isa, dalawa, tatlo, langoy!" sabi ni Pawikana.

Mabilis na tumakas ang magkaibigan. Pero nakailang metro pa lang sila palayo ay nasa harapan na nila si Lawudra.

"Aba, akala n'yo matatakasan n'yo ako ha. Nagkakamali kayo! Walang makakaligtas sa akin!" galit na galit na sabi ni Lawudra. Agad na lumapit ito kay Lorena pero hinarangan siya ni Pawikana.

"Sino, naman ang batang sirena na ito?" tanong ni Lawudra.

"Wala ka nang pakialam doon. Hindi ba may kapangyarihan ka, bakit di mo kontakin ang kaibigan mong si Oktupoda at itanong sa kanya?" pagmamalditang sabi ni Pawikana.

"Pilosopa!" galit na sabi ni Lawudra. Agad na nilapitan si Pawikana at hinawakan sa leeg."Sabihin mo sa akin kung sino siya, kung ayaw mong pilipitin ko itong leeg mo."

"Bitawan mo s'ya," pasigaw na sabi ni Lorena.

"B-b-bakit ko s-s-sasabihin sa iyo, friends ba t-tayo?" hirap na sagot ni Pawikana sa tanong ni Lawudra. "Lorena, tumakas ka na, iwanan mo na ako! Ako nang bahala rito."

"Hindi kita iiwan, Pawikana. Kaibigan kita, hindi ko kayang iwanan ka rito," sabi ni Lorena. Ako na po ang sasagot sa tanong niyo."

"Friendship, h'wag-g-g-g!" sabi ni Pawikana.

"Hayaan mo siya, h'wag ka nang umepal," sabi ni Lawudra at nilakasan pa ang paghawak sa leeg ni Pawikana.

"A-a-ako, ang nawawalang anak ni Reyna Landaya," sabi ni Lorena.

"Ikaw?" pagtatatakang tanong ni Lawudra. "At bakit ka pa bumalik dito? Hindi ba pinatapon na kita sa lupa?"

"Gusto kong makilala ang tunay kong ina," mangiyak-iyak na sagot ni Lorena.

"Hindi maaari! Hindi kita hahayaang makilala mo siya. Papatayin muna kita!" galit na sabi ni Lawudra.

Inihagis ni Lawudra si Pawikana at agad na nilapitan ang batang sirena pero bigla itong natigilan at napaatras.

"Bakit kumikinang 'yang kanang mata mo? Ah-h-h-h, nagliliwanag ito! Nakasisilaw!" sabi ni Lawudra habang tinatakpan ang mga mata.

"Umalis ka na rito, kung ayaw mong masaktan!" sabi ni Lorena.

"Wow, ang galing ng powers mo friendship! Go, go friendship! Lapitan mo pa siya para mabulag ang bruhang iyan," masayang sabi ni Pawikana na manghang-mangha pa sa kapangyarihan ng kaibigan.

Napaatras ng ilang metro si Lawudra dahil hindi nakayanan ang sobrang liwanag.

"A-h-h-h! Hindi pa tayo tapos. Babalikan ko kayo! Pero bago 'yan, ito muna ang sa inyo," galit na sabi ni Lawudra.

Biglang nagkaroon ng malalaking alon. Lumitaw ang isang dambuhalang pating at agad itong sumugod.

"Friendship, takas na! Bilis!" sabi ni Pawikana kay Lorena.

Mabilis na tumakas ang magkaibigan. Sinundan naman sila ng pating. Matagal ang habulan nila hanggang sa makorner sila ng pating sa gilid ng malaking bahayang-isda.

"Pinagod niyo 'ko. Ngayon, wala na kayong ligtas. Kakainin ko kayo ng buong-buo. Hahahahaha!" gigil na gigil na sabi ng pating sabay pakita ng malalaki niyang pangil.

"Ayyyy! Nagsasalita ka pala. Akala ko pipi ka. Kasi kanina mo pa kami hinahabul-habol, eh, ngayon ka lang nagsalita," sabi ni Pawikana na halatang kabado nang makita ang malalaking ngipin ng pating.

"Ano nang gagawin natin ngayon Pawikana?" tanong ni Lorena.

"Gamitin mo kaya friendship ang kapangyarihan mo. Subukan mong pakinangin ang mata mo hanggang sa magliwanag ito ng bonggang-bongga para mabulag 'yang pating na iyan," sagot ni Pawikana.

"Ha? Hindi ko alam," sabi ni Lorena.

"Anong hindi mo alam?" tanong ni Pawikana. "Kitang-kita ko kaya kanina kung paano nagliwanag ng bonggang-bongga 'yang mata mo. Subukan mo."

"Sige, susubukan ko," sabi ni Lorena. Sinubukan nga ni Lorena na paganahin ang kapangyarihan. Nag-concentrate siya. Pumikit siya ng ilang segundo at agad na iminulat ang mga mata. Tinitigan niya nang mabuti ang pating.

"O, ano nagliwanag ba?" tanong ni Lorena sa kaibigan.

"Hindi. Sige pa, subukan mo pa ulit!" sagot ni Pawikana.

"Oo, heto na nga susubukan ko ulit," sabi ni Lorena na halatang natataranta.

Nag-concentrate siya ulit pero walang nangyari. Samantala, handang-handa na ang pating na sugurin sila. Lumapit ito sa kanila, ibinuka ang malaking bunganga at naghahanda nang kainin sila ng buung-buo.

"Ahhhhhhh, Pawikana! Magdasal na tayo. Ito na yata ang katapusan natin. Hawakan mo ang kamay ko. Panginoon ko, tulungan n'yo po kami!" takot na takot na sambit ni Lorena. Ahhhhhhhhhhhhhhh!

Kabanata V

"Patay na ba ako? Bakit tahimik ang paligid?" tanong ni Lorena.

"Hindi ka patay, batang sirena. Nandito ka sa isla ko. Iniligtas ko kayo mula sa dambuhalang pating," sabi ng boses.

"Talaga po? Buhay ako? T-teka sino po ba kayo? Bakit n'yo kami niligtas? At ano'ng klaseng lugar ito?" sunud-sunod na tanong ni Lorena.

"Ako si Nympha, ang tagapangalaga ng islang Luli. Ang islang ito ay tinawag na Luli dahil kusa itong lulubog at lilitaw. Kung bakit ito nangyayari ay hindi ko rin alam. Tanging si Neptuna, ang diyosa ng pitong dagat, ang may alam. Iniligtas ko kayo dahil hindi ko kayang isipin na gawin kayong hapunan ng pating na iyon," sagot ni Nympha.

"Salamat po," sabi ni Lorena habang pinagmamasdan nang maigi si Nympha. Kakaiba siya. Hindi siya katulad ko. Wala siyang pinagkakaiba sa tao,pero papaano siya nakakahinga sa ilalim ng dagat, sa loob-loob niya.

"Tama ka! Parang tao lang ako pero ako'y espesyal. Nilikha ako ng Dakilang May Likha nang ganito. Kahit wala akong buntot, kagaya ng sa isda ay kaya kong lumangoy at magtagal sa ilalim ng dagat hanggang gusto ko at nakakahinga ako sa tulong ng mahiwagang perlas na ito na ginawa kong palawit sa aking kuwintas," paliwanag ni Nympha.

"Hmm, nababasa n'yo po ang isip ko?" takang tanong ni Lorena. "Teka paano nyo po kami nailigtas?

"Oo, 'yan ang isa sa kapangyarihan ko," sagot ni Nympha. Isinalaysay n'ya sa batang sirena ang nangyari. Gamit ang kuwintas, inutusan n'ya ang pating na tumingin rito at parang maamong nilalang, sinunod nito ang utos n'ya. "Lorena, putulin muna natin pansamantala ang ating usapan. Kailangan ka ng kaibigan mo."

"Ha, ano pong nangyari kay Pawikana? Saan po siya?" sunud-sunod na tanong ni Lorena.

"Halika, naghihintay siya sa 'yo. Sumunod ka sa akin," sagot ni Nympha.

Pinuntahan ni Lorena ang kinaroroonan ni Pawikana. Nakita niya itong nakahiga sa may puting buhangin, walang malay. "Pawikana, anong nangyari sa 'yo? Gumising ka!" mangiyak-iyak na sabi ni Lorena. "Nympha, ano po bang nangyari sa kaibigan ko?"

"Nakagat ang kanyang kaliwang palikpik ng pating bago ko pa kayo nailigtas. May dalang lason ang kagat ng isang pating kagaya nang nakalaban niyo kanina, kasi ito'y alagad ng isang masamang lamang-dagat," paliwanag ni Nympha. "Kailangan siyang mabigyan ng lunas, kung hindi, maaaring mamamatay siya."

"Ho? K-kaya mo naman po siyang pagalingin, hindi ba? Sige na po," pagmamakaawang sabi ni Lorena.

"Ikinalulungkot ko pero hindi ko kayang gawin ang iyong pakiusap. Wala akong kapangyarihan na pagalingin siya," sagot ni Nympha.

"Kung gano'n po, paano siya gagaling?" tanong ni Lorena.

"Isang nilalang lang sa dagat na ito ang may tanging alam kung paano gagaling ang kaibigan mo," sagot ni Nympha. "Iyan ay si Naruha, isang matandang sirena na may isang mata at biniyayaan ng matinding kaalaman na kahit sinumang lamang-dagat ay hindi kayang pantayan ito. Pero lubhang mapanganib ang daan tungo sa kanyang kaharian."

"Saan po 'yon?" tanong ni Lorena.

"Nakatira siya sa ikaapat na dagat. Pero bago mo marating ang kanyang kaharian ay maraming lamang-dagat ang makakalaban mo. Handa mo bang isakripisyo ang buhay mo alang-alang sa 'yong kaibigan?"

"Opo. Si Pawikana lang ang tanging kaibigan ko kaya handa kong gawin ang lahat para sa kanya," matapang na sabi ni Lorena.

"Kung gayon, maghanda ka. Kailangan mong pumunta ngayon bago pa man sumapit ang kabilugan ng buwan, kapag nangyari iyon, sigurado akong hindi ka na makakabalik pa nang buhay, dahil maraming magsusulputang mga itim na nilalang ang handa kang kainin nang buhay," sabi ni Nympha at biglang hinubad ang kuwintas na may palawit na perlas at ibinigay kay Lorena.

"Bakit niyo po hinubad iyan at ibibigay sa akin? Paano ka na makakahinga sa ilalim ng dagat niyan?" tanong ni Lorena.

"Lorena, minsan sa buhay ay kailangang magsakripisyo alang-alang sa kapakanan ng iba," sagot ni Nympha. "Sige na, humayo ka na at malayo pa ang iyong lalanguyin."

"Opo, salamat po," sabi ni Lorena habang tinanggap ang bigay na kuwintas ni Nympha, isinuot ito at nagsimula nang lumusong sa dagat.

"Kapag nakita mo ang itim na balon, pumasok ka roon. Iyan ang palatandaan na nasa tamang direksyon ka. Ang bulang asul na ito ang gagabay sa iyo tungo sa ikaapat na dagat," pahabol na sabi ni Nympha.

Nagsimula nang maglakbay si Lorena tungo sa ikaapat na dagat. Sa tulong ng bulang asul ay hindi naman siya nabigo na marating ang ikaapat na dagat. At nang sa may bukana na siya ng itim na balon, ay bigla nang naglaho ang bula. Dahil wala na ang gabay na bula, mag-iisa na niyang pasukin ang balon tungo sa kaharian ng matandang sirena.

"Ang dilim-dilim pala rito. Kaya pala ito tinawag na itim na balon dahil sa sobrang dilim," sabi ni Lorena sa kanyang sarili.

Nagsimula nang pasukin ni Lorena ang itim na balon. Dahan-dahan siyang lumangoy at tila inoobserbahan muna ang lugar hanggang sa nagliwanag ang perlas na suot niya at nagsisilbing ilaw ito. Patuloy siya sa paglalangoy hanggang sa makita niya ang papasalubong na kalaban.

"Mga dikya? Ang dami naman nila, at ang lalaki pa," sabi ni Lorena sa kanyang sarili. "Hindi ako magpapasindak, hindi dapat, alang-alang sa aking kaibigan!"

Agad na lumapit ang mga dikya at pinalibutan si Lorena. Ang mga galamay nito na may dalang lason ay agad na pumulupot sa batang sirena, pero biglang naglabas ng likido ang perlas na suot niya na parang lana at agad siyang nagpumiglas hanggang sa makawala sa pagkapulupot. Agad siyang kumilos nang mabilis na mabilis hanggang sa marating niya ang kailaliman ng balon.

"At sinong pangahas ang pumasok sa aking kaharian?" tanong ng dumadagundong na boses na nakakubli sa dilim.

"Ako po 'to si Lorena. Narito po ako dahil sa aking kaibigan. May malubha po siyang karamdaman, at sabi ni Nympha tanging ikaw lang ang may alam kung paano siya gagaling," sagot ni Lorena.

"S-si Nympha, ang tagapangalaga ng islang Luli. Mapalad ka at tinulungan ka niya, batang sirena. Bihira siyang tumulong sa ibang nilalang. Ayaw niya kasing madamay sa hidwaan ng ibang mga nilalang dito sa dagat," sabi ng boses at lumabas mula sa dilim.

"Opo, mapalad nga po ako. Mawalang-galang na po, kayo po ba si Naruha?" tanong ni Lorena na halata pang natatakot nang makita ang ayos ng kausap. Sobrang matanda na nga ang one-eyed na sirena. Nakalugay ang maitim at mahaba nitong buhok, lampas hanggang sa talampakan. Kahit na may katandaan ito, ay hindi maikukubli ang kagandahan nito, sa loob-loob niya.

"Oo, batang sirena," at bahagyang natawa si Naruha sa kainosentehan ng batang sirena. "Ngayon, hindi na ako magtataka kung bakit ka tinulungan ni Nympha, dahil likas kang mabait at magalang. Sige, lumapit ka sa akin at sabihin mo kung ano ang 'yong nais."

"Mayroon po akong kaibigan. Nakagat po siya ng dambuhalang pating, isang alagad ni Lawudra," sabi ni Lorena. "Mayroon po ba kayong gamot para rito?"

"Wala akong gamot para roon. Pero may alam ako kung saan ka makakuha ng lunas na sigurado akong magpapagaling sa iyong kaibigan," sagot ni Naruha. "Pero hindi madali ang pagkuha noon, kailangan mong lakbayin ang ikaanim na dagat at hanapin si Prinsesa Merfara, isang kalahating engkantada, kalahating sirena. Siya ang may hawak na gamot sa mga nalason na dulot ng kagat ng mga masasamang lamang-dagat," sagot ni Naruha.

"Salamat po. Pupuntahan ko po 'yan. Teka po, saan po ang daan tungo sa ikaanim na dagat?" tanong ni Lorena.

"Walang problema r'yan, Lorena. Ang suot mong perlas ang maghatatid sa 'yo sa ikaanim na dagat," sagot ni Naruha. "Sadyang mahiwaga ang perlas na iyan. Marami iyang kakayahan. Kaya nga sobrang sakripisyo ang ginawa ni Nympha nang ibigay sa 'yo iyan. Ngunit, isang beses mo lang p'wedeng gamitin ang kapangyarihang maglaho at dalhin ka sa nais mong puntahan."

"Ho? Paano po?" tanong ulit ni Lorena na may hatid pang kirot sa kanyang puso nang maalala ang sakripisyo ni Nympha dahil sa sinabi ni Naruha.

"Sabihin mo ang mga katagang, perlas, perlas, ibigay ang nais ng pusong wagas at saka mo isipin ang ikaanim na dagat. At sigurado akong, ihahatid ka ng perlas sa nais mong puntahan," sagot ni Naruha. "Sige na, gawin mo na ang sinasabi ko bago mahuli ang lahat."

Ginawa nga ni Lorena ang sinabi ng matandang sirena. Wala pa yatang tatlong segundo ay narating na niya ang ikaanim na dagat. Kung sobrang dilim ng ikaapat na dagat ay siya namang sobrang liwanag ng ikaanim na dagat. Abot- tanaw niya ang kumikislap na palasyo na yari sa krystal.

"B-w-w-a-a-h-h! Sino ka? Bakit ka nandito sa kaharian namin? Siguro espiya ka, ano?" tanong ng dumadagundong na boses.

"Ayyyyyyyy, dragon ka!" gulat na gulat na sabi ni Lorena. Pambihira, may dragon pala rito sa ilalim ng dagat. Kakaiba ang nilalang na ito, may pakpak, kulay asul ang buo nitong katawan at dalawa ang ulo nito, sa loob-loob niya.

"B-w-w-a-a-h-h! Sagutin mo ang tanong ko, kung ayaw mong maging yelo," sabi ng dragon.

"Tama na 'yan, Dracono. H'wag mong sindakin ang batang sirena," sabat ng boses sakay ng isang malaking seahorse na may pakpak. "Sige makakaalis ka na. Iwan mo na kami."

"Masusunod po, prinsesa," mahinang sabi ng dragon.

"Siguro siya na ang prinsesang hinahanap ko," sabi ni Lorena sa kanyang sarili. "Maganda siya at sa tingin ko mas matanda lang siya sa akin ng mga walong taon."

"Ako nga pala si Prinsesa Manara, ang anak ng reyna ng ikaanim na dagat. Halika, pumasok ka sa loob. Alam mo ba, malimit kaming makatanggap ng bisita rito kaya nga sobrang tuwa ko na may nakita akong batang sirena na kagaya mo," sabi ng prinsesa na inalalayan pa si Lorena sa loob ng palasyo. "Ano nga ang pangalan mo?"

"Ako si Lorena. Salamat nga pala at dumating ka kanina. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko nang sindakin ako ng dragon na iyon," sabi ni Lorena habang tinititigan ang kausap dahil sa anyo nitong sirena ngunit may pakpak naman. Hindi pala siya ang hinahanap ko, sa loob-loob niya.

"Hehehe, si Dracono. Palasindak lang 'yon pero mabait 'yon," sabi ni Manara. E, bakit ka pala napunta sa kaharian namin? Anong sadya mo rito?" malumanay na tanong ni Manara.

"Hinahanap ko si Prinsesa Merfara. Sabi kasi ng matandang bulag na sirena na si Naruha, siya raw ang may hawak ng gamot na makapagpapagaling sa aking kaibigan na lubhang nasugatan dahil sa kagat ng pating," sagot ni Lorena.

"Gano'n ba. Sige hintayin lang natin ng sandali ang aking kapatid. Dahil sigurado akong nagliliwaliw na naman 'yon. Maupo ka muna riyan at kumain ka nito," sabi ni Manara at biglang kinumpas ang kamay at lumabas ang pagkain.

"Wow, galing naman!" sabi ni Lorena na namangha sa ginawa ng kausap.

"Salamat," sabi ni Manara na tuwang-tuwa habang pinagmamasdan ang batang sirena na sarap na sarap sa pagkain. "Sige, kain pa."

"Hmmm, sarap naman nito! Ano bang klaseng pagkain ito?" tanong ni Lorena.

"Cookies, ang tawag d'yan," sagot ni Manara. "Gawa 'yan sa mga halamang-dagat."

"May bisita pala tayo, Manara!" sabat ng boses na nakataas pa ang kanang kilay.

"Nandito, ka na pala aking kapatid. Oo, siya si Lorena. Naparito siya sa kaharian natin dahil may pakay siya sa 'yo," sabi ni Manara.

"Sa akin?" pagmamalditang tanong ng boses.

"Lorena, nais kong ipakilala sa 'yo ang aking nag-iisang kapatid, si Prinsesa Merfara," sabi ni Manara.

"Ikinagagalak kong makilala ka, Prinsesa Merfara," buong giliw na bati ni Lorena sabay abot ng kamay kay Merfara.

"Whatever!" pagmamaldita pa ring sabi ni Merfara. "Ano naman ang kailangan mo sa akin?"

"Kailangan ko ang tulong mo. Sabi kasi sa akin ng matandang bulag na sirena na si Naruha, ay may gamot ka raw na makapagpapagaling sa kaibigan kong nakagat ng pating," sagot ni Lorena.

"O, e, ano ngayon? Sa tingin mo ba ay ibibigay ko na lang ito sa iyo nang basta-basta. Ano ka, sinus'werte?" sabi ni Merfara.

"Merfara, ayusin mo ang pananalita mo! Bisita natin siya. Magsalita ka nang may paggalang. Hindi mabuting tingnan sa isang prinsesa ang asal na ipinapakita mo," sabi ni Manara.

"Whatever! O, sige, kung sakali mang bigyan kita ng gamot ay ano naman ang kaya mong ibigay sa akin bilang kapalit nito?" tanong ni Merfara na tinititigan si Lorena mula ulo hanggang buntot hanggang sa mapatingin ito sa kuwintas na suot ng batang sirena.

"Ah, e-e-eh," pautal-utal na sagot ni Lorena.

"Gusto ko iyang kuwintas mo. Kung ibibigay mo 'yan sa akin ay ibibigay ko rin sa iyo ang gamot na hinihingi mo," sabi ni Merfara.

"O, sige, ibibigay ko sa 'yo 'to alang-alang sa aking kaibigan," sabi ni Lorena habang hinuhubad ang kuwintas na suot at inabot kay Merfara.

"Madali ka pa lang kausap eh," sabi ni Merfara at masayang tinanggap ang kuwintas na agad naman niyang sinuot ito. "Bagay na bagay sa akin, hahaha!"

"Hay, naku, Merfara. Hindi ka pa rin nagbabago hanggang ngayon. Hindi ka magbibigay nang walang kapalit," pailing-iling na sabi ni Manara.

"Prinsesa Merfara, ang gamot, nasaan na?" tanong ni Lorena.

"H'wag kang mag-alala, batang sirena. Marunong akong tumupad sa ating usapan," sagot ni Merfara. "Kailangan mo muna akong talunin sa isang paligsahan bago ko ibibigay sa iyo ang gamot na kailangan mo."

"Anong paligsahan naman 'yan? Bago lang ako rito sa mundo n'yo, wala akong kaalam-alam."

"Ang panghuhuli ng mga gintong tutubi." Ipinakita ng kanyang mahiwagang salamin ang itsura ng insekto na kanilang huhulihin. "Bawat tutubi ay may kaukulang puntos. Ang maliit ay may bente puntos, ang mas maliit ay singk'wenta puntos at ang pinakamaliit na tutubi ay may isang daang puntos. Kung sinuman sa atin ang makahuli ng pinakamaliit na tutubi ay s'yang panalo. Maliwanag bubuwit na sirena?"

"Maliwanang naman. E, paano ko naman mahuhuli ang mga tutubing 'yan e hindi ako nakalilipad?"

"Hindi ko na problema iyan." Nakaismid pa niyang sabi habang nakapameywang.

"Lorena!" wika ni Manara. Tumingin ang batang sirena sa isang engkanrina. Lumapit ito sa kanya at may ibinulong. Napangiti ang sirena. Nagulat na lang si Lorena na may tumubong pakpak sa kanyang likod at dahan-dahan s'yang inaangat sa ere.

"Oh my gosh, you have eaten the magic cookies. Well, I've expected that from my kind sister," pa-Ingles pang sabi ni Merfara. "O, ano pa ang hinihintay natin, tayo na sa arena at nang masimulan ang labanan." Tinawag n'ya ang isang engkanrina para utusan na tawagin ang lahat ng mga nasasakupan para saksihan ang kanilang paligsahan.

Tinungo na nila ang arena at nakita ni Lorena kung gaano kalawak ang lugar na pagdadausan ng kanilang paligsahan. Naroon na din ang maraming engkanrina na nakapuwesto sa iba't ibang bahagi nito. Hiyawan ang buong sangengkanrinahan nang makita ang dalawang prinsesa at si Lorena patungo sa gitna ng arena.

"Ngayon masaksihan natin ang isang natatanging paligsahan ng dalawang magkatunggali, ang ating pinakamamahal na prinsesa at ang dayuhan," sabi ng isang engkanrina na may hawak na magic wand at ginawang mikropono ito. Sino kaya ang magwawagi sa kanilang dalawa?"

Hiyawan na naman ang mga engkanrina. Pangalan ni Prinsesa Merfara ang sinisigaw. Samantalang, pinakalma naman ni Prinsesa Manara ang batang sirena.

"Gamitin mo ang talas ng iyong pakiramdam at isip. Kahit mailap ang mga gintong tutubi, may mga damdamin din yan. Gamitin mo ang kabutihan ng iyong puso at siguradong magwawagi ka sa paligsahang ito. Hangad ko ang iyong tagumpay." Kinindatan n'ya ang batang sirena.

"Maraming salamat, Prinsesa Manara," ginantihan n'ya ng ngiti ang ginawang suporta ng bagong kaibigan.

Nakapuwesto si Lorena sa kanang bahagi ng emcee samantala sa kaliwa naman si Merfara.

"Maghanda.na kayong dalawa. Pakawalan ang mga gintong tutubi." Ginawa naman ng isang engkanrina ang utos niya. "Sa hudyat ko ay magsisimula kayong lumipad para hulihin ang mga insektong iyan. Isa, dalawa, tatlo. Lipad!"

Agad na kumilos ang dalawa. Mas mabilis s'yempre lumipad si Prinsesa Merfara. Agad na sinundan ang direksyon ng pinakamaliit na tutubi pero sadyang mailap ito. Samantala, walang kahirap-hirap na lumipad si Lorena. Sinubukan n'yang hulihin ang maliit na tutubi kaso mabilis itong lumipad. Lipad rito, lipad doon ang ginawa ng dalawa hanggang sa mahuli ni Merfara ang mas maliit na tutubi. Hiyawan ang mga nanonood.

"Limampung puntos para kay Prinsesa Merfara."

Dinoble ni Merfara ang bilis sa paglipad. Balak n'yang tapusin na ang laban sa pamamagitan nang paghuli sa pinakamaliit na tutubi. Sinundan n'ya ito pero hindi nagpapahuli ang insekto. Inis na inis na s'ya sa pagsunod dito. Habang sinusundan ng engkanrina ang kanyang balak ay nagdasal naman si Lorena na sanay mahuli n'ya ang isang tutubi. Tumigil s'ya sa paglipad at taimtim na nanalangin. Wala s'yang panama sa bilis sa paglipad ni Merfara. Nakasanayan na ito ng engkanrina samantala, baguhan lang siya. Pero mayroong bagay siya, na wala si Merfara. Iyon ay ang kanyang pananampalataya sa Dakilang May Likha. Pagkatapos n'yang gawin iyon ay nakita n'ya sa kanyang harapan ang maliit na tutubi at tila ngumingiti ito. Lumipad ito sa itaas ng bahagi ng arena at sinundan n'ya ito. Hindi naman s'ya nabigo nahuli n'ya ang maliit na tutubi.

"Bente puntos sa batang sirena." Pumapalakpak si Prinsesa Manara. Tiningnan n'ya ang mga engkanrina. Nakita n'ya ang mga ito na walang reaksyon sa mukha. Abalang-abala sa kanilang hawak na salamin at kunwaring naglalaro doon. Napailing na lang ang prinsesa. "Isang tutubi na lang ang natira. Kung sinuman ang makahuli n'yan ay tapos na ang laban."

Nakita ni Lorena na may kumikinang sa gawing itaas ng arena at pinuntahan n'ya ito. Nakasunod naman sa kanya si Merfara. Matagal na habulan sa ere ang ginawa ng dalawa para hulihin ang pakay pero sadyang napakailap nito. Hanggang sa bumulong si Lorena, "Kaibigang tutubi, nagsusumamo ako sa iyo. Magpahuli ka na sa akin alang-alang sa aking kaibigan." Tila narinig ng pinakamaliit na tutubi ang kanyang bulong at lumapit ito sa kanya. Sinalubong s'ya ni Lorena at mahawakan na sana n'ya ang tutubi kung hindi lang nawalan ng puwersa ang kanyang mga pakpak at padausdos siyang bumaba. Nagtataka ang mga naroon pati na si Prinsesa Manara. Nakita n'ya sa gawing kanan n'ya ang malapit na kaibigan ni Merfara na tila may ibinubulong sa hangin. Kinontra ni Manara ang orasyon at nanumbalik ang lakas ng mga pakpak ni Lorena. Samantala, muntik nang mahuli ni Merfara ang tutubi pero umiwas ito at lumipad nang mabilis nang mapansin nito na nahulog si Lorena. Nang makita ng tutubi na nakabalik na sa paglipad si Lorena, sinalubong n'ya ito. Kitang kita ng mga nanonood ang ginawa ng insekto. Nagtataka sila sa reaksyon nito. Papalapit na sila sa isa't isa at akmang huhulihin na ito ni Lorena nang binunggo s'ya ni Merfara at agad nahawakan ang pinakamaliit na tutubi. Nagpupumiglas pa ito na tila ayaw magpahuli sa prinsesa.

"Wala ka nang kawala sa akin ngayon. Ako ang nagwagi." Hiyawan ang buong sangengkanrinahan.

"At ang nagwagi sa paligsahang ito ay walang iba kundi si…Prinsesa Merfara."

Tuwang-tuwa si Merfara sa pagkadeklarang panalo s'ya. Nalungkot naman si Lorena sa pagkatalo n'ya. Nagulat ang lahat nang nagsisigaw si Merfara sa sakit na nararamdaman kanyang kamay kung saan hawak-hawak n'ya ang tutubi. Tinutusok pala nito ang kanyang mga daliri. Nabitawan niya ito. Lumapit ito kay Lorena at dumapo sa kanyang palad. Biglang nagliwanag ang gintong tutubi at nasaksihan ng lahat ang pagbabagong anyo nito bilang isang napakaguwapo at napakakisig na engkanrino. Nang makilala nila kung sino iyon ay agad na natahimik at napayuko ang lahat bilang pagbigay pugay. Yumuko rin si Lorena. Sandaling katahimikan ang namayani sa buong arena.

"Ang tunay na nagwagi ay ang batang sirena. Ang sukatan ng tunay na bilis, liksi, lakas at kapangyarihan ay nanggagaling sa busilak na kalooban. Iyan ang taglay ng batang sirena. Maliban na lang kung magiging busilak ang inyong kalooban at kapakanan ng kapwa ang inyong iniisip kagaya niya, hindi kayo maliligtas sa itinakdang dilubyo," sabi ng sinaunang prinsipe ng sangengkanrinahan. "Merfara, ibigay sa bata ang kanyang hiling."

Biglang kinumpas ni Merfara ang kanyang magic wand at lumabas ang isang kabibe at inabot kay Lorena. "Sa loob ng kabibeng iyan ang gamot. Ibuhos mo ang likido na nasa loob ng kabibeng iyan sa bahagi ng katawan ng kaibigan mo kung saan siya kinagat," mahinahong sabi ni Merfara.

"Maraming salamat Merfara," sabi ni Lorena. "Maraming salamat din, mahal na prinsipe. Ngumiti ang sinaunang prinsipe bilang tugon. Agad naman itong naglaho na parang bula. Tahimik pa rin ang paligid at isa-isang nagsipag-alisan ang mga engkanrina at engkanrino.

"Ayan may gamot ka na, Lorena," masayang sabi ni Manara.

"Oo, gagaling na rin ang kaibigan ko. Maraming salamat sa iyo, Manara," sabi ni Lorena pero biglang nalungkot nang maisip na wala na sa kanya ang perlas na siyang magpapadali sa kanyang pag-uwi.

"Walang anuman. O, bakit tila malungkot ka?" tanong ni Manara.

"Wala na kasi sa akin ang kuwintas na siyang makakatulong sa akin para makabalik ako nang mabilis sa isla kung saan naroon ang aking kaibigan," sagot ni Lorena.

"Iyon lang ba. Walang problema, may solusyon ako riyan. Sa tulong ng aking alaga ay ihahatid ka niya sa lugar kung saan ang iyong kaibigan," sabi ni Manara at sumipol ito, at lumabas ang isang seahorse na may pakpak na siyang sinakyan niya kanina nang una silang nagkita ni Lorena.

"Wow, ito ba ang sasakyan ko? Kay ganda!" sabi ni Lorena na manghang-mangha pa sa nakikita niyang kakaibang seahorse.

"Siya si Sihara, ang pinakamabilis na seahorse sa larangan ng paglipad," sabi ni Manara. "Sihara, isakay mo si Lorena at ihatid siya sa lugar kung nasaan ang kanyang kaibigan," dagdag nito habang hinihimas-himas pa ang ulo ng kanyang alaga.

"Salamat, Manara. Kaibigang Sihara, pakihatid mo ako sa islang Luli. Naroon ang aking kaibigan," sabi ni Lorena.

"Oo, batang sirena. Sumakay ka na at kumapit kang mabuti dahil bibilisan ko ang aking kilos para makarating tayo agad sa pupuntahan mo," sabi ng seahorse.

Agad na sumakay sa likod ng seahorse si Lorena. Lumipad ito nang mabilis habang sila'y nasa ere. Kung noon ay abot tanaw lang niya ang ulap noong siya ay tao pa, ngayon ay nakikita niya na ito nang malapitan. Habang inililipad siya ng seahorse ay masaya niyang pinagmamasdan ang dagat hanggang sa may nakita s'yang nilalang sa nadaanang isla.

"Pakibaba mo nga ako, Sihara."

"Bakit nandito na ba tayo sa Luli?

"Hindi. Parang may nakita akong isang nilalang na nangangailangan ng ating tulong. Kilos na kaibigan." Sinunod ni Sihara ang hiling ni Lorena.

"Tulungan mo ako batang sirena. Maawa ka sa akin." pakiusap ng matandang sirena.

"Ano po ang nangyari sa inyo at may mga sugat kayo? Sino po ang gumawa nito sa inyo?"

"Kinagat ako ng pating habang ako'y pumipitas ng mga halaman at prutas sa ilalim ng dagat. Sinubukan kong gamutin ang aking sarili gamit ang mga katas ng halaman ngunit hindi gumagaling ang mga ito. Kung may maraming perlas lang sana ako, makakabili ako ng gamot sa Lumbanya. Mahirap lang ang isang katulad ko. Araaaay, kumikirot ang mga sugat ko."

Nakita ni Lorena na namimilipit ang matanda sa sakit at awang-awa siya rito kaya nagpasya siyang ibigay ang gamot na hawak n'ya sa matanda. "Ganoon po ba. Tamang-tama ho may dala po akong gamot dito baka makatulong ito sa inyo." Pinigilan s'ya ni Sihara pero inabot 'nya sa matanda ang kabibeng may likido.

Nakita nilang binuhusan ng matanda ang kanyang mga sugat ng likido mula sa kabibe at unti-unti itong gumagaling. Ilang saglit lang ay nawala na ang mga sugat.

"Maraming salamat sa iyo batang sirena. Tunay ngang napakamatulungin mo." Habang tumatayo ang matandang sirena gamit ang buntot na may bumabalot na mahiwagang tubig, ay unti-unti itong nagbabagong-anyo bilang isang napakagandang babae na may mahabang buhok abot sa kanyang talampakan, may suot na korona na punung-puno ng perlas, kasimputi ng buhangin ang kanyang damit at nagliliwanag ang kanyang buong katawan."

Natulala si Sihara sa kanyang nakita, biglang yumuko at nagwika, "Mahabaging Neptuna."

"Maligayang pagdating sa daigdig ng mga lamang dagat, Lorena. Ikinagagalak ko ang iyong pagbabalik sa lugar kung saan ka nabibilang."

"Hmmm, sino po kayo?"

"Ako si Neptuna, ang D'yosa ng pitong dagat. Ako ang may likha ng karagatan at nang nakita mong mga nilalang."

"Ang ibig mong sabihin, ikaw ang may likha sa aking ina at sa akin?"

Tumango ang d'yosa. "Ang pinagmulan ng buhay. Ang simula at wakas."

Hindi makapaniwala si Lorena na nakaharap n'ya ang Dakilang May Likha.

"Mahal na D'yosa. P'wede n'yo bang tulungan ang kaibigan ko na gumaling kasi nakagat rin s'ya ng pating?"

Tumango ang d'yosa at inabot kay Lorena ang kabibe. Lumipad ito sa ere at nagwika, "Hanggang sa muli nating pagkikita batang sirena." At bigla itong naglaho.

"Hindi ko sukat akalain na makakaharap natin ang d'yosa. Hindi basta-bastang nagpapakita ang Mahabaging Neptuna. Tunay ka ngang pinagpala, Lorena."

"Bakit hindi s'ya nagpapakita sa iba, Sihara?" Habang nagsasalita, nagliliwanag ang kaliwang kamay ni Lorena at nagkaroon ng marking hugis tatsulok.

"Hindi ko alam Lorena ang sagot sa tanong mo. Teka, ano yang nagliliwanag sa kamay mo?"

"Aba ewan ko, kaibigan. Bigla na lang itong nagliwanag."

"Patingin nga." Tiningnan ni Sihara ang kanyang palad at nagulat ito nang makita ang marka.

"Hugis tatsulok ang marka. Ngayon lang ako nakita sa buong buhay ko. Hindi ko alam ang bagay na ito."

"Hayaan mo na. Ang mahalaga ngayon ay may gamot na tayo sa kaibigan ko."

"Oo nga. Sumakay ka na sa akin. Magmadali ka bago mahuli ang lahat." Lumipad na si Sihara at itinuro ni Lorena ang direksyon ng islang Luli. Ngunit isang malaking ibon ang nakapukaw ng pansin nito. Lumipad ang ibon na may sari-saring kulay at may napakahabang buntot at sinundan ito niya ito.

"Sihara, hindi iyan ang papuntang Luli."

Hindi sinagot ni Sihara si Lorena at patuloy lang ito sa pagsunod sa ibon. Nakita ni Lorena ang napakagandang ibon. Kahit man siya ay nahahalina rito pero nangingibabaw parin sa kanya ang kagustuhang makabalik sa isla para makitang muli ang kaibigang pawikan.

"Sihara, ano ba ang nangyayari sa 'yo at sinusundan mo yan?"

Hindi parin sumagot si Sihara hanggang sa pumasok ang ibon sa lagusan at ganoon rin sila. Isang kakaibang daigdig na naman ang nakita ni Lorena. Tatlong bundok ang nakapalibot sa isang malawak na lawa. Sa gitna nito ay may isang kumikislap na puno. Nakita n'yang sinalubong ang isang ibon ng maraming kauri n'ya. Tumilaok ito at biglang nagbalik si Sihara kanyang katinuan. Nang dumapo ang ibon, isa-isang natanggal ang mga dahon sa puno at naging maliliit na mga nilalang na lumilipad. Napakagandang tanawin ang nakita nila.

"Ang Sarimanoka," wika ni Sihara. "Ang maalamat na ibon."

"Maligayang pagdating sa inyo," ang sabi ng isang ibon. Nagbago ang anyo ng ibon at ng mga kauri nito, sa isang liwanag lang, naging ganap na mga magagandang babae ito.

"Wow, ang gaganda n'yo naman." Buong paghangang sambit ng batang sirena.

"Bakit ako inakit ng sarimanoka? Ang mga titig niya ay kahali-halina at ako'y napasunod sa kanya."

Kinausap ng sarimanoka ang mga babaeng ibon sa wikang sila lang ang nakakaunawa. Nakita nilang nagulat ang mga ito sa sinabi ng ibon.

"Ipagpaumanhin mo nilalang ang pang-aakit na ginawa ng aming reyna. Ngunit kailangan n'ya ang tulong ng batang sirena na iyan," wika ng isang babaeng ibon. "Ako nga pala si Ibona, ang kanang kamay ng reyna."

"Ako si Sihara."

"Ako naman si Lorena."

"Ikinagagalak naming na kayo'y makilala." Tango lang ang tugon ng magkaibigan.

"Anong kailangan ng inyong reyna sa kaibigan kong sirena?"

Hindi sumagot ang babaeng ibon at isa-isang tinuon ang kanilang hintuturo sa puno at naging isa itong malaking palasyo. Lumipad ang sarimanoka at sumunod naman ang lahat. Dumapo ito sa isang trono.

"Isinumpa ang aming reyna ng kanyang kakambal na mangkukulam. At ayon sa tatlong bulag na ermitanyo, tanging ang isang nilalang na may markang hugis tatsulok sa kanyang palad ang makapagpapagaling sa reyna."

"At paano kayong nakakasiguro na ang kaibigan ko ang sagot sa inyong problema?"

"Ayon sa aming reyna, nakita n'yang nagliwanag ang kamay ng bata. Kahit malayo ang aming reyna sa inyo, may natitira parin siyang kapangyarihan. Makapangyarihan ang kanyang mga mata at nakita niya ang markang tatsulok sa palad ng bata. Pakiusap, gamutin mo ang aming reyna."

"Ano po ba ang gagawin ko?" tanong ni Lorena.

Pinalapit ng sarimanoka ang kanyang kanang kamay at may sinasabi.

"Lumapit ka batang sirena. Ilagay mo ang iyong kaliwang kamay sa ulo ng aming reyna."

"Madali lang naman pala," sabat ni Sihara.

"Oo at gagawin ko po." Lumapit si Lorena at nilagay ang kamay sa ulo ng reyna. Nagliwanag ito at unti-unting nagbabago ang anyo at naging isang babae. Napakagandang babae at sa kauna-unahang pagkakataon ay nagwika ito.

"Maraming salamat batang sirena at naalis ang sumpa."

"Walang pong anuman."

"Napakamatulungin mo. Hindi nga ako nagkamali na tutulungan mo ako kagaya ng ginawa mo sa isang matandang sirena sa isang isla. At dahil diyan, gagantimpalaan kita."

"H'wag na po. Hindi po ako humihingi ng kapalit sa pagtulong ko sa inyo. Ang hiling ko lang ngayon ay makabalik na kami sa islang Luli para mabigyang lunas ang sugat ng kaibigan ko."

"Walang problema riyan. Tutulungan kita. Pero gagantimpalaan pa rin kita. Ibibigay ko sa 'yo ang hiyas ng tubig. Makapangyarihan ito. Kaya mong magtagal sa tuyong lugar na hindi nanghihina dahil babalutin ang iyong buntot ng tubig-alat. Makakaya mo rin na maglakad at tumayo. Marami pa 'iyang kapangyarihan at malalaman mo iyan sa oras ng kagipitan." Lumabas sa noo ng reyna ang kumikinang na hiyas.

""Hiyas ng tubig, sinasamo kita na gumawa ng panangga sa palasyong ito para hindi makapasok ang mga masasamang elemento, pagkatapos, lumipat ka sa batang sirena at pagsisilbihan siya gaya ng ginawa mo sa akin." Nasaksihan ng lahat ang pagsunod ng hiyas sa utos ng reyna. Bago lumipat sa noo ni Lorena, nagliwanag ito at ang liwanag nito ay bumabalot sa buong palasyo.

"Maraming salamat mahal na reyna."

"Walang anuman, Lorena," wika ng reyna at pagkatapos gumawa ng lagusan. "Pumasok na kayo sa lagusan na iyan nang sa gayon ay marating na ninyo ang islang Luli."

Ginawa ng magkaibigan ang sinabi ng reyna. Bago tuluyang pumasok, nagpaalam mo na sila sa mga babaeng ibon. "Paalam sa inyo." At tuluyan na silang pumasok sa lagusan. Para silang hinigop at sa ilang saglit lang narating nila ang isla.


Load failed, please RETRY

Wöchentlicher Energiestatus

Rank -- Power- Rangliste
Stone -- Power- Stein

Stapelfreischaltung von Kapiteln

Inhaltsverzeichnis

Anzeigeoptionen

Hintergrund

Schriftart

Größe

Kapitel-Kommentare

Schreiben Sie eine Rezension Lese-Status: C4
Fehler beim Posten. Bitte versuchen Sie es erneut
  • Qualität des Schreibens
  • Veröffentlichungsstabilität
  • Geschichtenentwicklung
  • Charakter-Design
  • Welthintergrund

Die Gesamtpunktzahl 0.0

Rezension erfolgreich gepostet! Lesen Sie mehr Rezensionen
Stimmen Sie mit Powerstein ab
Rank NR.-- Macht-Rangliste
Stone -- Power-Stein
Unangemessene Inhalte melden
error Tipp

Missbrauch melden

Kommentare zu Absätzen

Einloggen