Nakahinga nang maluwang si Flora Amor nang kina Dix at Lemuel mismo manggaling ang balitang pumirma lahat ng sampung kliyente nila sa kontrata pagkakita sa bagong catalogue ng FOL Builders Inc.
Subalit dalawang araw lang ang lumipas, may bago na namang kinakaharap na problema ang kompanya.
Nagsumbong na naman si Lemuel sa kanyang iginigiit ng mga shareholders ang papalapit na deadline na ibinigay ng mga ito kay Dixal. 'Pag di raw nagising ang huli, mapipilitan ang mga itong pumili ng bagong CEO ng kompanya at ang ibinabandilang pangalan ng halos lahat ay si Donald Randall.
"Flor, baka hindi ako makabalik nang maaga ngayon ha? Masakit kasi ang ulo ko. Kailangan ko munang uminom ng pills para makatulog nang mahaba-haba," paalam ng kanyang byenan nang umagang 'yon bago ito umalis.
"Sige po, Ma. Ako na po ang bahala dito. Bukas na lang po kayo magpunta. Magpahinga muna kayo," sagot niya habang inaayos ang kumot ng asawa saka humarap dito.
"Pag may problema tawag ka agad sa'kin ha?" paalala nito.
"Okay po."
Nakipagbeso-beso muna ito sa kanya at pinisil pa nang marahan ang kanyang braso.
"Wag ka ring magpapabaya sa sarili mo. Isipin mong may anak ka."
Tumango lang siya pero 'di ipinahalatang may nararamdaman din siya.
Kahapon lang, 'di siya makabangon agad no'ng umaga. Sobrang sama ng kanyang pakiramdam. Subalit nang dumating ito, pinilit niya ang sariling bumangon kahit sa paningin niya, umiikot ang buong kapaligiran.
Ayaw niyang isipin nitong isa pa siyang pabigat. Hangga't maaari, kailangan niyang ipakitang malakas siya para mahawa ito't maging malakas din. Kaso gan'to naman ang nangyari ngayon, parehas silang may nararamdaman sa katawan.
Nakaalis na ito nang nanghihina siyang napaupo sa gilid ng kama at nasapo ang noo.
Subalit agad din siyang tumayo nang bumukas uli ang pinto at dumungaw ito mula roon.
"May ipabibili ka ba, anak?" tanong nito.
Napangiti siya sa tinawag nito sa kanya. Pakiramdam niya gumaan bigla ang kanyang pakiramdam.
Hindi na siya nagpaliguy-ligoy pa.
"Indian Mango na lang po tsaka alamang, Ma. Tsaka po pinya, 'yong madaming asin," sagot niya.
Tumango naman ito, tuluyang lumabas ng kwarto.
Gusto sana niyang habulin ang byenan at sabihing ipahatid na lang dito ang mga pinabibili niya pero nagpigil na uli siya.
Subalit di rin siya nakatiis lalo nang maalalang bukas pa pala ito babalik.
Tinawagan niya ito sa phone.
"Ma, ipahatid niyo na lang po sa driver 'yong mga pinabibili ko," bilin niya.
"Ah, sige. Dadaan kami agad sa palengke. Bibili akong kalahating kilo."
"Gawin niyo nang isang kilo, Ma. Tsaka wag 'yong maniba, ha? 'Yong hilaw pa para masarap."
"Aba'y mas masarap ang maniba," salungat nito.
"Ayuko po no'n, Ma. Mas gusto ko 'yong maasim pa. Masarap 'yon sa alamang," giit niya.
Hindi na ito nakatanggi.
"O, sige. Isang kilong mangga tsaka alamang. Dami naman atang isang kilo. Baka sumakit na ang t'yan mo niyan."
"Limang piraso lang po ata 'yon, Ma. Gawin niyo na kayang dalawang kilo," hirit na uli niya.
"O sige, sige, dalawang kilo," pagpayag nito ngunit sandaling natigilan.
"Dalawang kilo?! Ikaw lang ba ang kakain? Andami naman ata?"
"Mas maganda na po 'yong marami para 'di kayo bili nang bili," an'ya, agad nang nagba-bye sa byenan nang hindi na ito magtanong pa.
Ayun na naman, ang sama talaga ng pakiramdam niya.
Nanghihina siyang naupo uli sa gilid ng kama ni Dixal at hinimas ang kamay nito.
"Dixal, gumising ka na. Parang 'di ko na kayang magtagal rito. Ang sama lagi ng pakiramdam ko lalo 'pag umaga. Dixal, gumising ka na, please. Nasusuka na ako sa amoy ng ospital. Parang 'di na ako makatagal dito," pagsusumamo niya sa lalaki, para bang gising lang ito at normal niyang kinakausap
Nahiga siya sa tabi nito, pilit pinagkasya ang katawan sa kunting espasyo, saka ito niyakap.
Dalawang linggo na sila sa ospital, lampas na yatang dalawang linggo. Kung magtatagal pa sila rito, baka siya naman ang bumigay lalo na't ganitong lagi siyang nahihilo.
Pinagmasdan niya ang mukha ng asawa. Tila isa itong paslit na mahimbing na natutulog, walang iniisip na kahit ano, panatag ang kalooban. Seguro nga'y makabubuti para ritong matulog muna nang lalo pa itong lumakas.
Napapapikit na siya nang biglang tumunog ang knyang smartphone.
Ayaw niya sana iyong sagutin pero baka mahalagang tawag naman kaya't napilitan siyang tumayo at dinampot sa ibabaw ng sofa ang phone.
"Madam, wala pa bang senyales na magigising si Dixal?" tanong agad ni Lemuel.
"Wala pa. Bakit?" maang pa niyang tanong.
"Ito ang araw na sinasabi ko sa'yo. Nasa loob na ang lahat ng mga shareholders, board of directors at mga managers. Kaya't nagmamadali na ring nagpunta do'n si Dix para kausapin ang mga empleyado. Tanging kayo na lang ni Dixal at si Donald Randall ang wala rito," pagbabalita ng lalaki.
Tumaas agad ang kanyang dugo sa narinig.
"Wala silang mga utang na loob kay Dixal. Kung kelan kailangan ang kanilang pang-unawa, saka naman nila tayo ginigipit!" Kung marunong lang siyang magmura marahil kanina pa siya panay mura sa galit.
"Ano'ng gagawin natin, madam?" natutuliro na ring tanong ni Lemuel.
"Magpunta ka na rin do'n, sabihin mo kay Dix, sabihin sa lahat na maghintay sila ng dalawang oras. 'Pag 'di pa rin dumating si Dixal, magbotohan sila kung sino ang ipapalit na CEO pero mananatiling si Dixal ang chairman ng kompanya," aburidong utos niya rito.
"Pero madam, tagilid tayo d'yan. Alam mo namang si Donald Randall ang isinisigaw nilang pangalan na papalit bilang CEO ng kompanya," sagot nito.
"Di ba't kasali naman sa boboto ang mga board of directors. Imposibleng lahat ng and'yan eh sang-ayon sa gusto ng mga shareholders," katwiran niya.
Hindi na ito nagsalita.
"Tandaan mo, dalawang oras. Maghintay sila ng dalawang oras," pag-uulit niya bago pinatay ang tawag.
Subalit siya rin ang natuliro nang mag-absorb sa isip ang sariling sinabi.
Dalawang oras. Pa'no kung 'di pa magising si Dixal after ng dalawang oras. Bakit niya ba nasabi 'yon?
Nanlalamig ang mga kamay na lumapit siya sa lalaki at hinawakan ang kamay nito.
"Dixal, narinig mo ang sinabi ko, 'di ba? Pinigpipilitan nilang palitan ka bilang CEO at chairman ng sarili mong kompanya. Walang magawa sina Lemuel at Dix para pigilan sila. Hindi ko na alam ang gagawin ko kaya nasabi kong dalawang oras silang maghintay at 'pag 'di ka pa rin dumating ng dalawang oras, saka sila magbotohan para pumili ng ipapalit sa'yo," mangiyak-ngiyak niyang paliwanag sa natutulog na asawa.
Lalo ata siyang nanghina nang mga oras na 'yon. Hindi siya papayag na mapunta lang sa iba ang kompanyang pinaghirapang palaguin ng asawa. Pero wala na siyang maisip gawin ngayon kundi humingi lang ng dalawang oras na palugit.
Biglang pumatak ang isang butil ng luha sa kanyang mata kasabay ng pagtunog uli ng kanyang phone na ngayo'y nasa ibabaw na ng kama ng asawa. Dinampot niya agad 'yon.
"Flor, may parating na lalaking nagkunwaring nurse. Ii-inject niya sa IV fluid ang laman ng hawak niyang syringe," boses ni Ricky ang nasa kabilang linya. Mabilis itong magsalita na halos hindi niya makuha ang sinasabi nito.
"Ano? Ano'ng nagkunwaring nurse? 'Asan ka? Bakit 'di mo dakpin kung alam mong nagkukunwari lang 'yon. Sa oras na may mangyari kay Dixal, hindi kita mapapatawad!" hiyaw niya sa lalaki.
Nagulat ito sa naging asal niya.
" F-Flor--naaalala mo na ba ang nangyari?" paniniyak nito.
"Gusto kong kalimutan na ang ginawa mo kay mama, pero sa oras na mapahamak si Dixal sa kapabayaan mo, kamumuhian kita, tandaan mo yan!" matigas niyang sambit sa lalaki.
Napabuntunghininga ito.
"Flor, makinig ka sa'kin. Kalimutan mo muna ang galit mo. Kailangan mong iligtas si Dixal. Pero 'wag mong ipapahalata sa lalaking 'yo na alam mong masama ang balak niya. Utos 'yon ni Donald Randall sa lalaki at kahit alam ko 'yon, wala akong magagawa para pigilan siya dahil ito lang ang paraan para mapatunayan kong si Donald Randall nga ang dahilan kung bakit namatay ang papa mo. For once, magtiwala ka sa'kin ngayon. Ginagawa ko 'to para sa'yo," mahaba nitong paliwanag.
"Nasisiraan ka ba ng bait? Bakit kailangan mong isugal ang buhay ng asawa ko para lang----" muli niyang hiyaw.
"Flor! Flor! Makinig ka!" sigaw nito na mula nang makilala niya'y ngayon lang siya pinagtaasan ng boses.
"Ginagawa ko 'to para sa inyo ni Dixal. Magtiwala ka sakin. Nakapasok na siya sa elevator, papunta na d'yan. Gawan mo ng paraan para hindi makapasok sa katawan ni Dixal ang gamot. Pero 'wag mong ipapahalata sa lalaking alam mo ang gagawin niya. Magkunwari kang walang alam!" mariing utos nito sa kanya bago pinatay ang tawag.
Nanginginig ang mga kamay na napatitig siya kay Dixal at naibagsak sa ibabaw ng kama nito ang hawak niyang smartphone.
"Ano'ng gagawin ko, Dixal?" nanginginig ang boses na tanong niya sa lalaki nang biglang sumagi sa isip niya ang nakangiti nitong mukha na wari bang sinasabi nitong kaya niya 'yon.
"Amor..."
Nagulat siya sa narinig, napatitig sa mukha ng lalaki. Wala pa ring pagbabago sa mukha nito. Ni 'di niya nakitang gumalaw ang mga labi.
Pero bakit narinig niya ang boses ng asawa?
Ewan pero parang biglang gumaan ang kanyang pakiramdam.
Huminga siya nang malalim. Isip-isip kung anong gagawin, nang biglang may naisip na paraan.
Kinuha niya sa kabinet ang isa nitong damit panghosiptal at inilagay sa ilalim ng kamay nito kung saan nakalagay ang karayum na pinagkabitan ng maliit na tubo papunta sa IV fluid.
Dali-dali niyang tinanggal ang karayum sa kamay ng lalak at ibinalot sa damit na nasa ilalim ng kmay nito saka niya inayos ang pagkakataob ng kamay ni Dixal para 'di mahalatang natanggal na roon ang karayom at tinakpan 'yon ng kumot.
Nakahinga siya nang maluwang saka mabilis na hinila ang isang silya sa malapit at nagmamadaling umupo.
Isinubsob niya agad sa ibabaw ng kama ang mukha at nagkunwaring tulog saka niya hinawakan ang nakakumot nitong kamay para malaman niya kung gagalawin ba ng lalaki ang kamay ni Dixal.
Nasa gano'n siyang kalagayan nang biglang bumukas ang pinto at naramdaman niyang pumasok nga ang lalaki sa loob.
Dinig niya ang mahinang apak ng sapatos nito, nag-iingat segurong 'wag siyang magising.
Kinakabahan siya habang pinakikiramdaman ang pumasok.
Ilang minuto itong tumayo sa kinaroroonan ng IV fluid nang maramdaman niyang hinihila nito ang kumot na inilagay niya sa kamay ng asawa, saka na siya nag-angat ng ulo at bumaling rito na tila kagagaling lang sa masarap na pagkakatulog.
"Nurse, kayo po pala 'yan," naghihikab niyang sambit saka tumayo.
"Bibigyan niyo na po ba siya ng gamot?" painosente niyang tanong at lumapit rito.
"Katatapos lang. 'Di na kita ginising baka kaiidlip mo lang," nakangiti pa nitong sagot.
"Asan po ang mga kasama mo nang may kasama akong maglinis sa kanya. Mabigat kasi siya, nahihirapan akong mag-isa lang naglilinis," usisa niya, kaswal lang, natural na natural.
"Ah nakasunod na sila sa'kin, nauna lang ako. Sige iiwan muna kita, madami pa akong bibigyan ng gamot," kaswal din na sagot ng lalaki at nagmamadaling lumabas ng silid.
Nang masegurong nakaalis na ito, saka niya tinanggal ang kumot ng asawa nang biglang may humawak nang mahigpit sa kanyang kamay.
Namimilog ang mga matang napatitig siya sa kamay na 'yon pagkuwa'y ang lakas ng hagulhol niyang napasigaw sa pangalan ng lalaki.
"Dixal! Dixal! Nurse! Nurse! Tulungan niyo ako, si Dixal! Nurse!" humahagulhol niyang sigaw.
Ang hindi niya alam, nasa labas lang ng pinto ng kwarto ang nurse at tila hinihintay ang magiging reaksyon niya. Nang marinig nitong
humahagulhol siya habang malakas ang sigaw ay saka lang ito umalis at mabilis na kinuha ang de-keypad na cellphone at may tinawagan.
"Mission accomplished, sir. Sumisigaw na ang babae sa loob. Seguradong pagkakaguluhan na ang target. Confirmed dead na si Dixal Amorillo," anang lalaki sa kausap na agad humalakhak nang marinig ang sinabi nito.