BUMUO AKO NG kalasag mula sa iba't ibang uri ng mga dahong tinawag ko, pabilog itong ikinabit ko sa aking kaliwang kamay. Gumawa rin ako ng pakpak na kinabit ko sa artificial kong mga pakpak sa likod at idinugtong ko sa aking katawan, na mas malapad at mas malaki sa pakpak ng mga diwata. Ginaya ko ito sa pakpak ng agila. Na ewan ko kung magagawa ko ngang makalipad gamit 'to? Dinugtungan ko rin ang aking sangton na halos dumoble ang haba, at sa dulo, bumuo ako ng malaking solid na bilog na inisip kong maging kasing tibay ng metal.
Unti-unti akong umangat mula sa pagkakaapak ko sa likod ni Bangis. "Perfectly shit!" mahinang nasabi ko. Nagawa kong makalipad gamit ang DIY kong mga pakpak sa pagpagaspas ko ng mga ito!
Pumorma ako para sumugod, pero inunahan ako ng dalawa sa limang habong kaharap ko. Nasabayan ko ang mabilis na kilos ng dalawa – nasalag ko ang espada ng babaeng habo gamit ang kalasag sa kaliwang kamay ko at nailagan ko ang malaking palakol ng lalaking habo. Nabigyan ako ng pagkakataon at ako naman ang umatake gamit ang sangtron na dinugtungan ko na sa dulo ay may malaking bilog. Nailagan nila ang atake ko, at nakangiti ang mga hayop. Nang mga sandaling 'yon, natatalo na ni Mira ang lima niyang kalaban. Take note, sabay-sabay 'yong limang sumusugod sa kanya – tapos ang lakas ng loob kong yayain ang sampu na labanan ko, eh, 'di ko nga matamaan ang dalawang kalaban ko!
Nang mga oras na 'yon din ay patuloy sa paglagay ng proteksiyon sina Mapo Nhamo at Lankaw Balsol sa iba pang bahay na natitira, habang ang mga pinuno ng mga tribu ng hatao ay nakadepensa para sa kanila laban sa isang halimaw. Ang dalawang Pinunong Kahab ay nakikipaglaban din sa isang pang halimaw. Si Rama naman na anyong halimaw pa rin ay kagat sa leeg ang isa namang halimaw habang nakapaibabaw siya rito, pilit niya pa itong inaangat. Sina Claryvel at Shem-shem, nakikipagbuno rin sa isa pang halimaw na kaharap nila. Sinubukan ni Claryvel ang suggestion ko na ilipad ang halimaw at bitiwan sa ere. Pero parang walang nangyari, masyadong matibay ang balat ng halimaw para masaktan sa pagkahulog.
WALANG NAGING GAANONG PINSALA SA HALIMAW ANG GINAWA KO, NATE. HINDI SILA MATATALO SA GANOONG PARAAN.
Narinig kong tinig ni Claryvel sa utak ko. Kaya niya palang gawin 'yon? Natorpe ako at 'di agad nakasagot sa kanya. Naalala ko ang unang beses na kausapn ako ni Chelsa gamit ang kanyang isip – at 'di na talaga ako nakasagot – sabay-sabay sumugod sa 'kin ang lima kong kalaban.
Mabilis akong lumipad pataas, ngunit mabilis din ang kilos ng mga habo kaya agad nila akong nasundan. Si Bangis, nakasunod sa 'kin, nakahanda lang kung sakaling kailangan ko ng tulong. Ginamit ko ang ilang dahong nakasunod lang sa 'kin, sa pagtutok ko ng aking sangtron sa direksiyon ng mga kalaban, inisip kong mga patalim sila at tinira ko ang mga iba't ibang uri ng dahon sa kanila. Ngunit may ginamit din silang kapangyarihan mula sa kanilang gamit na mga armas kaya naman tumilapon lang mga dahon ko at walang nagawang pinsala. "Pisti, shit!"
Na-anticipate ko na ang mangyayari kung sakaling makailag ang mga habo o masangga nila ang pag-atake ko. Kaya may plan B ako, ang pabalikin ang mga dahon at umatake mula sa likod ng mga habo. Ikinumpas ko patalikod ang hawak kong sangtron at mabilis bumalik ang mga dahon sa direksiyon ng ang mga kalaban mula sa kanilang likuran. "Shit, yeah!" sapol sila lahat at napunterya ko ang kanilang mga pakpak. Mukhang nagalit ko na sila nang tuluyan at bakas na nasaktan ko sila. Pero 'di na ako naghintay pa na muli nila akong unahang sumugod, mabilis akong lumipad palapit sa kanila at hinampas ko sa kanilang ang dulong malaking bilog ng aking sangtron. 'Yong tipong na-Miley Cyrus ko sila, tila pagtama ng wrecking ball ang sumapol sa kanila. Isa-isa silang bumagsak, hindi nila inaasahan ang bigla kong paglapit at isa-isa silang pinagpapalo – mas pinahaba ko pa kasi ang sangtron gamit ang ilan pang mga dahon kaya kahit medyo malayo ay nagawa ko silang matamaan.
"Oh, shit," mahinang nasabi ko. Unti-unti akong nakaramdam ng panghihina at parang 'di na ako kayang ilipad ng mga pakpak na ginawa ko. Humiwalay sa katawan ko ng paunti-unti ang mga dahon, pati na ang ginawa kong kalasag at ang dinugtong ko sa aking sangtron. At bumulusok ako paibaba, buti at nasalo ako ni Bangis.
AYOS KA LAMANG BA?
OKAY LANG AKO, BANGIS. MEDYO NANGHIHINA LANG. PERO PANALO NAMAN!
Masayang tugon ko kay Bangis at binaba niya ako sa lupa malayo sa mga halimaw na kasalukuyang nilalabanan pa rin ngayon ng mga kasamahan ko.
"Kumusta ang iyong pakiramdam?" Pag-aalala ni Mira nang lapitan niya kami. Nakabulagta na rin sa lupa ang lima niyang kalaban.
"Maayos naman. Kontng panghihina lang, pero kaya pa," nakangiting sagot ko.
"Mahusay ang ginawa mo, Nate. Ngunit hindi mo natantiya ang paggamit mo ng iyong kapangyarihan kaya ka nakaramdam ng panghihina. Masyado mong ibinuhos ang iyong puwersa't lakas." Tumango na lamang ako sa sinabi ni Mira.
Sabay kaming napatingin ni Mira sa taas, ang sampung habong kalaban namin kanina na napabagsak namin ay nasa taas na muli at may kung anong nangyayari sa kanila. May bumalot sa kanilang itim na usok, lahat sila ay tila nahihirapan at umuungol. Sa pagkawala ng usok, isang kulay itim na may halong brown na halimaw na mas malaki sa mga nauna ang lumitaw. Ang weird ng hitsura na nakakatakot – parang na-malfunction na pagsasanib ng sampung katawan, 'yong tipong adik na scientist ang nag-experiment. Hitsurang bayawak na may mahabang katawan at may pakpak, na may anim na paa at apat na kamay? At sa mahabang leeg, lumitaw ang mga mukha ng sampung habong nagsanib-sanib ng katawan. Ang apat na kamay ay may mahahabang kuko na parang metal at kita na napakatalim ng mga ito.
Tumayo kami ni Mira, agad niyang nilabas ang anim na espadang nakalutang sa hangin na may liwanag na nakakabit sa kanyang likuran. Muli akong nagtawag ng mga dahon, maging sa mga puno, kumuha ako. Muling gumawa ako ng kalasag at nagdugtong sa aking sangtron, na sa dulo, ginaya ko ang hitsura ng hammer ni Thor. Sinabihan ako ni Bangis na sumakay na lamang ako sa likod niya kaya naman sinunod ko siya at 'di na ako muli pang gumawa ng mga pakpak. At mukha ngang 'di ko magagawang makalipad kung gagawa man ako ng sarili kong mga pakpak.
Sabay kaming lumipad ni Mira. Sa malayo pa lang, umaatake na siya gamit ang mga espadang kaya niyang kontrolin mula sa malayo, parang pinag-aaralan niya ang kilos ng halimaw. Sinamantala namin ni Bangis ang pakikipaglaban ni Mira sa halimaw, pumunta kami sa likuran nito – kumuha ako ng buwelo at mabilis kaming lumipad palapit sa halimaw na habo. Parang iisa ang utak namin ni Bangis at naramdaman ko na naman ang pakiramdam na matagal na kaming nakikipaglaban na magkasama – nagigising ang dugo ni Nael na dumadaloy sa mga ugat ko. Pinunterya ko ang likod ng ulo ng halimaw! Natigilan ang loko!
Kasabay ng atake ko ang pagtusok naman ni Mira ng kanyang mga espada sa leeg ng halimaw, may mukha pa ng habo siyang natamaan na sanhi ng paghiyaw nito.
Tatlong sunod-sunod na nagliliwanag na kulay berdeng pana ang sumapol sa tatlong mukha sa leeg ng halimaw. "Ang mga mukha ang kahinaan ng halimaw!" sigaw ni Mapo Nhamo, papalapit siya sa 'min. Nang makalapit siya, ginamit niya ang kapangyarihan niya mula sa kanyang mga kamay, kulay berdeng enerhiya na timumbok ang mga mukha sa leeg ng kalaban.
Hindi na rin kami nag-aksaya ng oras ni Mira, pinunterya namin ang ilan pang muiha sa leeg ng halimaw. Ang akala kong gano'n lang kadali, ay isang maling akala. May lumabas na itim na energy mula sa mga bunganga na nasa leeg ng halimaw, at sa bigla ko, tinamaan ako sa kaliwang balikat. Hindi na nakaiwas pa si Bangis dahil pasugod sana kami. Napaluha ako sa sakit, para akong napaso at parang may mabigat na bagay na tumama sa balikat ko. Buti mabilis pa rin ang pagkilos ni Bangis at nakalipad siya pataas, pumunta kaming muli sa bandang likod ng kalabang halimaw.
Si Mapo Nhamo ay nakailag sa pagpapakawala ng kapangyarihan ng halimaw. Pero si Mira, nahagip naman sa kaliwang hita.
Pero 'di na dapat magsayang pa ng oras. Bakas na napipinsala namin ang halimaw sa mga pag-atake namin. Muli akong sumugod at ang mga pakpak nito ang aking pinatamaan. Sina Mapo Nhamo at Mira, ang mga mukha sa leeg muli ang tinitira.
Hindi na nabigyan ng pagkakataon ang aming kalaban na muling tumira ng enerhiya mula sa mga bibig nito sa leeg at magamit ang mga matatalim na kuko, bumagsak ang halimaw! Sa paglapag nito sa lupa, sampung habong nakahandusay na 'to at agad natuyo – napatay namin sila. Ito ang unang pagkakataong nakapatay ako – hindi ko alam ang mararamdaman ko. Oh, shit! Nakapatay na ako? Masama sila at isa nang halimaw… pero…?
Nang mga sandaling 'yon, natalo na rin ng mga kasama namin ang iba pang halimaw. Lumapit kami sa kanila at sinalubong din nila kami pati na ang ilang hataong tumulong sa laban. Masaya sila sa pagkapanalo namin. Pero ako, talagang 'di ko ma-explain ang nararamdaman ko.
~~~
~ SA PALASYO NG EZHARTA ~
NASAKSIHAN NINA REYNA Kheizhara at Philip ang nangyaring labanan sa pagitan ng pangkat nina Nate at ng mga habo at mga halimaw mula sa batong Verlom.
"Sa maikling panahon, nagawa nang makontrol ng binatang iyon ang kanyang kapangyarihang ipinagkaloob mo mahal na Reyna," sambit ni Philip na palipad-lipad sa tabi ni Reyna Kheizhara.
"Dahil siya ang tagapagligtas," sagot ng reyna.
"Ngunit nangangamba ako. Dahil sa husay niya."
"Huwag kang negatibo, Philip. Magiging maayos ang lahat. Natitiyak kong sa kabutihan lamang papanig si Nate."
"Kahit pa, para sa babaeng pinakamamahal niya?"
Hindi nakasagot si Reyna Kheizhara sa sinabi ng saday na si Philip. Batid niyang maaaring tama ito at posibleng mangyari ang kinatatakutan nitong maganap. Dahil alam niya na ang pag-ibig ay maaaring maging lason para sa nilalang na labis na nagmamahal.
~~~
~ SA ISLA NG DULOM ~
MAY BA PANG nakasaksi sa naganap na labanan, si Haring Hastro at ang pitong mandirigmang habo na kanyang napili kabilang si Prinsesa Deza. Sa isang nakalutang na itim na bilog na bato, napapanood nila ang nagaganap sa kuta ng mga tribu ng hatao.
Sagabal sa kanilang layunin ang tingin nila sa pangkat nina Nate. At nais n Haring Hastro na malaman ang tunay na pakay ng kanilang paglalabay. Nangangamba ang hari ng mga habo na baka nais din hanapin ng kanilang kalaban ang mga Atervhi. Na siya nilang balak upang buhayin ang dakilang maalamat na halimaw na maaaring wumasak sa kaharian ng Ezharta.
Sa napanood na labanan, nagkaroon si Haring Hastro ng interes sa kakayahan ni Nate. At naramdaman niya na sa puso ni Nate ay may kalungutan, na maaari niyang samantalahin upang umanib sa kanilang pangkat ang binatang may kalungutan na maaaring maging kasamaan.
"Nasaksihan ninyo kung paano lumaban ang mga mandirigma ng Ezharta. Alam kong matatalo ninyo ang mga kutong lupa na iyon," may pangmamaliit na sambit ng hari. "Nais kong bihagin ninyo ang binatang iyan," utos niya sa kanyang mga mandirigma na ang tinutukoy ay si Nate. "Dalhin ninyo siya rito ng buhay."
"Masusunod, ama," sagot n Prnsesa Deza.
~~~
~ SA KUTA NG MGA HATAO ~
PARANG MGA PULIS sa pelikula ang mga sundalo ng bayan ng Zerra, kapag tapos na ang laban, tsaka dadating. Pinamigay na sa mga hatao ang dala nilang sandata at nasabihan na ang mga sundalo na magbantay sa lugar na 'to para sa posibleng muling pag-atake ng mga habo. Nailibing na ang mga habo at ang apat na halimaw ay natunaw, naging itim na likido sila. At kanina, sabi ni Pinunong Kahab, mga simpleng habong sundalo lamang ang aming nakasagupa at hindi malalakas. 'Di pa malakas 'yon? Pambihira!
Nakapaghanda na para sa pagpapatuloy ng aming paglalakbay. Nagamot na ang pinsalang natamo ng lahat sa nangyaring laban at nakapagpahinga na rin kami kahit papa'no.
"Lankaw Balsol, mauuna na po kami," sambit ni Pinunong Kahab.
"Maraming salamat Pinunong Kahab," sagot naman ni Lankaw Balsol. Lumapit siya sa 'kin at ipinatong ang kanyang kanang kamay sa aking balikat. "Pakiusap, huwag mo kaming bibiguin," mahinang sabi niya sa 'kin. Tumango lamang ako bilang tugon. Piling ko may tiwala na siya sa 'kin na kaya ko nang ipagtanggol ang kanilang kaharian. Siguro nakita niya kung paano ko ginalingan sa laban kanina.
Lumipad na kami para puntahan ang bayan ng Barhass kung saan talaga magsisimula ang aming tunay na paglalakbay, dahil pagdating sa bayan na 'yon, 'di na kami maaaring lumipad papunta sa isla ng Esedes kung nasaan ang puno ng Narha na siyang magbibigay sa 'kin ng mga antena at pakpak upang maging ganap na akong diwata at mas magamit ko ang aking kapangyarihan na kakailanganin ko sa maaaring maganap na digmaan.
Sasabihin ko sana na kaya ko naman pala gumawa ng sarili kong mga pakpak, pero baka sabihin lang nila sa 'kin na parang 'di ako nag-isip. Maraming energy ang nawala sa 'kin nang gawin ko 'yon at mukhang 'di ako tatagal sa laban gamit 'yon.
Lumapit sa 'min si Pinunong Kahab. "Napahanga mo ako kanina, Nate," sabi niya. Ngumiti lang ako. Kahit ako humanga rin sa sarili ko, eh. "Ayos ka lang ba?"
"Medyo nanghihina pa rin po," sagot ko.
Narinig ko ang tinig ni Bangis nang iwan na kami ni Pinunong Kahab.
SA DIGMAAN, KUNG HINDI KA PAPATAY, IKAW ANG MASASAWI.
Mukhang nararamdaman niya kung ano ang inaalala ko. Wala akong naging tugon sa kanya. Huminga ako nang malalim at napayakap sa likod niya, dinama ko ang panghihina ko, kailangan ko pa ng pahinga. Napapikit ako. Naisip ko, for love, talaga palang magagawa mo lahat.
— Bald kommt ein neues Kapitel — Schreiben Sie eine Rezension