Dinala ni Ybrahim ang kanyang pamilya sa harapan ng hari at reyna ng Azeroth. Mainit silang tinanggap at laking tuwa ni Lysandra nang malaman niya na hindi na nila kailangan pang itago ang pagiging isang sirena at kalahating sireno. Ngunit matatagalan ang pagbunyag tungkol sa katotohanan ng mga taong isda sa nakararami.
Binigyan ng silid sa kastilyo ang anak nina Ybrahim at Lysandra bago sila nagtungo sa Planetarium. Inatasan si Koronel Alcazar na magbantay at mag-alaga sa bata hangga't hindi pa nakababalik ang kanyang mga magulang.
Samantala sina Reyna Hesperia at Haring Isidro naman ay palihim na nag-uusap sa bulwagan, tila isa itong mahalagang bagay.
"Ito na ba ang kapalaran na . . . ibinanggit ng kanyang namayapang ama?" tanong ni Reyna Hesperia.
Bumuntong-hininga si Haring Isidro bago dumungaw sa bintana, pinagmamasdan ang mga ibong na lumilipad. "Kapag natapos na itong digmaan. May karapatan siyang malaman ang buong katotohanan."
🔱 🔱 🔱
Si Lysandra ay nakatindig sa tabi ng kanyang kabiyak. Sila'y nag-uusap sa harapan ng barkong pampirata upang magpalipas ng gabi.
"Ybrahim? Hindi ko nais na mabuksan ang mga . . . malulungkot na alaala tungkol sa iyong namayapang ama, ngunit gusto ko lamang malaman ang tungkol sa kanyang pagkamatay. Maaari ba?"
Kahit na may pag-aalinlangan si Ybrahim, maayos niyang ibinahagi ang isang parte ng sariling buhay. "Nangyari iyon noong ako'y napadpad sa isla na tinataguan ni Ophelia . . . ang Planetarium."
Noong anim na taong gulang pa lamang si Ybrahim, siya'y napadpad sa isla ni Ophelia matapos mawasak ng bagyo ang barkong kanyang sinasakyan kasama ang ama. Walang tigil ang pagtangis niya noon sa dalampasigan dahil sa matinding takot na hindi na niya muling makikita ang kanyang ama't tahanan.
Nagkataong narinig iyon ng bathaluman habang namamasyal sa sariling isla kung kaya't hinanap niya ang pinagmumulan ng iyak. Nang matagpuan niya ang kaawa-awang paslit, kinupkop niya ito nang ilang linggo.
Sa maiksing panahong iyon ay napalagay ang loob niya kay Ybrahim. Walang takot niyang ibinunyag na siya na lamang ang natitirang taong dragon sa buong Warcadia sapagkat nabatid niya ang hinaharap ng paslit.
Subalit hindi nagtagal, naramdaman ni Ophelia mula sa malayo ang naparaang sagip-barkong naghahanap kay Ybrahim. Dinala niya ito sa karatig na isla at pinagbilinan na magpausok upang siya'y matunton.
Mula noon, hinintay niyang lumaki si Ybrahim upang siya'y balikan sa isla at hirangin itong tagapagligtas ng buong Warcadia.
"Nang ako'y nakauwi, masamang balita ang hatid sa akin." Huminga nang malalim si Ybrahim bago puminta ang isang mapait na ngiti. "Pumanaw na pala ang aking ama. Pinaslang siya ng mga taong isda noong nawasak ang aming barkong sinasakyan . . . Sila ang may pakana kung bakit nagkaroon ng bagyo sa karagatan."
Umismid si Lysandra at nalumbay sa ikinuwento ng asawa. Niyakap niya ito upang mapagaan ang damdamin. "Ako na ang humihingi ng tawad sa aming mga nagawa . . . Ngunit, may alam ka ba kung bakit kayo nilusob?"
Umiling-iling si Ybrahim. "Masyado pa akong bata noon. Ang tanging naaalala ko lamang ay patungo kami sa Kaharian ng Azeroth. Sa palagay ko ay . . . dahil piratang sundalo rin ang aking ama kung kaya't naisipan niyang maghanap kami roon ng malilipatan."
"Salamat sa pagsabi sa akin." Matamis na ngiti ang inilahad ni Lysandra at siya'y sinuklian ng isang magiliw na halik.
🔱 🔱 🔱
Tatlong araw na ang nakalipas, sila'y nakarating na sa Planetarium. Akmang aangkas si Ybrahim sa likuran ni Ignis nang siya'y pinigilan ni Lysandra.
"Sandali lamang!"
Napalingon si Ybrahim. "Bakit?"
Nilamon ng katahimikan si Lysandra. Malabo man ang mga larawang naglalaro sa kanyang isipan, batid niyang nakatapak na siya sa lupa ng Planetarium. "Hindi maganda ang aking kutob . . . ngunit isama mo ako sa iyo. Siguradong makapapasok ako sa Planetarium!"
Biglang kumabog ang dibdib ni Ybrahim sa hindi malamang dahilan. Ito'y dahil naalala niya ang sirenang nagtangkang pumaslang kay Ophelia noon.
Papaano kung . . . si Lysandra ang sirenang iyon? Umiling-iling si Ybrahim upang itapon ang naisip na posibilidad. Huwag sana . . .
Tumingin na lang siya kay Ignis at sumenyas na lumapit kay Lysandra upang makaangkas ito sa kanyang likuran. Ginawa iyon ng kanyang alaga hanggang sa sila'y nakaalis na.
Sa himpapawid, lalong lumakas ang kabog ng dibdib ni Ybrahim. Kahit ang malamig na hanging humahampas sa kanyang katawan ay walang epektong pakalmahin siya.
Habang sila'y papalapit na nang papalapit sa Planetarium, hinihiling niya na sana'y hindi sila makapasok dahil kay Lysandra.
Ngunit, hindi iyon nangyari . . .
Sa kasamaang palad, walang hirap silang tumagos sa nakalapat na kalasag.
Namutla ang buong katawan ni Ybrahim, animo'y tumigil ang takbo ng oras. Nais niyang ilayo si Lysandra sa lalong madaling panahon sapagkat labis ang kabang nararamdaman niya para sa minamahal.
Nang lumapag si Ignis sa dalampasigan, tiningnan niya ang tahimik na amo. Ybrahim? Hindi mo ba napapansin? Himalang nakapasok ang iyong kabiyak sa isla ni Ophelia.
Natauhan na lamang si Ybrahim nang biglang bumaba si Lysandra at naglakad patungo sa gubat.
"Lysandra! Huwag kang lalayo!" Bumaba rin si Ybrahim at hinabol ito hanggang sa naabutan niya. Hinablot niya ang braso ng kabiyak bago ito hinarap sa kanya. "Ano ang ginagawa mo? Bumalik ka na sa barko at hintayin mo ang aking pagbalik!"
"Ngunit . . ." Kumunot ang noo ni Lysandra. Siya'y naguguluhan sa mga alaalang bumabalik. "Hindi ako maaaring magkamali . . . Nakarating na ako rito, Ybrahim. Alam kong may mahabang tulay sa islang ito–"
"Itikom mo ang iyong bibig!"
Bahagyang napatalon sa gulat si Lysandra nang hindi sinasadyang taasan ni Ybrahim ang kanyang boses. Hindi siya sanay sa ikinikilos ng minamahal kung kaya't hindi niya mapigilang maluha.
"Bakit ka sumisigaw? T-Tinatakot mo ako . . ."
Bumuntong-hininga si Ybrahim at niyakap niya ang kanyang kabiyak upang humingi ng paumanhin. "Patawad, mahal ko, hindi ko sinasadya . . ." Hinawakan niya ang mukha ni Lysandra at ilang beses itong hinalik-halikan sa mga labi; puno ito ng pagmamahal. "Hindi ako galit."
Sa totoo lang ay gustong-gusto na niyang ilayo si Lysandra mula sa Planetarium. Hindi siya makapapayag na makita ni Ophelia si Lysandra ngayon lalo na't binabalak pa lang niya na makipag-ayos. Ito'y dahil nahulaan niyang binura ni Reyna Aglatea ang mga alaala ng kabiyak at unti-unti na itong bumabalik.
"Pag-usapan na lang natin ito mamaya. Bumalik ka na sa barko–"
"Y-Ybrahim?"
Namutla ang mukha ng pirata nang marinig niya ang pamilyar na boses. Siya'y lumingon at nakita si . . .
"Ophelia . . ."
Ang bathaluman ay may bitbit na dahon ng saging at may sari-saring prutas itong pinitas, sapat na para sa dalawang nilalang. Nakatitig lang siya sa lalaki at sa babaeng . . . namumukhaan.
"Sino ka? Paanong . . ."
Napaisip nang malalim si Ophelia. Dalawang sirena ang kanyang naaalala: ang nagtangkang pumatay sa kanya at ang sirenang nakalaban ni Ybrahim sa Kaharian ng Durano.
Oo.
Sinundan niya noon ang pirata. Sa huli, nakita niyang naghahalikan ang dalawa, ngunit hindi niya napagmasdan nang mabuti ang mukha ng sirena sapagkat nanaig ang sakit sa kanyang puso. Pinili niyang umalis sa lugar na iyon at bumalik sa Planetarium. At sa sirenang nagtangkang pumatay sa kanya, naaalala niya ang hitsura, pati na rin ang pamilyar na dalandan na buhok. Kamukhang-kamukha siya ni Lysandra.
"Magpapaliwanag ako, Ophelia–"
Tumigil si Ybrahim sa kanyang kinaroroonan nang biglang nagbago ang hugis ng mga balintataw ni Ophelia. Naging bertikal ito at sumabay ang pagsalubong ng mga kilay at pagngalit ng ngipin.
"Bakit . . . kasama mo ang sirenang nagtangkang pumatay sa akin? Ano ang ibig sabihin nito?"
Tumindig ang balahibo ng heneral dahil sa malamig na tono ng boses ng bathaluman habang nagtago naman sa kanyang likod ang asawa.
"Y-Ybrahim . . ." Tumulo ang luha ni Lysandra at humigpit ang kanyang hawak sa damit ng pirata. Hindi rin siya makahinga nang maayos dahil sumikip ang kanyang dibdib sa matinding pangamba. "A-Ano ang gagawin natin? Naaalala ko na ang lahat . . . Wala akong alam sa mga nagawa ko . . . Hindi ko sinasadyang saktan ang bathaluman noon."
"Alam ko," bulong ni Ybrahim. Hindi niya inaalis ang tingin kay Ophelia sapagkat malakas ang kanyang kutob na mahihirapan siyang kumbinsihin ito. "Kung ano man ang mangyayari, huwag mo siyang kakalabanin."
"Naiintindihan ko." Tumango si Lysandra.
Nang sila'y natagalan sa pagtugon, nabasag ang boses ni Ophelia nang siya'y sumigaw. "Magsalita ka!" Hinagis niya ang mga prutas sa buhangin at kasabay niyon ay ang pagbuka ng kanyang mga pakpak.
"Makinig ka, Ophelia . . . Walang kasalanan si Lysandra," simula ni Ybrahim. Dahan-dahan siyang lumalapit kay Ophelia upang hindi ito mabulabog. "Ipapaliwanag ko ang lahat kung huminahon ka lang—"
"Huminahon? Ako ba'y niloloko mo?" pangungutya ng bathaluman. "Binigyan mo ba ako ng pagkakataong magpaliwanag sa'yo noon? Sa tingin mo ba'y pagbibigyan kita? Hindi!" Inilahad niya ang kanang palad sa harapan ng pirata at ginalaw ang mga daliri, tila may dinurog.
"Y-Ybrahim!"
Paglingon ng pirata, nanlaki ang kanyang mga mata nang masaksihan niyang namimilipit sa sakit si Lysandra—nasasakal! Hindi makahinga ang kanyang kabiyak kung kaya't bumagsak ito sa buhangin na nagpupumiglas at umuubo. May kakaibang kapangyarihan na bumabalot sa bathaluman at ngayon lang niya ito nakita.
"Itigil mo 'yan, Ophelia!"
Sa sobrang balisa ni Ybrahim, hindi niya sinasadyang gamitin ang elementong Veturno. Lumiwanag ang kanyang palad at may mga batong pumukol kay Ophelia. Mabuti na lang, ginamit ng bathaluman ang mga pakpak upang magsilbing panangga.
Panandaliang naglaho ang mahikang sumasakal kay Lysandra. Sumingap siya nang matalas at umubo nang ilang ulit hanggang sa lumuhod sa kanyang tabi si Ybrahim, tinutulungang makabangon.
"Tumakas ka na, Lysandra! Bilisan mo! Bago ka niya masaktan–"
Naputol ang pangungusap ni Ybrahim. Tila bumagal ang takbo ng oras at naging tahimik ang kapaligiran. Nahagip ng kanyang mga mata ang maliksing paglitaw ni Ophelia sa kanilang gilid. Sa isang iglap, nakatanggap siya ng malakas na sipa sa ulo at siya'y tumalsik pakanluran.