App herunterladen
60% Warcadia: The Lost Scales (Tagalog) / Chapter 9: Mahalaga ang Katapatan

Kapitel 9: Mahalaga ang Katapatan

Lumipas na ang tatlong araw, umuwing malungkot at luhaan pa rin si Ybrahim sa kanyang tahanan sa Azeroth. Labis ang sakit na nararamdaman niya matapos iwanan si Ophelia sa Planetarium. Gulong-gulo ang kanyang isipan sa mga naganap at napansin ito kaagad ni Lysandra na kalalabas pa lang ng kanilang silid. Bitbit niya ang kanilang sanggol na nakabalot sa kumot at mahimbing itong natutulog.

"Ybrahim? Bakit ganyan ang histura mo? May masamang nangyari ba?" nag-aalalang tanong ni Lysandra.

Sinuklian ni Ybrahim ang kanyang kabiyak ng isang mapait na ngiti. "Kailangan nating mag-usap sa loob . . ."

Kumabog ang dibdib ng sirena sa mga salitang binitiwan ng kanyang bana. Hindi siya mapalagay sa kanyang inisip. Kung ano man ang masamang balita, buong puso niya itong paghahandaan at tatanggapin.

Tahimik na tumango si Lysandra at sila'y pumasok sa loob ng kanilang silid. Umupo si Ybrahim sa kanilang kama at sumunod siya. Hindi na nagpaligoy-ligoy pa ang pirata at diniretso niya ang kanyang kabiyak kahit na kinakabahan ito.

"Alam kong mabibigla ka sa aking sasabihin, ngunit nais kong malaman mo na mahal na mahal kita at ang anak natin."

Bahagyang umukit ang isang maligayang ngiti sa mga mapupulang labi ni Lysandra, ngunit naglaho iyon sa isang iglap nang inamin ng kanyang bana ang kasalanan na nagawa.

"May nangyari sa amin ni Ophelia sa isla," malungkot na wika ni Ybrahim. Hindi siya makatingin nang diretso sa mga mata ng kabiyak dahil sa matinding kahihiyan. Pakiramdam niya'y dinudurog ang kanyang puso nang paulit-ulit hanggang sa siya'y mamatay na lamang sa isang sulok.

"Ano?" Namutla ang mukha ni Lysandra at tila nawalan siya ng hininga. Bagaman wala pang malinaw na paliwanang, ang dibdib niya'y biglang sumikip. Aminin man niya o hindi, labis siyang nasaktan at pumatak kaagad ang kanyang mga luha. "Papaano nangyari iyon? Tayo ang itinakda ng tadhana para sa isa't isa . . . Hindi maaaring magkamali ang dugong dumadaloy sa'yo."

Huminga nang malalim si Ybrahim at buong tapang na hinarap ang kabiyak. Nasaktan siya nang makita niyang tahimik na umiiyak ito at muling kumirot ang kanyang puso. May kung anong tali ang naputol. "Patawad . . . Iyon din ang aking iniisip. Ngunit, sa palagay ko ay dahil sa kalahating sireno ako, tumalab ang . . . gayumang ininom ko."

Nagsalubong ang mga kilay ni Lysandra. Nagtataka siya dahil sa huling isinambit nito. "Gayuma? Pinainom ka ng gayuma ni Ophelia? May hindi ba akong nalalaman tungkol sa inyong dalawa?"

Bumigat lalo ang puso ng pirata. Sinisisi niya ang kanyang sarili sapagkat inagaw niya ang basong hawak ni Ophelia. Hindi rin niya alam kung ibibigay iyon sa kanya o hindi.

"Matagal na akong iniibig ni Ophelia. Wala akong alam tungkol sa kanyang nakatagong damdamin. Noong nakaraan na tatlong araw ko lamang ito nalaman," paliwanag ni Ybrahim. Nagsimulang lumabo ang kanyang paningin nang makaramdam siya ng lubos na hapis. "Gumawa siya ng gayuma upang mapa-ibig ako sa kanya. Ngunit, ako ang may kasalanan. Inagaw ko ang baso mula sa mga kamay niya at ininom ko iyon. Hindi ko alam na–"

"Tama na, Ybrahim, sapat na ang iyong paliwanag!" Bahagyang tumaas ang boses ni Lysandra at ikinagulat ito ng asawa.

"Ly-Lysandra . . ." Nanginig ang boses ni Ybrahim. Hindi niya gustong makita na nasasaktan ang kanyang kabiyak dahil sa kanya kung kaya't iniisip niya na siya ay nararapat na parusahan. "Naiintindihan ko kung . . . hindi mo na ako mahal–"

"Huwag kang magsalita ng ganyan, Ybrahim! Wala kang kasalanan." Umiling-iling si Lysandra. "Itikom mo muna ang iyong bibig . . ."

Ginawa iyon ni Ybrahim at matiyagang naghintay. Nakikita niya ang pagkadalisay sa mga mata ng asawa at wala itong bahid na galit.

"Inuulit ko . . . wala kang kasalanan." Sumilay ang isang maamong ngiti sa mga labi ni Lysandra bago hinulog ang mapagmahal na tingin sa kanilang sanggol. "Walang magandang idinudulot ang galit. Hindi ko nais na maging pabigat sa'yo lalo na't ang ating sanggol ang nagbibigay ng kasiyahan sa ating magulong mundo." Binaling niya ang tingin kay Ybrahim at marahang pinisil ang kanyang kaliwang kamay. "Nangyari na ang nangyari. Masakit man sa akin, tinanggap ko na lamang upang maging mapayapa. Nagpapasalamat ako sa'yo dahil naging matapat ka sa akin. Sapat na iyon at pinapatawad na kita."

Malalim ang titigan ng dalawa. Kahit papaano, tama ang mga isinambit ni Lysandra. Magulo na ang mundo upang madagdagan pa ito ng mga suliranin. Ang kailangan nito ngayon ay ang pagmamahal at kapayapaan. Malaki ang pasasalamat ni Ybrahim dahil maunawain at mabait ang kanyang asawa. Naipamalas nito ang kabaitan ng mga taong isda. Ito ang nagpapatunay na ang papel ng bathala sa planetang Neptuno ay mabigyan ng matiwasay at kalinawan ng pag-iisip ang bawat nilalang sa kahit anong bagay.

Huminga nang malalim si Ybrahim. Nilapitan niya si Lysandra at hinalikan ito sa mga labi. "Salamat..."

Namula ang mga pisngi ni Lysandra at bumilis ang pintig ng kanyang puso. Kailanma'y hindi siya binigo ng pagmamahal ni Ybrahim. Malaki rin ang kanyang pasasalamat dahil tapat ito sa kanya. "Nandito lang ako kung may problema ka. Ano na ang balak mong gawin?"

"Sa ngayon . . . hindi pa ako handang harapin si Ophelia." Kahit naging malinaw na ang pag-iisip ni Ybrahim, nahihirapan siyang pagkatiwalaan ito. "Hindi ko alam kung hanggang kailan pa itong nararamdaman kong galit at kabiguan sa puso."

"Hindi kita masisisi dahil matagal na kayong naging matalik na magkaibigan." Bumuntong-hininga si Lysandra at nagbigay na lang ng payo sa bana. "Alam kong hindi madali ang magpatawad. Bigyan mo muna ang iyong sarili ng sapat na oras upang maghilom ang iyong puso. Marami pang panahon upang pag-isipan ito. Maaaring si Ignis muna ang magsilbing tagahatid ng balita."

Tumango na lang si Ybrahim at tinuon ang atensyon sa kanilang gising na sanggol na nasa mga bisig ni Lysandra. Malaki ang mga tsokolateng mata nito at napakagandang lalaki. Habang pinagmamasdan niya ito, hindi niya namalayan ang ngiting umaabot hanggang tainga.

🔱 🔱 🔱

Taong RD721, Buwan ng Deneb, 9:30 a.m.

Hindi pa rin magawang bisitahin ni Ybrahim si Ophelia sapagkat siya ay iniibig pa rin ayon sa mga ulat ni Ignis. Buong akala niya'y mas makabubuti ang hindi magpakita sa bathaluman upang tuluyan na siyang makalimutan, ngunit, isa itong pagkakamali. Lalong umusbong ang nararamdamang pagmamahal sa kanya. Ang nais lamang malaman ng pirata ay kung bakit nagmamatigas itong mahalin siya kahit na wala itong pag-asa. Samakatuwid, hinikayat siya ng kanyang kabiyak na magtungo sa Planetarium upang ayusin ang hindi pagkakaunawaan.

Si Ybrahim ay lalabas na sana ng kanyang tahanan upang magpaalam sa hari at reyna ng Azeroth nang may kumatok sa pinto. Binuksan niya iyon at bumungad ang isang hinihingal na koronel.

"Hermosa? May problema ba?" gulat na tanong ni Ybrahim.

"Saan ka patutungo?"

"Sa Planetarium. Isasama ko si Lysandra at hihingi sana kami ng pabor sa iyo kung maaari mong bantayan ang aming anak."

"Tamang-tama! Ipagpaliban mo muna ang paglakbay sa Planetarium. Pinatatawag ka ni Haring Isidro at Reyna Hesperia," nagmamadaling sambit ng koronel. "Si Reyna Aglatea . . ."

Tila ba'y nahulog ang puso ni Ybrahim nang marinig niya iyon. Hindi niya inaasahan na magpaparamdam na si Reyna Aglatea upang tapusin ang sinimulang kasunduan.

Hindi na nagdalawang-isip pa ang heneral at nagmadali siyang nagtungo sa kastilyo kasama ang koronel. Pansamantalang naiwan muna ang kanyang kabiyak na nag-aalala.

🔱 🔱 🔱

Sa kasalukuyan, nakatitig si Ybrahim sa dalawang bangkay na nakahiga sa langkayan. Isang babae at isang lalaking piratang sundalo. Puno ng dugo ang kanilang uniporme at bakas ang paghihirap sa kanilang mukha.

"Ang kanilang reyna . . . ang may kagagawan nito?"

"Ikinalulungkot ko, Heneral Sandoval. Walang awa silang pinaslang habang nagpapatrolya sa dalampasigan ng Shiwako," wika ni Reyna Hesperia. Siya ay nakaupo sa kanyang trono kasama ang hari.

"Natagpuan silang walang buhay sa dalampasigan. May isang mamamayan ang nakasaksi sa paglusob ni Reyna Aglatea," dagdag ni Haring Isidro. Tuminding ito at may ibinigay na pergamino sa heneral. "Natagpuan din nila ito."

Nangangambang binuklat ni Ybrahim ang pergamino. Habang binabasa niya ang mga nakasulat nang puspusan, biglang nagbago ang tono ng hari.

"May . . . hindi ka ba sa amin inaamin, Heneral Sandoval? Ang asawa mong si Lysandra . . . Totoo bang . . . isa siyang sirena?"

Huminto sa pagbabasa ng liham si Ybrahim, animo'y naputol ang kanyang hininga dahil sa tanong ni Haring Isidro. Nais sana niyang magsalita, ngunit walang lumalabas na kahit anong tunog mula sa kanyang bibig.

Ayon sa liham, sinulat ni Reyna Aglatea ang tungkol sa kanyang nawawalang heneral na si Lysandra. Huling namataan ito sa Kaharian ng Durano na nakikipaglaban sa isang heneral ng Azeroth at ginawang bihag daw ito—hindi napaslang. Nagkataong si Ybrahim ang tinutukoy at hindi niya iyon maitatanggi.

Ngunit, bakit ngayon lang nagparamdam si Reyna Aglatea?

Napansin ni Reyna Hesperia ang mahabang katahimikan ng heneral kung kaya't tinulungan niya itong umamin. "Heneral . . . Huwag ka nang magsinungaling. Sabihin mo na sa amin ang katotohanan. Ano ang pumipigil sa iyo?"

Mabigat man sa loobin ni Ybrahim, buong puso niyang inamin ito sapagkat siya'y isang tapat na piratang sundalo. "Totoong sirena ang aking kabiyak . . . at totoo ring . . . kalahating sireno ako."

Biglang pumatak ang mga luha ng heneral habang napasinghap ang hari at reyna lalo na si Koronel Alcazar na nakatayo sa gilid. Wala man sa plano ang pag-amin, ngunit naisip din niyang mabubunyag sa huli ang lahat ng mga nakatagong sikreto.

"Ikaw? May dugong sireno?" tanong ni Haring Isidro na hindi makapaniwala.

Natatakot umamin si Ybrahim dahil maaaring itakwil siya pagkatapos nito o di kaya'y ipatapon sila ng kanyang asawa sa kulungan. Inaamin din niya sa sarili na hinayaan niyang takutin siya ni Reyna Aglatea tungkol sa pagiging isang kalahating sireno.

Ang tanging nagawa ng heneral ay ang lumuhod sa harapan ng hari at reyna upang hingin ang kalayaan ni Lysandra.

"Nagmamakaawa ako sa inyo, Haring Isidro, Reyna Hesperia . . ." simula ng heneral habang tumatangis. "Huwag ninyong idamay si Lysandra. A-Apat na taong gulang pa lamang ang aming anak at mas kailangan niya ang kanyang ina. Humihingi rin ako ng . . . ng paumanhin sapagkat nilihim ko sa inyo ito. Gagawin ko ang lahat para sa kanilang kaligtasan at upang mapanatili ang aking napakabigat na tungkulin sa Warcadia. Hindi ko nais na . . . magkagulo sa oras na mabunyag ang aking tunay na pagkatao."

Pakiramdam tuloy ni Ybrahim na galit sa kanya ang mundo dahil sa nagawang kasalanan . . . kay Ophelia. Nais sana niyang ituwid ang lahat, ngunit magagawa pa ba niya iyon?

Matagal nag-usap sina Haring Isidro at Reyna Hesperia habang si Koronel Alcazar naman ay hindi mapalagay sa kanyang lugar. Siya'y kinakabahan sa magiging pasya para sa heneral kung kaya't tumabi ito sa kanya at buong tapang niyang pinagtanggol.

"Haring Isidro! Reyna Hesperia! Inosente si Ybrahim at ang kanyang pamilya!"

Nagulat ang hari at reyna sa lakas ng boses ni Koronel Alcazar at sila'y napalingon sa kanya.

"May nalalaman ka ba tungkol dito?" tanong ni Reyna Hesperia.

Tumayo nang tuwid ang koronel bago sumaludo. "Mabait na nilalang si Heneral Ybrahim Sandoval. Dumadaloy man ang dugong sireno sa kanya, isa siyang tapat na piratang sundalo na pinaglilingkod ang buong Warcadia! Hangad lamang niya ay ang kapayapaan! Hindi ba't siya ang patunay na may pag-asang magbago ang mga taong isda? Ang kanyang kabiyak na si Lysandra?"

"Ko-Koronel Alcazar . . . Tama na . . ." Hindi pa rin makapagsalita si Ybrahim. Pagod na pagod na ang kanyang damdamin. "Hindi sila maniniwala . . ."

Ngunit hindi nakinig ang koronel. Ipinagtanggol pa rin niya ang heneral. "Hindi pa ba sapat ang relasyon niya kay Bathalumang Ophelia? Siya ang pinili upang iligtas ang buong Warcadia. Nasaksihan ko ang pag-aalala sa mga mata ni Heneral Sandoval nang dinala niya rito sa kastilyo ang sugatan na bathaluman. Hindi ba't patunay na rin iyon?"

Napuno ng katahimikan ang paligid. Sa mga sandaling iyon, ginamit ni Koronel Alcazar ang oportunidad na ito upang makumbinsi ang hari at reyna.

"Ang mga taong isda . . . ay walang kasalanan sa mga nagaganap. Si Reyna Aglatea ang dahilan kung bakit naging masama ang tingin natin sa kanila. Sila'y sumailalim sa isang itim na salamangka at si Lysandra ang nagbunyag sa amin nito."

Bumuntong-hininga si Haring Isidro. Naniniwala na siya sapagkat sa una pa lang ay patunay na si Ophelia. May iba pa bang dahilan upang hindi ito paniwalaan?

"Papaano nagising sa katotoohanan ang iyong . . . kabiyak, Heneral Sandoval?" tanong ni Haring Isidro. Naging maamo ang kanyang mukha.

Lumiwanag ang mukha ni Koronel Alcazar sa tuwa habang si Ybrahim naman ay napaangat ang ulo sa pagkagitla.

"A-Ano ang ibig sabihin nito?" naguguluhang tanong ng heneral.

Umukit ang isang matamis na ngiti mula sa mga labi ni Reyna Hesperia. Lumapit ito kay Ybrahim at hinimok na tumindig. "Matagal na naming alam ni Haring Isidro ang tungkol sa pagiging kalahating sireno mo, Heneral Sandoval. Isa lamang itong pagsubok."

Nagbatuhan ng tingin sina Koronel Alcazar at Heneral Sandoval.

Tama ba ang kanilang narinig?

"Isang pagsubok?" Kumunot ang noo ni Ybrahim.

"Ang bathaluman mismo ang nagsabi sa amin noong siya'y nagpapagaling sa kanyang silid," paliwanag ni Haring Isidro habang nakangiti. "Hanga ako sa iyong katapatan at pagmamahal sa iyong pamilya, pati na rin sa buong Warcadia. Busilak ang iyong puso, Ybrahim. Hahanap tayo ng tamang panahon upang hindi mo na kailangan pang itago ang iyong tunay na pagkatao."

Nang ipinatong ni Haring Isidro ang kanyang mga kamay sa balikat ni Ybrahim, hindi na napigilan pang lumuha ng heneral sa labis na tuwa. Animo'y nabunutan ito ng tinik sa puso at kulang na lang ay lumundag siya sa tuwa.

"Salamat! Maraming salamat, Haring Isidro, Reyna Hesperia!" Paulit-ulit nagpapasalamat si Ybrahim na ikinatuwa naman ng hari at reyna. Tumagal iyon nang ilang minuto bago sila bumalik sa unang paksa. "Sasabihin ko ang lahat ng mga nalalaman ko. Kung ako'y mamarapatin, ipapakilala ko sa inyo ang aking asawa bago kami magtungo sa Planetarium. May kailangan lamang akong ayusin doon at nais ko sanang pasalamatan si Ophelia."

Pumayag kaagad ang hari at reyna. Dahil dito, nalaman ni Ybrahim ang kahalagahan tungkol sa pagsabi ng katotohanan. Takot ang kadalasan na nangingibabaw sa lahat ng nilalang kung kaya't nagsisisi sa huli at nananatili sa walang kasiguraduhan ang karamihan. Alam niyang nagkulang sila ni Ophelia roon at handa siyang pangaralan muli ito tungkol sa buhay sa oras na magkaayos sila.


Load failed, please RETRY

Wöchentlicher Energiestatus

Rank -- Power- Rangliste
Stone -- Power- Stein

Stapelfreischaltung von Kapiteln

Inhaltsverzeichnis

Anzeigeoptionen

Hintergrund

Schriftart

Größe

Kapitel-Kommentare

Schreiben Sie eine Rezension Lese-Status: C9
Fehler beim Posten. Bitte versuchen Sie es erneut
  • Qualität des Schreibens
  • Veröffentlichungsstabilität
  • Geschichtenentwicklung
  • Charakter-Design
  • Welthintergrund

Die Gesamtpunktzahl 0.0

Rezension erfolgreich gepostet! Lesen Sie mehr Rezensionen
Stimmen Sie mit Powerstein ab
Rank NR.-- Macht-Rangliste
Stone -- Power-Stein
Unangemessene Inhalte melden
error Tipp

Missbrauch melden

Kommentare zu Absätzen

Einloggen