Ibig sabihin… Gusto rin ni Song Xiangsi na maramdaman mula sakanya na
espesyal din ito, tama?
Pero kahit kailan hindi niya yun nagawa…
Kung noong una palang, mas pinili niyang alagaan at pagbuhusan ito ng
pagmamahal, siguro hindi sila magkaka'ganito, tama?
Isa pa… Kung noong una palang inamin niya sana sa sarili niyang na 'love at
first sight' siya kay Song Xiangsi, hindi sana nito inisip na kailangan nitong
pagbayaran ang limang milyong RMB na binigay niya, tama?
Isinuksok niya ang bank card na binigay sakanya ni Mr. Song sa bulsa na nasa
bandang dibdib niya, at ngayon, pakiramdam niya ay para itong bumabaon sa
puso niya…
Ngayon araw… natutunan niya kung paano maging mabuting tao at asawa…
Pero huli na ang lahat… Dahil kasal na ito sa iba, at malinaw na wala na siya
sa eksena…
Dahil sa bigat ng emosyon, humithit si Xu Jiamu ng sobrang lalim, na umabot
sa puntong naubo na siya.
At habang umuubo, tuluyan ng bumuhos ang mga luhang kanina niya pa
kinikimkim.
-
Kagaya ng nakasanayan, si Xu Jiamu ang nagluto. Hiniwa niya ang manok na
binili ni Song Xiangsi at inilagay ito sa plato.
Noong handa na ang gabihan, si Song Xiangsi ang gumising sa papa niya.
Siguro dahil napagbigyan niya itong pumunta sa puntod ng mama niya,
hanggang ngayon ay sobrang saya pa rin ng papa niya, kaya nakaubos ito ng
isang buong paa ng manok.
Pagkatapos nilang kumain, naunang pumasok si Mr. Song sa kwarto, at hindi
nagtagal, tinawag niya si Song Xiangsi. Bilang father-daughter bonding,
nagsarado sila ng pintuan, at alas nuebe pasado na noong lumabas ito.
Nang makita ni Xu Jiamu, na nakaupo sa sofa, na lumabas Song Xiangsi, dali-
dali siyang tumayo para ipagtimpla ito ng mainit na gatas.
Mahinahon na nagpasalamat si Song Xiangsi.
Hinintay ni Xu Jiamu na maubos ni Song Xiangsi ang gatas bago siya muling
magsalita, "Late na, matulog ka na."
"Mmm." Tumungo si Song Xiangsi, at noong maglalakad na siya papunta sa
kusina para hugasan ang tasang ginamit niya, bigla itong inagaw ni Xu Jiamu.
"Ako na maghuhugas nito, magshower ka na."
"Salamat."
Hindi na sumagot si Xu Jiamu, pero halos sampung segundo niya ring tinitigan
si Song Xiangsi bago siya tumalikod at maglakad papunta sa kusina.
Dahil dito, parang naging estatwa si Song Xiangsi na hindi makagalaw sa
kinatatayuan niya at napatulala nalang habang pinapakinggan ang tunog ng
umaagos na tubig galing sa kusina.
-
Bandang alas tres ng madaling araw, biglang nagising si Song Xiangsi.
Hindi siya nanaginip ng masama, pero literal na bigla nalang siyang
bumangon… Nakabukas din ang aircon niya, pero basang basa siya sa
pawis…
Halos hindi siya makahinga ng maayos, at sobrang bilis din ng tibok ng puso
niya…
Hindi niya alam kung ano, pero sigurado siyang may nangyari… Halos
sampung minuto niyang sinubukang kalmahin ang sarili pero noong wala pa
ring pagbabago sa pakiramdam niya, tuluyan na siyang bumangon at tumakbo
palabas.
Kaya si Xu Jiamu, na natutulog sa sala, ay napatalon din sa gulat nang marinig
ang kalabog nito. "Xiangsi?"
Dali-dali, binuksan niya ang ilaw na nasa tabi niya, at doon sumalubong
sakanya ang imahe ni Song Xiangsi na tumatakbo papasok sa kwarto ni Mr.
Song.
Kaya walang pagdadalawang isip siyang bumangon para sundan ito, pero
pagkarating niya sa may pintuan, bigla siyang natigilan dahil nakita niya si
Song Xiangsi na nanginginig habang pinapakiramdaman ang ilong ni Mr. Song,
at wala pang tatlong segundo, bigla nalang itong sumalampak sa sahig at
umiyak.
Medyo naalimpungatan pa si Xu Jiamu kaya hindi niya pa maintindihan ang
nangyayari noong una, pero nang maproseso na siya… Biglang nawala ang
antok niya.
Maging ang mga tuhod niya ay nanginginig habang nakatitig sa umiiyak na
Song Xiangsi kaya halos tatlong minuto pa ang lumipas na hindi siya
gumagalaw sakanyang kinatatayuan bago niya pilitin ang kanyang sarili na
dahan-dahang maglakad papunta rito.
Nakahiga si Mr. Song habang ang dalawa nitong mga kamay ay nakalapag sa
tyan nito, at kahit sa malyuan, kapansin-pansin na nakangiti ito, na para bang
nanaginip lang ng maganda.
Maingat na hinawakan ni Xu Jiamu ang kamay ni Mr. Song, at nang
maramdaman niyang malamig na ito, muli siyang natigilan at dahan-dahang
tumingin kay Song Xiangsi. Siguro dahil ngayon niya lang ito nakitang umiyak,
pakiramdam niya ay parang sinasaksak ang puso niya, kaya kahit alam niyang
hindi sapat ang mga salitang gusto niyang sabihin, naglakas loob pa rin siyang
lumapit dito para himasin ang balikat nito. "Sisi, wag ka ng malungkot."
Pero parang walang katapusan ang mga luha ni Song Xiangsi, at iyak lang siya
ng iyak.
Alam niya naman na parte talaga ng buhay ang kamatayan, at malinaw din
sakanya na hindi na rin magtatagal ang papa niya, pero hindi niya naman
naisip na ganito kabilis, kaya sobrang sakit para sakanya.
Akala niya pwede niya pang maiuwi ang papa niya sa Beijing para makita si
Little Red Bean. Gusto niya sanang ipakilala ang anak niya, sa
pagbabakasakali na pag nalaman nitong may apo na ito, biglang gumanda ang
kundisyon nito kahit papano. Bago sila matulog, ilang oras na magkahawak
ang mga kamay nila habang pinagkwekwentuhan ang mga nangyari noong
bata pa siya…Mukhang okay naman ito kagabi… Kumpara sa mga nakaraang
araw, alam niyang mas malakas ito. Kaya… Bakit ito biglang namatay?
Habang mas iniisip ni Song Xiangsi ang mga bagay-bagay, lalo lang niyang
hindi matanggap ang nangyari.
Dahan-dahang lumuhod si Xu Jiamu para yakapin si Song Xiangsi, at sa
sobrang tagal nitong umiyak, bandang huli, basang-basa na ng luha ang t-shirt
niya.
-
Pagkalipas ng ilang araw, hindi pa rin tanggap ni Song Xiangsi ang pagkawala
ng papa niya kaya madalas lang siyang nakatulala habang nakayap sa picture
nito.
Kaya si Xu Jiamu nalang ang umasikaso ng lamay ni Mr. Song.
Noong araw ng libing, lahat ng mga kaibigan ni Mr. Song ay dumating.
At dahil hindi pa rin kaya ni Song Xiangsi na humarap kahit kanino, inako na ni
Xu Jiamu ang lahat ng responsibilidad mula sa pagaasikaso ng mga bisita
hanggang sa mismong paglibing ni Mr. Song.
Nilagak si Mr. Song sa tabi mismo ng puntod ni Mrs. Song. Malayong malayo
sa inaasahan, umulan ng sobrang lakas habang ibinababa na ang kabaong ni
Mr. Song, pero sa kabila ng lahat ng putik, sumalampak pa rin si Song Xiangsi
habang emosyunal na umiiyak, kaya nang makita ito ni Xu Jiamu, dali-dali
siyang lumapit para payungan ito.
Hindi ganun kalaki ang payong at literal na si Song Xiangsi lang ang kasya,
kaya bandang huli, basang basa si Xu Jiamu.
Pagsapit ng alas tres ng hapon, isa-isa ng nagsi'alisan ang mga nakiramay,
hanggang sina Xu Jiamu at Song Xiangsi nalang ang naiwan.
Tatlong araw ng hindi masyadong kumakain si Song Xiangsi, at dahil dito,
halatang halata ang laki ng ipinayat nito, kaya naman sinadya ni Xu Jiamu na
paglutuan ito ng lugaw at dalhin sa kwarto nito.
Pagkapasok niya, nakahiga ito sa posisyong nakatalikod sa pintuan, kaya
dahan-dahan niyang inilapag ang dala niyang mangkok sa lamesa na nasa tabi
ng kama. Hindi nagtagal, maingat niyang hinalo, sinandok at hinipan ang
mainit na lugaw, pero noong sinubukan niyang subuan si Song Xiangsi, bigla
nitong hinawi ang kamay niya.
Kaya natapon sa kamay niya ang nakakapasong lugaw.
Biglang natigilan si Song Xiangsi, pero pagkalipas ng halos tatlong segundo,
muli siyang tumalikod, na para bang wala siyang pakielam sa nangyari.
Pero sa kabila nito, walang kahit kaunting galit o inis na naramdaman si Xu
Jiamu, bagkus, pinulot niya lang ang nalaglag na kutsara, nilinis ang mga
naging kalat, at walang imik na lumabas ng kwarto.
Hindi nagtagal, bumalik siya na may dalang bagong mangkok ng lugaw.
Das könnte Ihnen auch gefallen
Kommentar absatzweise anzeigen
Die Absatzkommentarfunktion ist jetzt im Web! Bewegen Sie den Mauszeiger über einen beliebigen Absatz und klicken Sie auf das Symbol, um Ihren Kommentar hinzuzufügen.
Außerdem können Sie es jederzeit in den Einstellungen aus- und einschalten.
ICH HAB ES