Habang naghahanap si Qiao Anxia ng bakante sa underground parking ng building, nakita niya ang sasakyan ni Chen Yang, at noong sandaling yun, biglang bumilis ang tibok ng kanyang puso at muling nagdalawang isip kung aakyat pa ba siya.
Sakto, walang nakaparada sa tapat ng sasakyan nito kaya sinadya niyang itapat ang sarili niyang sasakyan dito. Hindi niya maintindihan kung bakit sobrang kinakabahan siya, pero kahit anong gawin niya ay hindi niya makumbinsi ang sarili niyang maging matapang at harapin ang ex-boyfriend.
Kaya nanatili siya sa loob ng kanyang sasakyan habang iniisip kung ano ba talagang dapat niyang gawin hanggang sa maagaw ng isang taong bumaba mula sa isang itim na sedan ang kanyang atensyon…
Base sa pangangatawan nito, masasabi niyang babae ito, na medyo may katandaan na rin. Pero bukod sa nakasumbrero, nakasuot rin ito ng mask kaya hindi niya maaninag ang mukha nito. Hindi niya rin alam kung bakit siya interesado sa taong ito, pero habang tinititigan niya ito, lalong lumalakas ang kutob niya na nakita niya na ito noon.
Kaya pansamantala niyang isinantabi ang mga personal niyang dinidibdib, para sundan ito ng tingin, at sakto, nakita niyang may inilabas ang babae mula sa bag nito at ibinulsa.
Kahit na mabilis ang kilos ng nasabing babae, kitang-kita niya pa rin na kutsilyo ang inilabas nito.
Sa pagkakataong ito, bigla siyang napakunot ng noo at lalong naging interesadong kilalanin ang katauhan ng babae. Sino namang matinong tao ang magbibihis ng ganun at magdadala ng kutsilyo ng ganito kaaga?
Dumiretso ang babae sa tapat ng elevator, at noong sandaling itaas nito ang kamay nito para pintudin ang palapag kung saan ito pupunta, nakita niya ang jade bangle na suot nito…
Teka lang… pamilyar sakanya ang jade bangle na 'yun… sigurado siya na ilang beses niya ng nakita 'yun…
Pero… saan niya nga ba eksaktong nakita yun?
Sinubukan niyang alalahanin kung sino-sino ang mga kilala niyang nagsusuot ng jade bangle, pero wala talagang tumutugma ni-isa, kaya noong nadesperado na siya, bigla niyang pinihit ang kanyang manibela papunta sa elevator, kung saan saktong sakto ang dating niya dahil nakita niya ng malapitan ang istura ng babae habang pasarado ang elevator…
Han Ruchu!
Oo… sigurado siyang si Han Ruchu ang nakita niya!
Kaya naman pala sobrang pamilyar ng hubog ng katawan at ng jade bangle na suot nito!
Kasi mula pagkabata niya, lagi niyang nakikitang suot ni Han Ruchu ang bangle!
Pero bakit siya nandito?
Ang alam niya, maraming kasama si Qiao Anhao sa taas at base sa pagkakakilala niya kay Han Ruchu, hindi naman nito kayang mageskandalo sa harap ng maraming tao…
Pero may dala siyang kutsilyo…
Bukod sa mga kwento ng mama niya, wala na siyang ibang alam tungkol sa naging alitan nina Qiao Anhao at ni Han Ruchu kaya hindi niya maintindihan kung ano ba talagang nangyayari, pero sa paglipas ng bawat segundo, lalo siyang kinakabahan kaya bandang huli ay huminto na siya sa panghuhula at nagmamadaling bumaba ng kanyang sasakyan para tumakbo papunta sa elevator.
Nang maabutan niya na ito, nakita niyang dumiretso ito sa CR, pero sa takot niyang mahuli siya ng matanda, hinayaan niya munang makapasok ito sa isang cubicle bago siya dahan-dahang maglakad papunta sa kabilang cubicle. Sa pagkakataong ito, lalo pang lumakas ang kutob niya na may masama itong binabalak kaya palihim siyang sumilip sa maliit na siwang ng pintuan, at doon niya nakita na nilolock ni Han Ruchu ang pintuan sa cubicle na pinasukan nito.
Bakit nagtatago dito si Han Ruchu?
Kahit anong gawin niya ay hindi niya talaga mapagdugtong-dugtong ang mga nangayri at bukod sa kutob, wala na siyang ibang mahukay sa isip niya. Ang alam niya lang ay magtatago siya para hindi siya makita ni Han Ruchu, kaya habang nararamdaman niya na nasa kabilang cubicle pa ito, maya't-maya rin siyang sumisilip sa siwang.
Masyado siyang nagmadali noong bumaba siya ng sasakyan kaya nakalimutan niyang kunin ang kanyang phone, at dahil natatakot rin siyang lumabas, pinagpupunit niya nalang ang tissue habang nagpapalipas ng oras.
At noong paubos niya na ang isang rolyo ng tissue, muling nagbukas ang pintuan ng CR, kasunod ng boses ni Qiao Anhao, "Zhao Meng, akin na yung wet wipes."
Pagkatapos nitong magsalita, narinig niyang may nagsarang pintuan ng cubicle.
Sa pagkakawari niya, mukhang sinamahan ni Zhao Meng si Qiao Anhao sa CR, pero noong nakapasok na ang pinsan niya sa cubicle, lumabas din kaagad ang kaibigan nito.
Wala pang dalawang minuto, flinush ni Qiao Anhao ang bowl.
"Kiak!"
Nang marinig ni Qiao Anxia na nagbukas ang pintuan ng kabilang cubicle, nagmamadali siyang sumilip sa siwang, at nakita niyang naglakad ang pinsan niya papunta direksyon kung nasaan siya, pero siyempre, wala naman itong kaalam-alam na nagtatago siya doon, kaya dumiretso ito sa lababo para maghugas ng kamay. At hindi nagtagal, naramdaman niya na dahan-dahang nagbubukas ang pintuan ng cubicle, na kanina niya pa binabantayan…
Lalabas na ba si Han Ruchu?
Kung kanina, wala siyang maisip na pwedeng dahilan ng pagtatago ni Han Ruchu, pero ngayong dumating ang pinsan niya, unti-unti ng lumilinaw sakanya ang lahat, kaya habang pinapakiramdaman ang matanda na nasa kabilang cubicle, dahan-dahan niya ring binuksan ang pintuan ng pinagtataguan niyang cubicle.
At kagaya nga ng inaasahan niya, lumabas si Han Ruchu ng pintuan pagkalipas ng sampung segundo…
Kitang-kita niya na pasimple nitong inilabas ang kutsilyong tinago nito kanina habang maingat na naglalakad para hindi makakutob si Qiao Anhao.
Aha! Ito na ang sagot na kanina niya hininhintay….Ibig sabihin, sinadya ni Han Ruchu na magtago sa loob ng cubicle dahil alam nitong magc'CR at magc'CR si Qiao Anhao!
Mukhang napagplanuhang maigi ng matanda ang gagawin nito dahil nga naman sa tagal ng fitting, imposibleng hindi maihi si Qiao Anhao lalo na ngayon na buntis ito. At kagaya niya, nagmamanman lang din si Han Ruchu sa loob ng pinagtataguan nito, kaya pagkapasok ng pinsan niya, tantsado na nito ang gagawin nito…
Sinadya nitong lumabas habang naghuhugas ng kamay si Qiao Anhao para hindi marinig ng biktima ang mga yabag ng paa nito…
Kung hindi lilingon si Qiao Anhao, siguradong mas magiging madali ito para kay Han Ruchu… At kung totoo ngang magtatagumpay ang plano ng matanda, kahit pa mabuhay si Qiao Anhao, siguradong hindi makakaligtas ang bata…
Sa ngayon, mahalaga ang bawat segundo, dahil kahit anong bagal ng paglalakad ni Han Ruchu, siguradong hindi magtatagal ay makakalapit ito sa pinsan niya…. At hindi niya pwedeng hayaan na mangyari yun, kaya matapos ng ilang sandaling pagmamanman, bigla niyang binuksan ang pintuan at nagmamadaling tumakbo papalapit kay Qiao Anhao habang sumisigaw, "Qiao Qiao, magingat ka!"
Hindi akalain ni Han Ruchu na bukod sakanilang dalawa ni Qiao Anhao ay may iba pa pa palang tao sa loob ng CR, pero nang makita niya si Qiao Anxia, hindi siya natakot kahit kaunti, bagkus, lalo pang nanlisik ang kanyang mga mata.
Ang buong akala niya, magagawa niya ang plano niya ng walang kahirap-hirap…
Magkaaway sila ng pinaka mamahal niyang anak, iniwan na rin siya ng sarili niyang asawa, at ang pangalan at katanyagan na iningatan niya ng buong buhay niya ay matagal ng ninakaw sakanya….
At ngayon, pinandidirihan na siya ng lahat…
Paano niya naman kakayaning mabuhay ng ganun kababa?
Paano niya hahayaan na maging masaya ang taong naging bunga ng pagtataksil ng asawa niya?
'Hah! Hindi nga dapat naipanganak ang hampas lupang yun. Bakit ba pabor na pabor pa sa walang kwentang taong yun ang buhay?'
Samantalang siya? Tinalikuran lang naman siya ng lahat kaya ngayon wala siyang ibang gustong mangyari kundi ang maghiganti sa mga taong naging dahilan ng paghihirap niya, at sa totoo lang? Hanggang panagip ay gusto niyang patayin ang mga ito.
Hindi ba si Qiao Anhao ang pinaka mahalagang tao sa buhay ni Lu Jinnian?
Pwes, hindi lang ang taong mahal nito ang papatayin niya dahil idadamay niya rin ang walang kamuwang-muwang nitong anak!
Papatayin niya ang lahat ng umapi sakanya! At ngayong walang wala na siya, sisiguraduhin niyang kagaya niya, hahalik din si Lu Jinnian sa lupa!
Pare-pareho tayong maghihirap!
Biglang ngumisi si Han Ruchu at tumawa, na para bang nawala na talaga siya sa sarili niya, at limang segundo pagkatapos sumigaw ni Qiao Anxia, biglang niyang hinawakan ng mahigpit ang kutsilyong kanina niya pa tinatago at nagmamadaling tumakbo papalapit kay Qiao Anhao, na nakatutok ang dulo ng kutsilo sakto sa tyan nito.
-
Biglang natigilan si Qiao Anhao nang narinig niyang may tumawag sa pangalan niya, at noong nabosesan niyang si Qiao Anxia ito, walang pagdadalawang isip siyang lumingon, at doon niya nakita ang isang babaeng nakadisguise na tumatakbo papalapit sakanya at may hawak na kutsilyo.
Das könnte Ihnen auch gefallen
Kommentar absatzweise anzeigen
Die Absatzkommentarfunktion ist jetzt im Web! Bewegen Sie den Mauszeiger über einen beliebigen Absatz und klicken Sie auf das Symbol, um Ihren Kommentar hinzuzufügen.
Außerdem können Sie es jederzeit in den Einstellungen aus- und einschalten.
ICH HAB ES