"Ano kamo?"
"Talagang sinabi niya ang ganung bagay kay Master Mo Yang?"
"Tinulungan siya ni master na pumili ng kayamanan, tapos sinasabi niyang niloloko siya ni master?"
"Ang yabang niya!"
Nang marinig nila ang mga sinabi ni Zhang Xuan, saglit na natahimik ang mga tao bago sila nagkagulo.
[May sira ba ang ulo niya?
Nagpakahirap si master na tulungan siyang pumili ng kayamanan, tapos sasabihin niyang… Manloloko, nagpapaka astig?]
"Anong sinabi mo?" Hindi inasahan ni Master Mo Yang na ganito ang magiging sagot ng binata. Nagdilim ang mukha ni Master Mo Yang. "Kaibigan, may hindi ba tayo pagkakaintindihan?"
"Hindi pagkakaintindihan? Mas alam mo dapat kung ano ang sinasabi ko. Kung gusto mong manloko ng iba, sige lang. Wala akong pakialam, at wala din akong balak na mangialam sa mga ginagawa mo! Pipiliin ko ang mga gusto kong artifact habang niloloko mo ang mga biktima mo, huwag tayong haharang sa daanan ng isa't isa. Kaya, tigilan mo yang kayabangan mo sa harap ko!"
Naiinis siyang itinaboy ni Zhang Xuan.
Kahit kailan ay hindi niya nagustuhan ang mga manloloko. Gayon pa man, hangga't hindi siya naaabala ni Master Mo Yang, handa siyang palampasin ang tungkol dito. Ngunit, sinubukan siyang gamitin ng taong 'to para magmukhang magaling, talagang gusto niyang masaktan!
"Lapastangan!" Namutla ang pagmumukha ni Master Mo Yang at ipinitik niya ang kanyang damit. "Nakuha ko ang mga kwalipikasyon ko bilang mag-aalahas 30 taon na ang nakalipas, at marami na akong natulungang tao. Malinis ang konsensya ko! Wala pang tao na inakusahan ako ng panloloko. Mapatutunayan yan ng lahat ng tao dito, kailan ba ako nanloko ng kahit sino sa inyo?"
"Maawain si Master Mo Yang at inililigtas niya ang mga tao mula sa kagipitan. Imposibleng manloloko siya!"
"Gusto na sigurong mamatay ng sinungaling na yan!"
"Master, huwag kang magalit. Tuturuan ko ng leksyon yang tao na yan para sayo, para matutunan niyang huwag magsinungaling…"
…
Sa ilang salita lang, nagawang galitin ni Master Mo Yang ang lahat ng tao sa paligid. Lahat ng tao ay tumingin kay Zhang Xuan na parang pinatay niya ang mga pamilya nila.
"Nakuha mo ang mga kwalipikasyon mo bilang mag-aalahas 30 taon na ang nakalipas? Malinis ang konsensya mo?"
Hindi makapagsalita si Zhang Xuan.
[Isa ka lang maliit na baguhang mag-aalahas, kailangan mo ba talagang magpanggap na higit ka pa dun?
Mas makapal pala ang mukha mo kesa sa inakala ko.
Hindi nakapagtataka na naging isa kang manloloko na tinutugis ng Liuzhu Kingdom. Bukod sa napaka kapal ng pagmumukha mo, nakakatakot din yung kakayahan mong iangkop ang sarili mo sa mga biglaang pagbabago.]
Matataranta na ang ibang mga manloloko kapag inilantad sila sa harap ng ibang tao. Pero, mabilis na binaligtad ng taong 'to ang sitwasyon, dahilan para mahirapan siyang makaalis sa sitwasyong ito.
Kung wala kay Zhang Xuan ang Library of Heaven's Path, sa oras na nakita niya ang pagiging marangal ni Master Mo Yang, siguradong iisipin niyang nagkakamali siya. Subalit, dahil nasa kanya ang library, dahil nakasulat dito na isa siyang manloloko, siguradong manloloko nga siya!
"Huminahon kayong lahat!" Nang makita niyang nagalit ang lahat ng tao at siya na ang nakakalamang ngayon, ikinumpas ni Master Mo Yang ang kanyang kamay at sinabing, "Isa akong mapagpatawad na tao. Kung hihingi ka ng paumanhin sa mga sinabi mo kanina, pwede kong palampasin ang ginawa mo. Kung hindi naman, alam mo na siguro kung anong parusang naghihintay sayo dahil sa paninira mo sakin!"
"Parusa?" Napailing si Zhang Xuan. "Madali lang naman patunayan kung manloloko ka ba talaga o hindi at kung nagsisinungaling ba ako o hindi. Kung lilinisin nila ang labas ng mga artifact na binili nila, malalaman natin agad ang resulta! Ano pang kwenta ng mga sinasabi mong kalokohan?"
"Linisin?" Tila naisip na agad ni Master Mo Yang na sasabihin niya ang ganitong bagay. Mahinahon siyang sumagot, "Sinabi ko na kanina na aalis na ako sa Tianxuan City ngayong gabi. Ang mga pinili kong artifact para sa kanila ay malaki lahat at mangangailangan ng halos kalahating araw bago makita ang tunay nitong anyo. May mga kailangan pa akong asikasuhin, at hindi ko pwedeng ipagpaliban ang alis ko ng ganun katagal! Bakit, sasabihin mo ba na kaya gustong gusto ko nang umalis dito kasi may kasalanan ako, para magamit mo 'to laban sakin?"
Sa puntong ito, ihinawi niya ang kanyang kamay at makikita ang kanyang kayabangan. "Ako, si Mo Yang, ay namumuhay ng matuwid, kaya walang dahilan para matakot ako sa mga akusasyon mo! Tinulungan kitang pumili ng isang artifact, tapos aakusahan mo lang pala ako na niloloko kita. Dahil wala ka namang matibay na ebidensya, isa yang paninirang puri. Alam mo ba ang kapalit ng paninira sa isang mahusay na mag-aalahas?"
Nang marinig niya ang mga ito, naisip ni Zhang Xuan na masyado niyang minaliit ang kawalang hiyaan ni Master Mo Yang.
Gaya ng inaasahan sa isang propesyonal na manloloko, nakaisip na siya agad ng plano para makatakas kapag naging mahirap ang sitwasyon.
Malinaw niyang sinabi na aalis na siya ng Tianxuan Kingdom ngayong gabi, dahilan para makatakas siya agad. Bago pa man makapagsalita si Zhang Xuan, nakontra na agad siya ni Master Mo Yang. Ngayon, kahit na sabihin pa niyang natatakot si Master Mo Yang na hintaying malinis ng maigi, wala nang maniniwala sa kanya!
Higit pa dito… Wala talagang kahit anong ebidensya si Zhang Xuan para patunayan na isang manloloko si Master Mo Yang!
Hindi pwedeng mabunyag ang sikreto ng Library of Heaven's Path. Kahit na mabunyag ito, mayroon dapat na kahit isang tao na gustong maniwala sa kanya!
"Bata, lumuhod ka at humingi ka ng tawad sa master ngayon na!
"Ang lakas ng loob mong sabihin na manloloko si master, sa tingin mo ba hindi kita papatayin ngayon?"
"Saan ba nanggaling ang mapangahas na hayop na 'to, ang lakas ng loob niyang pagdudahan ang pagiging inosente ng master natin?"
…
Nang makita ng mga tao kung gaano karangal ang kanilang master, maraming tao ang piniling paniwalaan siya, at karamihan sa kanila ay nagsimulang sigawan si Zhang Xuan.
Galit na galit ang mga taong ito.
Ang mga taong naloko ay pinaniwala ang mga sarili nila dahil hindi nila matanggap na naloko sila. Kahit na sino pa siya, kapag may nanggulo sa panaginip nila, siguradong tututulan nilang maigi at aawayin.
Sa tingin nila, isang matuwid na tao si Master Mo Yang, kaya paano naman siya naging manloloko?
Anong klaseng kalokohan 'to!
"Dahil sinasabi ng taong 'to na manloloko si master, malamang magaling din siya sa pagsusuri, di ba? Kung ganun ka nga kahusay, bakit hindi ka pumili ng isang artifact para makita naming lahat ang kaya mo? Kapag basura ang napili mo, titigil ka na sa ginagawa mo at aalis ka na!"
Ang sigaw ng isang tao sa madla.
"Tama. Dahil tinawag mo 'kong manloloko, at ayaw mong tanggapin ang artifact na pinili ko para sayo, sigurado akong may alam ka din sa pagsusuri ng mga artifact!"
Sa puntong ito, tumango si Master Mo Yang at lumingon, "Ganito na lang, bibigyan kita ng pagkakataon! Pipili tayong pareho ng isang simple at maliit na artifact, para madali natin itong malinis at masuri! Kapag kumita ka sa bagay na napili mo, tatanggapin kong mahusay ka at kakalimutan ko na ang nangyari! Pero kapag walang kwenta ang napili mo, pasensya ka na, pero kailangan mong bilhin ang kayamanang napili ko para sayo, luluhod ka at hihingi ng tawad sakin!"
"Gusto mong magpaligsahan tayo sa isang laban ng pagsusuri?" Kanina lang, namomroblema pa si Zhang Xuan kung paano siya makakakuha ng ebidensya laban sa kanya. Ngunit, nang marinig niya ang mga sinabi ni Master Mo Yang, bahagya siyang nagulat at halos matawa siya.
[May maluwang atang turnilyo sa utak 'to]
Taglay ni Zhang Xuan ang Library of Heaven's Path. Kapag sinabi niyang pangalawa lang siya sa pagsusuri, walang magtatangkang sabihin na sila ang pinaka una sa mundo… [Sigurado ka bang hindi naipit sa pinto yang ulo mo?]
Ngunit, pagkatapos niya itong pag-isipang maigi, nagawa niyang maintindihan ang dahilan ni Master Mo Yang sa kanyang ginagawa.
Sa pananaw ni Master Mo Yang, si Zhang Xuan ay isang labing walo o labing siyam na taong gulang na binata, kaya ano naman ang alam niya sa pagsusuri ng mga artifact? Isa pa, dahil nagawa niyang tulungan ang na kumita ilang araw na ang nakalipas, malamang ay may naihanda na siyang plano bago pa ang lahat. Kapag sabay silang sumuri ng artifact at kapag basura ang napili ni Zhang Xuan, maaari niyang gamitin ang pagkakataong ito para lalong pataasin ang tingin sa kanya ng mga tao. At posibleng makapanghikayat pa siya ng ilang mga uto-uto para mamuhunan sa kanya.
"Bakit? Ayaw mong tanggapin ang hamon ko?"
Disidido si Master Mo Yang na kainin ng buo si Zhang Xuan.
"Sige!" Dahil naghahanap ng ikasasabik niya si Master Mo Yang, paano naman makakatanggi si Zhang Xuan?
"Sige, ako na ang mauuna!" Hinawi ni Master Mo Yang ang kanyang damit at naglakad sa mahaba ata nakaangat na mga platform. Agad siyang huminto sa tapat ng isang artifact na kasing laki ng palad at pinulot ito.
Ang bagay na ito ay nababalutan ng makapal na bato, na kahit ang hugis ng bagay na nasa loob nito ay hindi rin masiguro, lalo na ang malaman kung mahalaga ba ito o hindi.
"Manong, magkano ba ang halaga nito?
Ang sabi ni Master Mo Yang, nang pulutin niya ang gamit.
"Ang bagay na ito ay maliit at wala namang gaanong paggalaw ng spirit energy na mararamdaman mula dito. 200 pirasong ginto!" Ang sagot ng tindero at lumapit siya kay Master Mo Yang.
"Sige, humanap ka ng tutulong sakin na linisin ito!"
Ang mahinahong sinabi ni Master Mo Yang habang inaabot niya ang kanyang bayad.
"Opo!"
Kinuha ng tindero ang kayamanan at dinala ito sa isang hall sa likod. Ilang sandali ang lumipas, lumabas siya na may bitbit na gintong palaka sa kanyang mg kamay. Masayang masaya niyang sinabi ni, "Maligayang bati, master. Ito ang pinagbalatan ng isang [Spirit Horned Golden Toad]!"
"Ano ang Spirit Horned Golden Toad?"
"Ang Spirit Horned Golden Toad ay isang tier-6 savage beast. Sa buong katawan nito, ang pinaka mahalagang parte nito ay ang balat. Isang beses lang itong nagpapalit ng balat sa buong buhay nito. Ito ay pwedeng gamitin sa paggawa ng mga gamot at napaka laki ng halaga nito!"
"Gaya ng inaasahan kay Master Mo Yang, nagawa niyang makakuha ng kayamanan sa kabila ng napakaraming mga bagay na kasama nito. Ang kakayahan mo sa pagsusuri ay napakahusay!"
…
Nang marinig nilang ito ay pinagbalatan ng isang Spirit Horned Golden Toad, nagkagulo ang mga tao.
"Maaaring hindi alam ng mga tao ang tungkol sa bagay na 'to, kaya bakit hindi ka pa magbigay ng presyo! Mas magiging maganda 'to kung ganun!" Taas noong nagmamagaling si Master Mo Yang habang nagsasalita siya.
"Nagkakahalaga ito ng… 2000 pirasong ginto!" Ang sabi ng tindero.
"2000 pirasong ginto?"
"Pagkatapos niya itong bilhin ng 200 pirasong ginto, biglang tumaas ang halaga nito sa 2000 pirasong ginto ng ganun kabilis? Kumita siya ng sampung patong?"
"Masyadong nakakamangha 'to!"
"Gaya ng inaasahan sa master. Kung kaya mong kumita ng ganyan kalaki sa isang maliit na bagay lang, siguradong mas malaki ang kikitain ko sa higanteng artifact na pinili mo para sakin kanina!"
…
Nang makita nila ang nangyari, muling nag-alab ang mga mata ng mga taong nag-aalala kanina.
[Ang isang master ay hindi lang magaling sa pagpapasikat, makikita ang kaibahan sa kanyang kakayahan sa oras na may gawin siya!]
'Sige na, ikaw na ang susunod!"
Ang sabi ni Master Mo Yang.
"Ah…" Tumango si Zhang Xuan.
Dahil alam niyang manloloko si Master Mo Yang, alam niyang may nakahandang plano si Master Mo Yang. Ganon pa man, hindi inasahan ni Zhang Xuan na ganito katindi ang inihandang plano ni Master Mo Yang!
Kailangan niyang pumili ng isang bagay na kasing lebel ng napili ng master.
"Pwede ko ba munang piliin ang artifact at magbigay ng presyo nito pagkatapos kong malinis yung artifact?"
Paglapit ni Zhang Xuan, bigla siyang may naalala at lumingon siya sa tindero.
"Hindi pwede! Kailangan mo munang magbayad bago mo 'yun linisin! Parte ito ng mga patakaran. Kung papayagan kita, paano kung basura pala ang nakuha mo pagkatapos mo 'tong linisin at inayawan mo na 'to, o kaya naman masyado pala itong mahal at ayaw na namin itong ibenta? Imposibleng maayos ang mga ganoong sitwasyon!"
Ang madiin na sinabi ng tindero.
Para maiwasan ang mga ganoong pangyayari, kailangan munang bayaran ng isang tao ang napili niyang artifact sa treasure speculation. Katumbas ito ng paglagda sa isang kontrata, walang pwedeng tumalikod sa kasunduang ito.
"Sige na nga…"
Pagkatapos sabihin sa kanya ang mga patakaran, napatango na lamang si Zhang Xuan. Pagkatapos, lumingon siya sa mga artifact, at bigla niyang sinabi na, "Tara dito, piliin mo para sakin kung aling mga artifact ang nagkakahalaga ng mababa pa sa walong pirasong ginto dito! Pipili ako ng isa sa mga yun…"